Ang Ating mga Magasin—Dinisenyo Para Magustuhan ng Marami
1. Paano tinutularan ng uring tapat at maingat na alipin si apostol Pablo?
1 Kung paanong ibinagay ni apostol Pablo ang paghaharap niya ng mabuting balita upang matamo ang “lahat ng uri ng tao,” ginagamit ng uring tapat at maingat na alipin ang ating mga magasin upang maabot ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan at paniniwala. (1 Cor. 9:22, 23) Upang magamit nating mabuti Ang Bantayan at Gumising!, makabubuting isipin kung para kanino isinulat ang mga ito.
2. Para kanino idinisenyo ang Gumising!?
2 Gumising!: Ang magasing ito ay nilayon para abutin ang uri ng mga tao na gaya ng nakausap ni apostol Pablo na “mga lalaki ng Atenas.” (Gawa 17:22) Ang mga lalaking iyon ay hindi mga Kristiyano, at kaunti lamang ang nauunawaan nila sa Kasulatan. Sa katulad na paraan, ang Gumising! ay dinisenyo para sa mga taong walang gaanong alam sa Bibliya o wala talagang alam dito. Maaaring wala silang nalalaman tungkol sa mga turo ni Kristo, baka hindi sila nagtitiwala sa relihiyon, o baka hindi nila alam ang praktikal na kahalagahan ng Bibliya. Ang pangunahing layunin ng Gumising! ay kumbinsihin ang mga mambabasa nito na may tunay na Diyos. Layunin din nito na patibayin ang pananampalataya sa Bibliya ng mga mambabasa at tulungan silang maunawaan na naiiba ang mga Saksi ni Jehova sa ibang relihiyon.
3. Para kanino isinulat ang bawat edisyon ng Ang Bantayan?
3 Ang Bantayan: Ang edisyong pampubliko ng magasing ito ay dinisenyo para sa mga may paggalang sa Diyos at sa Kasulatan. May kaalaman sila sa Bibliya pero wala silang tumpak na kaunawaan sa mga turo nito. Katulad sila sa mga tagapakinig ni Pablo na tinukoy niyang “natatakot sa Diyos.” (Gawa 13:14-16) Ang edisyon para sa pag-aaral ng Ang Bantayan ay pangunahin nang isinulat para sa mga Saksi ni Jehova. Iniisip ni Pablo na ang mga babasa ng kaniyang mga liham ay pamilyar sa Kasulatan at may tumpak na kaalaman tungkol sa katotohanan. (1 Cor. 1:1, 2) Sa katulad na paraan, ang mga artikulo sa edisyon para sa pag-aaral ay isinulat para sa mga dumadalo sa ating mga pulong at pamilyar sa mga termino at turo ng mga Saksi.
4. Bakit dapat tayong maging pamilyar sa bawat isyu ng mga magasing ginagamit natin sa larangan?
4 Bagaman karaniwan nating iniaalok ang mga magasin bilang isang set, kadalasan nang isa lamang ang itinatampok natin sa ating presentasyon. Kaya gawin mong tunguhin na maging pamilyar sa bawat isyu nito. Sa gayon ay alam mo kung ano ang ihaharap mo na magugustuhan ng iyong kausap.