Regular Ka Bang Tumitingin sa Information Board?
Ang mga elder, ministeryal na lingkod, at iba pang may responsibilidad sa kongregasyon ay regular na tumitingin sa information board para alamin kung kailan ang atas nila. Pero lahat ng miyembro ng kongregasyon ay may makikitang mahalagang impormasyon dito. Alam mo ba kung kailan ka nakatokang maglinis ng Kingdom Hall? May mahalagang sulat ba ang tagapangasiwa ng sirkito o tanggapang pansangay para sa kongregasyon? Alam mo ba ang pamagat ng pahayag pangmadla sa linggong ito para maimbitahan mo ang Bible study mo? May pagbabago ba sa iskedyul ng pulong o sa grupo ninyo sa paglilingkod sa larangan? Karamihan sa mga impormasyong ito ay hindi na ipinatatalastas sa pulong, at maaaring hindi rin posibleng masabi ito ng mga elder sa bawat mamamahayag. Kaya dapat tayong regular na tumingin sa information board. Kapag ginagawa natin iyan, ang lahat ng bagay ay nagaganap “nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Cor. 14:40.