Tanong
◼ Kung pinaplano ng magkasintahan na idaos ang kanilang kasal sa Kingdom Hall, anong mga bagay ang kailangan nilang ipakipag-usap sa matatanda?
Nagdudulot ng karangalan kay Jehova ang mga kasalan na isinasagawa ayon sa mga simulain ng Bibliya. Totoong-totoo ito sa mga kasalan na ginaganap sa Kingdom Hall, yamang nasasalamin ng komunidad sa mga programang idinaraos dito kung anong uri tayo ng organisasyon. Para “maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan,” angkop lamang na banggitin ng matatanda sa magkasintahan ang ilang bagay may kaugnayan sa kanilang kasal kung nais nila itong idaos sa Kingdom Hall.—1 Cor. 14:40.
Ang magkasintahan na nagpaplanong magpakasal sa Kingdom Hall ay dapat na sumulat sa komite sa paglilingkod ng kongregasyon na gumagamit ng Kingdom Hall na iyon. Dapat nila itong ibigay matagal pa bago ang kanilang kasal at dapat nilang banggitin sa sulat ang petsa at oras kung kailan nila nais gamitin ang Kingdom Hall. Dapat nilang tandaan na hindi babaguhin ng matatanda ang iskedyul ng mga pulong para bigyang-daan ang isang kasalan. Bukod diyan, ang kasintahang lalaki at babae ay dapat na may mahusay na katayuan sa kongregasyon anupat namumuhay ayon sa mga simulain sa Bibliya at matuwid na mga pamantayan ni Jehova.
Upang matiyak na ang kasalan ay magbibigay ng karangalan sa ating Diyos, dapat na ipakipag-usap ng magkasintahan sa komite sa paglilingkod ang pinaplano nilang mga kaayusan sa kanilang kasal bago ito gawing pinal. Bagaman hindi igigiit ng matatanda ang personal nilang kagustuhan sa kung ano ang dapat gawin ng magkasintahan, kailangang gumawa ng mga pagbabago ang magkasintahan kung sakaling mayroon silang plano na hindi sang-ayunan ng matatanda. Ang mga musika lamang mula sa Kingdom Melodies o sa ating aklat-awitan ang maaaring patugtugin sa Kingdom Hall. Anumang dekorasyon o pagbabago sa ayos ng mga upuan ay kailangan ding paaprubahan. Kung kukunan ng litrato o video ang kasal, hindi ito dapat makasira sa pagiging marangal ng okasyon. Maaaring pahintulutan ng matatanda na makapag-ensayo sila sa Kingdom Hall basta hindi ito makaaabala sa ibang mga kaayusan ng kongregasyon. Hindi dapat magpaskil sa information board ng imbitasyon sa kasal. Gayunman, maaaring magbigay ng maikling patalastas ang matatanda sa panahon ng Pulong sa Paglilingkod para ipaalam sa kongregasyon na may magaganap na kasalan sa Kingdom Hall.
Bagaman hindi kailangang bautisado ang lahat ng kukuning abay sa kasal, hindi angkop na kumuha ng mga indibiduwal na may pamumuhay na lubhang salungat sa mga simulain sa Bibliya o may paggawing posibleng makatisod sa mga dadalo sa kasalan. Ang magkakasal ay dapat na isang elder na awtorisadong magkasal. Ang gayong mga elder ay kuwalipikadong tumalakay ng mga simulain sa Kasulatan na angkop sa ganitong mahalagang okasyon.—1 Tim. 3:2.
Yamang maaaring mapulaan ang elder na magkakasal sa anumang posibleng mangyari sa kasalan, dapat na patiuna ring ipaalam sa kaniya ng magkasintahan ang mga kaayusan sa seremonya ng kasal. Kakausapin niya ang magkasintahan upang alamin ang kanilang moral na paggawi noong sila ay nagliligawan pa lamang. Sabihin pa, nanaisin ng magkasintahan na maging tapat sa kaniya. Kung dating may-asawa ang kasintahang babae o lalaki, kailangan niyang patunayan na malaya na siya muling magpakasal ayon sa Kasulatan at ayon sa batas. (Mat. 19:9) Kailangan niyang ipakita sa elder na magkakasal sa kanila ang kopya ng pinal na desisyon ng korte sa diborsiyo, kung nakuha niya ang diborsiyo sa ibang bansa.
Kapag nakipag-usap na mabuti sa matatanda ang magkasintahan hinggil sa kanilang mga plano at lubusan silang nakipagtulungan sa mga ito, tunay na magiging isang masayang okasyon ang kanilang kasal.—Kaw. 15:22; Heb. 13:17.