Ang Salita ng Diyos ay Kapaki-pakinabang sa Pagtuturo
1. Ano ang tema ng pansirkitong asamblea para sa 2014? Anong tanong ang sasagutin sa programa?
1 Ang ating “Dakilang Tagapagturo,” si Jehova, ang pinakamahusay na guro sa buong uniberso. (Isa. 30:20, 21) Pero paano tayo tinuturuan ni Jehova? Inilaan niya ang isang walang-katulad na aklat—ang kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. Paano tayo nakikinabang sa pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal na paraan mula sa pagtuturo ng Diyos? Sasagutin ito sa ating programa ng pansirkitong asamblea para sa 2014. Ang tema ng programa ay “Ang Salita ng Diyos ay Kapaki-pakinabang sa Pagtuturo.” Salig ito sa 2 Timoteo 3:16.
2. Anong mga tanong ang magtatampok sa pangunahing mga punto?
2 Abangan ang Pangunahing mga Puntong Ito: Ang pangunahing mga punto sa programa ay maitatampok sa sagot sa sumusunod na mga tanong:
• Ano ang epekto sa ating buhay ng pagtuturo ng Diyos? (Isa. 48:17, 18)
• Ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova kung sisikapin nating gumawa ng mga pagbabago sa ating kalagayan para mapaglingkuran siya bilang payunir? (Mal. 3:10)
• Ano ang dapat na reaksiyon natin kapag napapaharap sa “ibang mga turo”? (Heb. 13:9)
• Paano natin matutularan ang “paraan ng pagtuturo” ni Jesus? (Mat. 7:28, 29)
• Bakit dapat turuan ng mga guro sa kongregasyon ang kanilang sarili? (Roma 2:21)
• Sa paanong paraan kapaki-pakinabang ang Salita ng Diyos? (2 Tim. 3:16)
• Ano ang epekto sa mga tao ng ‘pag-uga’ sa mga bansa? (Hag. 2:6, 7)
• Ano ang inaasahan ni Jehova na kaya nating gawin? (Efe. 5:1)
• Bakit dapat tayong patuloy na gumawa para manatili sa turo ni Jehova? (Luc. 13:24)
3. Bakit mahalagang dumalo at makinig na mabuti sa napapanahong programang ito?
3 Sa unang bahagi ng 2 Timoteo kabanata 3, bago isulat ang pananalita kung saan isinalig ang tema ng programa, inilarawan ni Pablo ang mga panahong mapanganib na magiging palatandaan ng mga huling araw. Isinulat niya: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.” (2 Tim. 3:13) Para hindi tayo mailigaw, napakahalaga ngang pakinggan at ikapit ang pagtuturo ng Diyos! Kaya maging determinado nawa tayong dumalo at makinig na mabuti sa napapanahong programang ito.