Aliwin ang mga Nagdadalamhati
1. Bakit kailangan ng mga nagdadalamhati ang kaaliwan?
1 Talagang nakapipighati ang mamatayan ng isang mahal sa buhay, lalo na para sa mga walang pag-asa ukol sa Kaharian. (1 Tes. 4:13) Madalas na nagtatanong ang marami: ‘Bakit namamatay ang mga tao? Saan sila nagtutungo? Makikita ko pa kaya ang aking mahal sa buhay?’ Narito ang ilang mungkahi kung paano tayo makapagbibigay ng kaaliwan sa mga taong natatagpuan natin sa larangan na nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang kamag-anak o kaibigan.—Isa. 61:2.
2. Kung malaman nating nagdadalamhati ang isang may-bahay, dapat bang lagi tayong makipag-usap nang matagal?
2 Sa Bahay-bahay: Maaaring nalaman natin sa may-bahay na kamamatay lamang ng isa niyang kapamilya. Nagdadalamhati kaya siya? Marami bang nag-iiyakan sa loob ng kanilang bahay? Sa gayong mga pagkakataon, makabubuting huwag magtagal sa pakikipag-usap sa kaniya. (Ecles. 3:1, 7) Marahil maaari nating ipahayag ang ating pakikiramay; bigyan siya ng naaangkop na tract, magasin, o brosyur; at magalang na umalis. Pagkatapos, maaari tayong bumalik sa ibang mas angkop na panahon upang ibahagi sa kaniya ang iba pang nakaaaliw na mensahe mula sa Bibliya.
3. Kung ipinahihintulot ng mga kalagayan, anu-anong teksto ang maaari nating ipakita sa isang nagdadalamhating may-bahay?
3 Sa ibang mga pagkakataon, baka puwede ka nang makipag-usap nang matagal-tagal sa kaniya. Bagaman hindi ito ang tamang panahon upang ituwid ang maling mga paniniwala, maaari nating basahing kasama nila ang mga pangako ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) O maaari nating ibahagi sa kanila ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay. (Ecles. 9:5, 10) Kung magkukuwento tayo ng isang ulat ng pagkabuhay-muli mula sa Bibliya, maaari din itong pagmulan ng kaaliwan para sa kanila. (Juan 11:39-44) Maaari din nating banggitin ang mga salita ng pag-asa kay Jehova na ipinahayag ng tapat na si Job. (Job 14:14, 15) Bago umalis, maaari nating ialok ang Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?, Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, o iba pang angkop na brosyur o tract. O maaari natin siyang bigyan ng aklat na Itinuturo ng Bibliya, akayin ang kaniyang pansin sa impormasyong nasa kabanata 6, at isaayos na pag-usapan ang paksa sa ating pagbabalik.
4. Sa anu-anong iba pang pagkakataon kailangan nating magbigay ng kaaliwan?
4 Sa Ibang mga Pagkakataon: Kung ang pahayag sa libing ay idaraos sa Kingdom Hall, may dadalo kayang mga di-sumasampalataya? Maaari silang paglaanan ng literatura na magbibigay ng kaaliwan sa kanila. Pinahahalagahan ng ilang punerarya ang pagkakaroon ng angkop na mga literatura para sa nagdadalamhating mga pamilya. Kung minsan, maaaring gamitin ang obitwaryo o patalastas tungkol sa pagkamatay na nakalathala sa mga pahayagan upang gumawa ng maikling liham para aliwin ang nagdadalamhating mga miyembro ng pamilya. Sa isang kaso, matapos makatanggap ng isang liham na naglalaman ng ilang tract ang isang biyudo at ang kaniyang anak na babae, pumunta sila sa tahanan ng mamamahayag at nagtanong: “Ikaw ba ang nagpadala sa akin ng liham na ito? Buweno, nais kong makaalam nang higit pa tungkol sa Bibliya!” Tinanggap ng mag-ama ang alok na pag-aaral sa Bibliya. Nagsimula rin silang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon.
5. Bakit tayo dapat maging alisto sa mga pagkakataon upang magbigay ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati?
5 Sinasabi ng Eclesiastes 7:2: “Mas mabuti ang pumaroon sa bahay ng pagdadalamhati kaysa pumaroon sa bahay ng pigingan.” Kadalasan nang mas handang makinig sa Salita ng Diyos ang isang nagdadalamhati kaysa sa isang taong nagsasaya. Lahat tayo ay dapat maging alisto sa angkop na mga pagkakataon upang magbigay ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay.