Sino Kaya ang Magiging Interesado Rito?
1. Kapag binabasa natin ang Bantayan at Gumising! ano ang dapat nating isipin, at bakit?
1 Ang Bantayan at Gumising! ay inihahanda para sa mga mambabasa sa buong daigdig. Kaya iba’t ibang paksa ang tinatalakay sa mga artikulo sa mga magasing ito. Habang binabasa natin ang bawat artikulo sa ating sariling kopya, isipin kung sinu-sino ang magiging interesado rito at tiyaking maialok ito sa kanila.
2. Anong mga paksa sa ating mga magasin ang malamang na makakuha ng interes ng iba?
2 May isa bang paksa sa Bibliya sa kasalukuyang labas ng Bantayan na napag-usapan ninyo kamakailan ng iyong katrabaho? May artikulo ba tungkol sa buhay pampamilya na puwedeng makatulong sa isa mong kamag-anak? May kakilala ka bang pupunta sa isang bansa na itinampok na sa Gumising!? May magasin kaya na magugustuhan ng mga tao sa ilang lugar ng negosyo o ahensiya ng gobyerno sa inyong teritoryo? Halimbawa, malamang na maging interesado ang mga nursing home sa ating magasin na tumatalakay sa mga hamon ng pagtanda. Baka magustuhan naman ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas ang magasin tungkol sa krimen.
3. Maglahad ng karanasan na nagpapakita kung bakit mahalagang ialok ang isang partikular na isyu ng magasin sa mga taong iniisip nating magiging interesado rito.
3 Resulta: Nang matanggap ng isang mag-asawa sa South Africa ang Oktubre 2011 ng Gumising! na may paksang “Kung Paano Palalakihing Responsable ang mga Anak,” tinawagan nila ang 25 paaralan na nasa teritoryo ng kanilang kongregasyon. Dalawampu’t dalawa ang tumanggap ng kopya at ipinamahagi ang mga ito sa mga estudyante nila. Isa pang mag-asawa sa bansang iyon ang namahagi rin ng magasin sa mga paaralan sa kanilang lugar. Ipinasiya ng mga guro sa isang paaralan na gamitin ang magasin sa kanilang pagtuturo. Ikinuwento ng mag-asawa ang kanilang karanasan sa tagapangasiwa ng sirkito. Pinasigla naman niya ang ibang kongregasyon sa kaniyang sirkito na puntahan din ang mga paaralan sa kanilang teritoryo. Napakaraming request ng karagdagang magasin ang ipinadala sa tanggapang pansangay kaya kinailangan pang mag-imprenta uli ng isyung ito!
4. Bakit gusto nating ipamahagi ang mga magasin sa lahat ng tao hangga’t maaari?
4 Tinatalakay sa ating mga magasin ang kahulugan ng kasalukuyang mga kaganapan sa daigdig at inaakay nito ang pansin ng mga tao sa Bibliya at Kaharian ng Diyos. Ang mga magasing ito lang ang “naghahayag ng kaligtasan.” (Isa. 52:7) Dahil diyan, gusto nating ipamahagi ang mga ito sa lahat ng tao hangga’t maaari. Kaya magandang pag-isipan, ‘Sino kaya ang magiging interesado rito?’