Laging Mag-alok ng Pag-aaral sa Bibliya
1. Ano ang nasasangkot sa pagtupad sa iniatas ni Jesus sa Mateo 28:19, 20?
1 Inatasan tayo ni Jesus na ‘gumawa ng mga alagad at turuan sila.’ (Mat. 28:19, 20) Kaya gusto natin na laging mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya, hindi lang sa dulo ng sanlinggo na isinaayos para dito. Makatutulong ang sumusunod na mungkahi.
2. Sinu-sino ang puwede nating alukin ng pag-aaral sa Bibliya?
2 Mag-alok: Miyentras nag-aalok tayo ng pag-aaral sa Bibliya, mas marami tayong pagkakataon na magkaroon nito. (Ecles. 11:6) Nasubukan mo na ba ang tuwirang paglapit? Sinikap ng isang kongregasyon sa Estados Unidos na gawin ito sa buong buwan. Tuwang-tuwa sila dahil 42 pag-aaral sa Bibliya ang nabuksan nila! Huwag ipagpalagay na alam na ng iyong dinadalaw-muli na nag-aalok ka ng pag-aaral sa Bibliya. Pagbalik mo sa kaniya, bakit hindi mag-alok ng pag-aaral? Wala namang mawawala sa iyo kung tumanggi siya. Puwede mo pa ring linangin ang kaniyang interes. Inalok mo na ba ng pag-aaral sa Bibliya ang iyong mga kapitbahay, kamag-anak, katrabaho, at kaklase? Tanungin mo rin ang iyong inaaralan sa Bibliya kung may mga kaibigan o kamag-anak siya na gusto ring mag-aral ng Bibliya.
3. Ano ang mahusay na pantulong sa pagbubukas ng pag-aaral, at kailan ito magagamit?
3 Mahusay na Pantulong: Makatutulong sa pagbubukas ng pag-aaral sa Bibliya ang tract na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? Puwede mo itong iwan sa may-bahay, kumuha man siya ng publikasyon o hindi. Magagamit ito sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng liham, sa lugar ng negosyo, sa lansangan, at pagdalaw-muli. Puwede rin itong iwan sa mga bahay na walang inabutang tao. Magdala nito sa biyahe, sa pamimili, at sa trabaho. Sa likod ng tract na ito, makikita ang kaayusan sa pag-aaral ng Bibliya at ang aklat na Itinuturo ng Bibliya.
4. Paano natin magagamit ang tract na Malaman ang Katotohanan sa pagbubukas ng pag-aaral sa Bibliya?
4 Pagkaabot ng tract, puwede mong ituro sa kausap mo ang mga tanong sa harap at sabihin, “Alin sa mga tanong na ito ang gusto mong masagot?” Pagkatapos, tingnan ninyo ang sagot sa loob, saka basahin o banggitin ang nasa likod tungkol sa pag-aaral sa Bibliya. Puwede mo na ngayong ipakita sa kaniya ang aklat na Itinuturo ng Bibliya para sa higit pang impormasyon sa paksang iyon. Ialok ang aklat at itanong kung kailan ka puwedeng bumalik para ipagpatuloy ang pag-uusap.
5. Bakit dapat laging mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya?
5 May mga nagnanais pa ring matuto sa Bibliya sa ating teritoryo. Kung lagi tayong nag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya, mas madarama natin ang kaligayahang tulungan ang iba na lumakad sa daang patungo sa buhay.—Mat. 7:13, 14.