Manatiling Nakapokus sa Paggawa ng mga Alagad
1. Ano ang kailangan para maligtas ang mga tao?
1 Makikita sa 2014 taunang ulat ng paglilingkod ang sigasig ng bayan ng Diyos at ang determinasyon nilang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. (Mat. 24:14) Dahil sa ating pangangaral sa bahay-bahay, pantanging kampanya ng pamamahagi ng mga tract at imbitasyon, at pampublikong pagpapatotoo, mas maraming indibiduwal ang napapaabutan ng mensahe ng Bibliya. Pero para maligtas ang mga taong ito, dapat silang matulungang maging alagad ni Jesus sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng Bibliya.—1 Tim. 2:4.
2. Anong mga tanong ang tutulong sa atin para palaging makapag-alok ng pag-aaral sa Bibliya?
2 Palaging Mag-alok ng Pag-aaral sa Bibliya: Kapag nagpakita ng interes ang isang tao, sinisikap mo bang makuha ang contact number niya at tinatawagan agad siya sa layuning makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya? Kailan mo huling sinikap na maipakita kung paano ginagawa ang pag-aaral ng Bibliya sa unang pagdalaw pa lang? Kailan mo huling inalok ng pag-aaral sa Bibliya ang iyong mga ruta ng magasin? Ipinapanood mo na ba ang mga video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? at Paano Ginagawa ang Pag-aaral sa Bibliya? sa iyong mga katrabaho, kaeskuwela, kapitbahay, kamag-anak, at iba pang mga kakilala? Kapag gumagamit ng displey ng mga literatura, sinisikap mo bang sabihin sa mga kumukuha ng publikasyon na puwede rin silang magkaroon ng libreng pag-aaral sa Bibliya?
3. Ano ang kailangan para magtagumpay sa pagtuturo ng katotohanan?
3 Tulong Mula kay Jehova at kay Jesus: Ang utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad” ay sinimulan niya sa salitang “humayo.” Nagpapahiwatig ito na dapat tayong magsikap at magkusa. Pero hindi naman niya tayo pinabayaan na lang kundi ipinangako niyang siya ay sasaatin. (Mat. 28:19, 20) Bukod diyan, binigyan tayo ni Jehova ng kaniyang banal na espiritu at ng mga pantulong at pagsasanay na kailangan natin sa pagtuturo ng katotohanan sa mga tao. (Zac. 4:6; 2 Cor. 4:7) Puwede nating hilingin sa panalangin na sana ay “kapuwa [natin] loobin at ikilos” na makibahagi sa mahalagang gawaing ito.—Fil. 2:13.
4. Bakit tayo dapat manatiling nakapokus sa paggawa ng mga alagad?
4 Ang pangangaral ng mabuting balita ay nagdudulot sa atin ng kaligayahan. Pero mas maligaya tayo kapag itinuturo natin sa isang tao ang katotohanan at tinutulungan siyang sumama sa atin sa “daan na umaakay patungo sa buhay.” (Mat. 7:14; 1 Tes. 2:19, 20) Higit sa lahat, kapag nananatili tayong nakapokus sa paggawa ng mga alagad, napasasaya natin si Jehova, ang Isa na “hindi . . . nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais . . . na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”—2 Ped. 3:9.