‘Gawin ang Lahat ng Bagay Alang-alang sa Mabuting Balita’
1. Ano ang handang gawin ng isang mángangarál ng Kaharian, at bakit?
1 Nadama ni apostol Pablo na obligasyon niyang ihayag ang mabuting balita sa iba. (1 Cor. 9:16, 19, 23) Gayundin naman, ang pagkabahala natin sa walang-hanggang kapakanan ng mga tao ang nagpapakilos sa atin na gumawa ng pantanging pagsisikap na ibahagi ang mabuting balita sa kanila.
2. Kapag nangangaral, anong mga pagbabago ang dapat na handa nating gawin, at bakit?
2 Mangaral Kung Saan at Kailan Matatagpuan ang mga Tao: Ang isang mahusay na mangingisda ay nanghuhuli ng isda, hindi kung saan at kailan kumbinyente sa kaniya, kundi kung saan at kailan niya malamang na matatagpuan ang mga ito. Tayo rin naman, bilang “mga mangingisda ng mga tao,” ay kailangang gumawa ng pagbabago sa ating iskedyul para matagpuan ang mga tao sa ating teritoryo, at sa gayo’y higit tayong masiyahan sa pribilehiyo na tipunin ang “bawat uri ng isda.” (Mat. 4:19; 13:47) Puwede kayang sa gabi natin puntahan ang mga tao pagkagaling nila sa trabaho o kaya naman ay sa umaga tayo magpatotoo sa lansangan bago sila pumasok? Ang tunguhin ni Pablo ay “lubusang magpatotoo sa mabuting balita,” at sinamantala niya ang angkop na mga pagkakataon para magawa ito.—Gawa 17:17; 20:20, 24.
3, 4. Habang nasa ministeryo, paano natin maibabagay sa mga tao ang ating presentasyon, at ano ang maaaring maging resulta?
3 Ibagay ang Iyong Presentasyon: Madalas na binabago ng mga mangingisda ang mga pamamaraan nila para makahuli ng isang partikular na uri ng isda. Paano natin maihaharap ang mabuting balita ng Kaharian sa paraang magugustuhan ng mga tao sa ating teritoryo? Dapat na mataktika nating iharap ang isang paksang ikinababahala ng karamihan sa mga tao, at pagkatapos ay pakinggang mabuti ang kanilang sasabihin hinggil dito. (Sant. 1:19) Maaari din nating hingin ang kanilang opinyon hinggil sa isang paksa upang mahimok natin silang makipag-usap sa atin. (Kaw. 20:5) Kung gagawin natin ito, maibabagay natin ang ating presentasyon ng mabuting balita sa paraan na makakaantig sa kanila. Si Pablo ay naging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Cor. 9:22) Upang maabot ang puso ng mga tao, dapat alam natin kung paano ibagay sa kanila ang ating presentasyon.
4 Kayligaya nga nating ibahagi sa mga tao ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti”! (Isa. 52:7) Nawa’y ‘gawin natin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita’ upang mapangaralan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari.—1 Cor. 9:23.