Mapalalawak Mo Ba ang Iyong Paglilingkod?
1. Bakit may apurahang pangangailangan sa ministeryo sa larangan?
1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong interesado sa mabuting balita ng Kaharian, tinagubilinan niya ang kaniyang mga alagad na “magsumamo . . . sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:37, 38) Yamang malapit nang matapos ang pag-aani, dapat tayong maging lalong apurahan sa ating gawain. Kaya naman kailangan nating pag-isipang mabuti at ipanalangin kung ano pa ang puwede nating gawin upang higit na makibahagi sa ministeryo sa larangan.—Juan 14:13, 14.
2. Ano ang naging tugon ng ilang kapatid sa panawagan para sa higit pang mga manggagawa sa larangan?
2 Pinalawak na Paglilingkod: Sa tulong at patnubay ni Jehova, marami ang nakapagpayunir. (Awit 26:2, 3; Fil. 4:6) Ang ilan ay gumawa ng pantanging pagsisikap para makapag-auxiliary pioneer nang isang buwan o higit pa sa loob ng isang taon. Sa ganitong paraan, napalawak nila ang kanilang ministeryo. Dahil sa kagalakang nadama nila sa pag-o-auxiliary pioneer, marami sa kanila ang nagpasiyang maging regular pioneer.—Gawa 20:35.
3. Kung dati kang payunir, ano ang puwede mong pag-isipan ngayon?
3 Puwede Ka Na Kayang Bumalik sa Pagpapayunir?: Kung dati kang payunir, tiyak na hindi mo nalilimutan ang magaganda mong karanasan noong panahong iyon. Napag-isipan mo na ba at naipanalangin na bumalik sa pagpapayunir? Baka wala na ang dating hadlang sa iyong pagpapayunir. Baka puwede ka nang bumalik sa espesyal na pribilehiyong ito.—1 Juan 5:14, 15.
4. Anong natatanging pribilehiyo ang bukás sa ating lahat?
4 Malapit nang matapos ang pag-aani. (Juan 4:35, 36) Puwede kaya nating i-adjust ang ating iskedyul para higit tayong makibahagi sa larangan? Kung hindi ito posible, baka puwede naman tayong humanap ng paraan para maging mas mabisa pa sa ministeryo. (Mar. 12:41-44) Isa ngang malaking pribilehiyo ang naghihintay sa mga handang magpagamit kay Jehova sa ganitong natatanging gawain!—Awit 110:3.