Handa Ka Bang Gumawa ng mga Pagbabago?
1. Dahil nagbabago ang kalagayan sa sanlibutan, ano ang kailangan nating gawin?
1 Sa 1 Corinto 7:31, sinasabi ng Bibliya na ang sanlibutan ay patuloy na nagbabago. Dahil diyan, kailangan din nating baguhin sa pana-panahon ang ating paraan ng pangangaral, iskedyul, at presentasyon. Handa ka bang gumawa ng mga pagbabago?
2. Bakit kailangan nating gumawa ng ilang pagbabago para makaalinsabay sa organisasyon?
2 Mga Paraan ng Pangangaral: Noon pa man, handa nang gumawa ng pagbabago ang kongregasyong Kristiyano. Nang unang isugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad, sinabihan niya silang huwag kumuha ng supot ng pagkain o pera. (Mat. 10:9, 10) Pero nang maglaon, binago niya ang mga tagubiling ito bilang paghahanda sa pag-uusig na haharapin ng kaniyang mga alagad at sa paglawak ng gawaing pangangaral sa ibang mga teritoryo. (Luc. 22:36) Sa nakalipas na siglo, gumamit ang organisasyon ni Jehova ng iba’t ibang paraan ng pangangaral, gaya ng testimony card, pagbobrodkast sa radyo, at sound car—depende sa pangangailangan nang mga panahong iyon. Sa ngayon, dahil marami ang bihirang matagpuan sa kanilang bahay, higit tayong pinasisigla na makibahagi sa pampubliko at di-pormal na pagpapatotoo, bukod pa sa bahay-bahay. Hinihimok din tayong magbahay-bahay sa bandang gabi kung sa araw nagtatrabaho ang mga tao. Habang nagbabago ng direksiyon ang makalangit na karo ni Jehova, nakikialinsabay ka ba?—Ezek. 1:20, 21.
3. Paano makatutulong sa atin ang pagiging handang makibagay para maging mas epektibo sa ministeryo?
3 Presentasyon: Ano ba ang ikinababahala ng mga tao sa inyong lugar? Kahirapan? Pamilya? Krimen? Makabubuting alamin ang karaniwang mga problema at kalagayan ng mga tao sa ating teritoryo para makapaghanda tayo ng angkop na presentasyon. (1 Cor. 9:20-23) Kapag nagsasabi ng niloloob ang may-bahay, sa halip na basta sumagot lang at magpatuloy sa naihanda nating presentasyon, mas magandang ibagay ang ating presentasyon sa ikinababahala niya.
4. Bakit tayo dapat gumawa agad ng kinakailangang mga pagbabago?
4 Hindi na magtatagal, magwawakas ang sanlibutang ito, at magsisimula na ang malaking kapighatian. “Ang panahong natitira ay maikli na.” (1 Cor. 7:29) Napakahalaga ngang gumawa agad ng kinakailangang mga pagbabago para marami tayong maisakatuparan sa maikling panahong natitira!