Saksi Tayo sa Lahat ng Pagkakataon
1. Ano ang matututuhan natin sa pagpapatotoo ni Jesus sa isang babae sa balon?
1 Ilang oras nang naglalakad si Jesus. Pagód na siya at uháw. Nang umalis ang mga alagad niya para bumili ng pagkain, naupo siya sa may balon malapit sa isang lunsod sa Samaria upang magpahinga. Hindi nagpunta si Jesus sa Samaria para mangaral. Napadaan lang siya. Papunta siya sa Galilea para ipagpatuloy ang kaniyang ministeryo. Pero sinamantala niya ang pagkakataong makapagpatotoo sa isang babaing sumasalok ng tubig. (Juan 4:5-14) Bakit? Dahil sa lahat ng pagkakataon, si Jesus ay isang ‘saksi ni Jehova na tapat at totoo.’ (Apoc. 3:14) Tinutularan natin si Jesus kung tayo ay Saksi ni Jehova sa lahat ng pagkakataon.—1 Ped. 2:21.
2. Paano tayo magiging handang magpapatotoo nang di-pormal?
2 Maging Handa: Para makapagpatotoo nang di-pormal, dapat na lagi tayong may dalang literatura. Maraming mamamahayag ang laging may dalang tract at ibinibigay ito sa mga saleslady, cashier, guwardiya, gasoline boy, at iba pang nakakausap nila sa maghapon. (Ecles. 11:6) Isang sister na madalas bumiyahe ang nagdadala ng maliit na Bibliya at aklat na Itinuturo ng Bibliya. Sinisikap niyang kausapin ang mga nakakatabi niya sa biyahe.
3. Paano natin masisimulan ang pag-uusap tungkol sa Bibliya?
3 Kunin ang Interes: Sa pagpapatotoo nang di-pormal, hindi kailangang laging ipasok agad ang paksa sa Bibliya. Nang makipag-usap si Jesus sa babae sa balon, hindi siya agad nagpakilalang Mesiyas. Humingi muna siya ng tubig para makuha ang atensiyon nito. (Juan 4:7-9) Napatunayan ng isang sister na epektibo ang pamamaraang ito. Kapag may nagtatanong sa kaniya kung masaya ba ang Pasko o Bagong Taon niya, hindi niya basta sinasabi na Saksi ni Jehova siya at hindi siya nagdiriwang ng ganoon. Sa halip sinasabi niya, “Hindi ako nag-celebrate eh.” Siyempre, magtataka ang kausap niya at magtatanong. Simula na iyon ng pag-uusap.
4. Bakit makapagpapasigla sa iyo ang sinasabi sa Mateo 28:18-20?
4 Bagaman natapos na ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa lupa, interesadung-interesado pa rin siya sa gawaing pangangaral ngayon. (Mat. 28:18-20) Kaya gaya ng ating Huwarang si Jesus, tayo ay mga Saksing laging handang magbigay ng pangmadlang pagpapahayag ng ating pananampalataya.—Heb. 10:23.