Mayroon Tayong Bagong Kasangkapan Para sa Pagpapasimula ng mga Pag-aaral!
1 Ang Amerikanang ito ay isang debotong Romano Katoliko. Buong-katapatan niyang ipinagtanggol ang mga aral ng simbahan. Gumawa pa nga siya ng paglalakbay sa Batikano. Subalit nang ang isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa kaniyang tahanan, tinanggap niya ang alok para sa isang pag-aaral sa Bibliya. Bakit? Sapagkat gusto niyang malaman ang sinasabi ng Bibliya at ang kaniyang simbahan ay hindi naman nag-aalok ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ano ang itinuturo sa atin ng karanasang ito? Na hindi natin kailanman nalalaman kung sino ang malamang na tatanggap ng isang walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya.—Ecles. 11:6.
2 Kayo ba ay nag-atubili na sa pagsasabi sa mga tao na tayo ay handang makipag-aral ng Bibliya sa sinumang interesado? Alam ba ng lahat sa inyong komunidad na tayo ay nag-aalok ng walang-bayad na paglilingkod na ito? Paano tayo makatitiyak na malalaman nila ito? Sa pamamagitan ng paggamit ng isang bagong kasangkapan! Ito ay isang kaakit-akit, anim na pahinang tract na pinamagatang Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? Alamin nating mabuti nang isa-isa ang bawat subtitulo ng tract na ito.
3 “Bakit Dapat Basahin ang Bibliya?” Ang mga dahilang ibinibigay ng tract na ito ay lubhang kaakit-akit. Ipinaliliwanag nito na ang Bibliya ay naglalaman ng “maibiging tagubilin mula sa Diyos,” na nagpapakita kung paano makalalapit sa kaniya sa panalangin ukol sa tulong at kung paano matatanggap ang kaniyang kaloob na buhay na walang hanggan. (1 Tes. 2:13) Ang tract ay tumutukoy sa iba’t ibang “katotohanan [ng Bibliya] na nagbibigay ng kaliwanagan,” tulad ng kung ano ang nangyayari pagkamatay natin at kung bakit napakaraming kaguluhan sa lupa. Inilalarawan nito ang “makadiyos na mga simulain sa Bibliya” na kung ikakapit ay magdudulot ng pisikal na mga kapakinabangan at magdudulot ng kaligayahan, pag-asa, at iba pang kanais-nais na mga katangian. Ang tract ay tumutukoy sa isa pang dahilan upang basahin ang Bibliya—ang mga hula hinggil sa hinaharap na nagpapakita kung ano ang nasa harapan natin.—Apoc. 21:3, 4.
4 “Tulong sa Pag-unawa sa Bibliya”: Ang tract ay nagsasabi: “Lahat tayo ay nangangailangan ng tulong sa pag-unawa sa Salita ng Diyos.” Pagkatapos ay inilarawan nito ang ating paraan ng pag-aaral sa Bibliya: “Karaniwan nang pinakamabuti na pag-aralan ang Bibliya nang pasulong, na nagpapasimula sa pangunahing mga turo.” Habang ginagawa nitong maliwanag na “ang Bibliya ang siyang awtoridad,” espesipikong binabanggit ng tract ang brosyur na Hinihiling bilang isang bagay na makatutulong sa estudyante “na unawain ang mga reperensiya sa Kasulatan tungkol sa iba’t ibang paksa.” Ang sumusunod na subtitulo ay nagbabangon ng isang mahalagang tanong.
5 “Handa Ka Bang Gumugol ng Panahon Linggu-Linggo Upang Maunawaan ang Bibliya?” Ipinaliliwanag ng tract na ang pag-aaral sa Bibliya ay maisasaayos sa panahon at lugar na kombinyente para sa estudyante, maging sa kanilang sariling tahanan o kahit na sa telepono. Sino ang maaaring sumama sa talakayan? Ang tract ay sumasagot: “Ang iyong buong pamilya. Ang sinumang kaibigan na gusto mong anyayahan ay maaari ring sumama. O kung gusto mo, ang talakayan ay maaaring idaos sa iyo lamang.” Gaano katagal kailangang mag-aral ang isa? Ito ay nagpapaliwanag: “Marami ang naglalaan ng isang oras linggu-linggo upang mag-aral ng Bibliya. Kung makagugugol ka ng higit na panahon o limitado lamang sa mas kaunting panahon linggu-linggo, ang mga Saksi ay handang tumulong sa iyo.” Iyan ang mahalagang punto! Handa tayong gumawa ng mga pagbabago ayon sa mga kalagayan ng bawat estudyante.
6 “Isang Paanyaya Upang Matuto”: Isang kupon ang inilaan upang ang nakatanggap ng tract ay makahiling ng brosyur na Hinihiling o ng isang pagdalaw upang maipaliwanag ang ating walang-bayad na programa ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang pabalat ng brosyur na Hinihiling ay ganap na makulay. Nakikita mo ba kung bakit ang tract na ito ay makapagpapasigla sa mas marami pang tapat-pusong tao na tanggapin ang ating tulong? Ngayon, paano natin magagamit nang mabuti ang bagong kasangkapang ito?
7 Kanino Mo Maiaalok ang Tract? Ang tract ay maaaring ibigay sa mga tao nang personal o iwan sa mga wala-sa-tahanan. Ito ay maaaring ipamahagi sa bahay-bahay, sa lansangan, at sa teritoryo ng negosyo. Ialok ito sa mga tao tanggapin man nila o hindi ang ating mga literatura. Isingit ito sa mga magasin o sa iba pang mga publikasyong ipinapasakamay. Ilakip ito kapag kayo ay lumiliham. Imungkahi sa mga nakakausap ninyo sa telepono na ipadadala ninyo ito sa pamamagitan ng koreo. Laging magdala ng mga kopya nito upang maipamahagi kapag namimili, kapag sumasakay sa pampublikong transportasyon, at kapag nagpapatotoo nang di-pormal. Ibigay ito sa sinumang dumadalaw sa inyong tahanan. Ialok ito sa inyong mga kamag-anak, kapitbahay, kamanggagawa, kamag-aral, at iba pang mga kakilala. Pagsikapang maipasakamay ang tract na ito sa lahat ng inyong masumpungan! Ano naman pagkatapos nito?
8 Kung May Kagyat na Pagtugon: Ang ilang indibiduwal ay kagyat na tutugon sa pagsasabing nais nilang magkaroon ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kaya, kapag nasa paglilingkod sa larangan, tiyaking lagi kayong may dalawang kopya ng brosyur na Hinihiling—isa para sa estudyante at isa para sa inyo. Kung ang tao ay handa, pasimulan kaagad ang pag-aaral. Buksan ang kabila ng pabalat, at basahin “Ang Paggamit sa Brosyur na Ito.” Pagkatapos ay magtungo kaagad sa aralin 1, at itanghal ang pag-aaral. Hindi ba’t napakadali ng paraang ito?
9 Kung ang Iyong Tagapakinig ay Nangangailangan ng Panahon Upang Pag-isipan Ito: Bago lumipas ang maraming araw, pagsikapan na muling makipag-ugnayan sa kaniya. Kapag ginawa ninyo ito, tiyaking taglay ninyo ang brosyur na Hinihiling. Ipakita sa kaniya ang talaan ng mga nilalaman sa kabila ng pabalat. Hayaan siyang pumili ng paksa na waring pinakainteresante sa kaniya. Bumaling dito, at magpasimulang talakayin ang napili niyang aralin.
10 Pagsubaybay sa Naipasakamay na mga Magasin: Kapag nakapag-iwan kayo ng tract kasama ng dalawang magasin, maaari kayong bumalik sa pamamagitan ng ganitong paglapit: “Noong huli kong pagdalaw, nalugod akong makapag-iwan sa inyo ng isang kopya ng magasing Bantayan. Marahil ay napansin ninyo na ang buong pamagat ng magasin ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Ngayon, nais kong ipaliwanag sa inyo kung ano ang Kahariang ito at kung ano ang magiging kahulugan nito para sa inyo at sa inyong pamilya.” Pagkatapos ay buksan ang brosyur na Hinihiling sa aralin 6. Pasimula sa unang parapo, basahin at talakayin ito hangga’t may panahon ang may-bahay. Pagkatapos ay gumawa ng mga kaayusan sa pagbabalik sa ibang araw at tapusin ang aralin.
11 Huwag Hayaang Maubusan ng mga Tract: Ang tagapangasiwa sa paglilingkod at ang mga kapatid na humahawak sa suplay ng mga literatura ay magnanais na laging mag-ingat ng sapat na suplay sa kongregasyon ng tract na Makaalam sa Bibliya. Maglagay ng ilan sa inyong bulsa o pitaka, sa inyong kotse, sa lugar ng inyong trabaho, sa paaralan, malapit sa pasukan ng inyong tahanan—saanmang lugar na madaling makukuha ang mga ito. Sabihin pa, magdala ng ilan sa inyong bag sa pangangaral para sa mga panahong may masumpungan kayong maaari ninyong kausapin tungkol sa Bibliya.
12 Pagpalain Nawa ni Jehova ang Ating mga Pagsisikap: Isang kanais-nais na tunguhin para sa lahat ng Kristiyano ang magturo ng katotohanan sa iba. (Mat. 28:19, 20) Ikaw ba sa kasalukuyan ay nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Kung oo, maaari bang humanap ka ng panahon para sa karagdagan pa sa iyong lingguhang iskedyul? Kung hindi ka nagdaraos ngayon ng isang pag-aaral, walang pagsalang nanaisin mong gawin ito. Manalangin kay Jehova na pagpalain ang iyong mga pagsisikap na makasumpong ng maaari mo pang pagdausan ng pag-aaral. Pagkatapos ay gumawa na kasuwato ng mga panalanging iyon.—1 Juan 5:14, 15.
13 Mayroon tayong bagong kasangkapan para sa pagpapasimula ng mga pag-aaral! Maging pamilyar dito. Ipamahagi ito nang lubusan. Gawin ang lahat ng iyong makakaya “na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi” ng iyong natutuhan tungkol sa Salita ng Diyos.—1 Tim. 6:18.
[Kahon sa pahina 4]
MGA PAGKAKATAON UPANG IPAMAHAGI ANG TRACT
◼ Sa araw-araw na mga pakikipag-usap
◼ Kapag may tumatanggap sa ating mga literatura
◼ Kapag wala ni isa man sa tahanan
◼ Kapag gumagawa tayo ng mga pagdalaw-muli
◼ Kapag may nasusumpungan tayo sa pagpapatotoo sa lansangan
◼ Kapag nagpapatotoo tayo sa teritoryo ng negosyo
◼ Kapag gumagawa ng di-pormal na pagpapatotoo
◼ Kapag lumiliham
◼ Kapag sumasakay sa pampublikong transportasyon
◼ Kapag may dumadalaw sa ating tahanan
◼ Kapag nakikipag-usap sa mga kamag-anak, kapitbahay, kamanggagawa, kamag-aral, at iba pang mga kakilala