Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w21 Setyembre p. 26-31
  • Kapag Iniwan ng Mahal Natin sa Buhay si Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Iniwan ng Mahal Natin sa Buhay si Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • HUWAG SISIHIN ANG SARILI MO
  • ANG PUWEDE MONG GAWIN PARA MANATILING MATIBAY ANG PANANAMPALATAYA MO
  • MAKAKATULONG ANG KONGREGASYON
  • HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA AT PATULOY NA MAGTIWALA KAY JEHOVA
  • Kung Paano Dapat Pakitunguhan ang Isang Tiwalag
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Kung Bakit Maibiging Kaayusan ang Pagtitiwalag
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Tularan ang Awa ng Diyos Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
w21 Setyembre p. 26-31

ARALING ARTIKULO 39

Kapag Iniwan ng Mahal Natin sa Buhay si Jehova

“Kay dalas nilang . . . saktan ang damdamin niya.”​—AWIT 78:40.

AWIT 102 Tulungan ang Mahihina

NILALAMANa

1. Ano ang nararamdaman ng mga kapamilya kapag natiwalag ang mahal nila sa buhay?

MAY kapamilya ka ba na natiwalag? Tiyak na napakasakit nito para sa iyo! “Nang mamatay nang tapat ang asawa ko matapos ang 41 taon naming pagsasama,” ang sabi ng sister na si Hilda, “akala ko, iyon na ang pinakamasakit na mararanasan ko.b Pero nang iwan ng anak ko ang kongregasyon, ang asawa niya, at mga anak, mas masakit pala ’yon!”

Isang tatay na papalabas ng bahay na may dalang maleta at iiwan na ang kaniyang pamilya. Yakap ng nanay ang dalawa nilang anak na umiiyak.

Naiintindihan ni Jehova ang sakit na nararamdaman mo kapag natiwalag ang isang mahal mo sa buhay (Tingnan ang parapo 2-3)d

2-3. Batay sa Awit 78:40, 41, ano ang nararamdaman ni Jehova kapag iniwan siya ng mga lingkod niya?

2 Isipin kung gaano kasakit kay Jehova nang iwan siya ng ilang anghel, na mga miyembro ng pamilya niya sa langit. (Jud. 6) At isipin din ang sakit na naramdaman niya nang paulit-ulit na magrebelde ang mga Israelita, ang bayang minamahal niya. (Basahin ang Awit 78:40, 41.) Kaya siguradong napakasakit din para sa ating mapagmahal na Ama sa langit kapag iniwan siya ng mahal mo sa buhay. Naiintindihan niya ang sakit na nararamdaman mo. At dahil mahal ka ni Jehova, papatibayin at tutulungan ka niya.

3 Sa artikulong ito, tatalakayin kung ano ang puwede nating gawin para matulungan tayo ni Jehova na makayanan kapag natiwalag ang mahal natin sa buhay. Pag-uusapan din natin kung ano ang puwede nating gawin para matulungan ang mga kakongregasyon natin na may kapamilyang natiwalag. Pero tingnan muna natin kung anong negatibong kaisipan ang dapat nating iwasan.

HUWAG SISIHIN ANG SARILI MO

4. Ano ang nararamdaman ng maraming magulang kapag iniwan ng anak nila si Jehova?

4 Kapag iniwan ng isang anak si Jehova, kadalasan nang iniisip ng mga magulang na nagkulang sila. Nang matiwalag ang anak niya, inamin ng brother na si Luke: “Sinisi ko ang sarili ko. Napapanaginipan ko pa nga ’yon. Kung minsan, umiiyak ako at naninikip ang dibdib ko.” Sinabi naman ng sister na si Elizabeth, na natiwalag din ang anak: “Siguro hindi ako naging mabuting ina. Pakiramdam ko, hindi ko naitanim ang katotohanan sa puso ng anak ko.”

5. Bakit hindi dapat isipin ng mga magulang na kasalanan nila kapag natiwalag ang kanilang anak?

5 Ang bawat isa sa atin ay binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Ibig sabihin, puwede tayong magpasiya kung susundin natin siya o hindi. May ilang kabataan na ang mga magulang ay hindi naman nagpakita ng magandang halimbawa pero nagdesisyon silang paglingkuran si Jehova at manatiling tapat. May ilan naman na tinuruan ng kanilang mga magulang tungkol sa mga prinsipyo sa Bibliya pero iniwan nila ang katotohanan nang lumaki na sila. Kaya malinaw na ang bawat isa ang magpapasiya kung paglilingkuran niya si Jehova o hindi. (Jos. 24:15) Kaya para sa mga magulang na nalulungkot dahil sa pagkatiwalag ng inyong anak, huwag ninyong isipin na kasalanan ninyo ang nangyari!

6. Ano ang puwedeng maging epekto sa anak kapag iniwan ng magulang nila ang katotohanan?

6 May pagkakataon naman na magulang ang natitiwalag at iniiwan pati na ang pamilya nila. (Awit 27:10) Matindi ang epekto nito sa mga anak lalo na kung ganoon na lang ang paggalang at paghanga nila sa magulang nila. Sinabi ni Esther, na natiwalag ang tatay: “Iyak ako nang iyak kasi alam ko na hindi lang basta napapalayo si Tatay sa katotohanan. Talagang desidido siyang iwan si Jehova. Mahal ko si Tatay, kaya nang matiwalag siya, lagi akong nag-aalala sa kalagayan niya. Sinusumpong pa nga ako ng panic attack.”

7. Ano ang nararamdaman ni Jehova para sa mga anak na may magulang na natiwalag?

7 Mga anak, nalulungkot kami na nasasaktan kayo dahil iniwan ng magulang ninyo ang katotohanan. Tandaan na alam ni Jehova ang pinagdadaanan ninyo. Mahal niya kayo at natutuwa siya na nananatili kayong tapat, at ganoon din kaming mga kapatid ninyo. Tandaan din na hindi kayo ang may kasalanan sa ginawa ng magulang ninyo. Gaya ng binanggit kanina, binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya ang bawat isa sa atin. At ang bawat nakaalay at bautisadong lingkod ng Diyos ang “magdadala ng sarili niyang pasan [o, pananagutan].”​—Gal. 6:5; tlb.

8. Ano ang puwedeng gawin ng tapat na mga kapamilya habang hinihintay nilang makabalik ang mahal nila sa buhay? (Tingnan din ang kahong “Manumbalik Ka kay Jehova.”)

8 Kapag iniwan ng mahal mo sa buhay si Jehova, natural lang na umasa ka na balang-araw ay manunumbalik siya sa Kaniya. Pero ano ang puwede mong gawin sa ngayon? Gawin mo ang buong makakaya mo para patibayin ang pananampalataya mo. Kapag ginawa mo iyan, magiging mabuting halimbawa ka sa mga kapamilya mo at malamang, pati na sa natiwalag. Magkakaroon ka rin ng lakas para makayanan ang sakit at lungkot na nararamdaman mo. Kaya pag-usapan natin kung paano mo mapapatibay ang pananampalataya mo.

Manumbalik Ka kay Jehova

Isang mapagmahal na pastol na buhat-buhat ang isang tupa sa kaniyang dibdib.

Sinabi ng isang nanay: “Sana mangyari sa anak kong natiwalag ang sinasabi sa Isaias 55:7: ‘Manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, sa ating Diyos, dahil magpapatawad siya nang lubusan.’” Kung iniwan mo si Jehova, magiging masaya ka kung manunumbalik ka agad sa kaniya. Tiyak na kitang-kita mo sa mga nangyayari ngayon na anumang oras, darating na ang Armagedon. Maikli lang din ang buhay at walang kasiguruhan. Hindi nga natin alam kung buháy pa tayo bukas.​—Sant. 4:13, 14.

Sinasabi sa brosyur na Manumbalik Ka kay Jehova:c “Makatitiyak kang tatanggapin ka ni Jehova kung manunumbalik ka sa kaniya. Tutulungan ka niyang harapin ang kabalisahan, limutin ang sama ng loob, at magkaroon ng mapayapang isip at puso dahil sa pagtataglay ng malinis na budhi. Sa gayon, mapakikilos kang maglingkod ulit kay Jehova kasama ng iyong mga kapuwa mananamba.”​—1 Ped. 2:25.

c Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa maraming wika sa jw.org.

ANG PUWEDE MONG GAWIN PARA MANATILING MATIBAY ANG PANANAMPALATAYA MO

9. Paano ka huhugot ng lakas kay Jehova? (Tingnan din ang kahong “Nakakapagpatibay na mga Teksto Kapag Iniwan ng Mahal Mo sa Buhay si Jehova.”)

9 Magkaroon ng mahusay na espirituwal na rutin. Mahalaga na manatiling matibay ang pananampalataya mo at ng ibang kapamilya mo. Paano mo iyon magagawa? Humugot ka ng lakas kay Jehova. Ituloy mo ang regular na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos at pagdalo sa mga pulong. Ganiyan ang ginawa ni Joanna. Natiwalag ang tatay at kapatid niyang babae. Pero sinabi niya: “Napapanatag ako kapag binabasa ko ang tungkol sa mga karakter ng Bibliya gaya nina Abigail, Esther, Job, Jose, at Jesus. Ang gaganda ng halimbawa nila, kaya positibo ang mga naiisip ko at nababawasan ang sakit na nararamdaman ko. Malaking tulong din sa akin ang mga original song natin.”

Nakakapagpatibay na mga Teksto Kapag Iniwan ng Mahal Mo sa Buhay si Jehova

  • Awit 30:10

  • Awit 34:4, 6, 18, 19

  • Awit 39:12

  • Awit 61:1, 2

  • Awit 94:17-19

  • Efeso 3:20

  • Filipos 4:6, 7

10. Batay sa Awit 32:6-8, ano ang puwede nating gawin kapag sobra tayong nalulungkot?

10 Sabihin mo kay Jehova ang lahat ng nararamdaman mo. Kapag sobra kang nalulungkot, huwag kang titigil sa pananalangin kay Jehova. Makiusap ka sa mapagmahal nating Diyos na tulungan ka na matularan ang pananaw niya sa sitwasyon mo at ‘bigyan ka ng kaunawaan at ituro sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.’ (Basahin ang Awit 32:6-8.) Baka nahihirapan kang sabihin kay Jehova kung ano talaga ang nararamdaman mo. Pero alam na alam iyon ni Jehova. Mahal na mahal ka niya, at hinihimok ka niya na ibuhos sa kaniya ang laman ng puso mo.​—Ex. 34:6; Awit 62:7, 8.

11. Batay sa Hebreo 12:11, bakit dapat tayong magtiwala sa disiplina ni Jehova? (Tingnan din ang kahong “Pagtitiwalag—Tanda ng Pag-ibig ni Jehova.”)

11 Suportahan ang desisyon. Ang pagtitiwalag ay bahagi ng kaayusan ni Jehova. Mahal niya tayo, at ang pagtutuwid niya ay para sa ikakabuti ng lahat, pati na ng nagkasala. (Basahin ang Hebreo 12:11.) Kung minsan, may negatibong mga komento ang ilan tungkol sa paraan ng paghawak ng mga elder sa kaso. Pero malamang na galing iyon sa isa na ayaw bumanggit ng negatibong bagay na magpapasama sa tingin ng iba sa nagkasala. Hindi natin alam ang lahat ng detalye. Kaya tama lang na magtiwala tayo na ginawa ng mga elder ang lahat para masunod ang mga prinsipyo sa Bibliya at para humatol “para kay Jehova.”​—2 Cro. 19:6.

Pagtitiwalag—Tanda ng Pag-ibig ni Jehova

Paano makikita sa kaayusan ng pagtitiwalag ang pag-ibig ng Diyos?

  1. 1. Dahil sa pag-ibig, ginagawa ng mga elder ang lahat para matulungan ang mga nagkasala. Matitiwalag lang ang isang Kristiyano kung makikita sa kaniya ang dalawang bagay na ito: Nagkasala siya nang malubha at hindi nagsisisi.​—Heb. 12:7, 9-11.

  2. 2. Naiingatan ng pagtitiwalag ang kongregasyon. Ang isang di-nagsisising nagkasala ay parang may sakit na sobrang nakakahawa at kailangang i-quarantine para maprotektahan ang iba.​—1 Cor. 5:6, 7, 11-13.

  3. 3. Nakakatulong ang pagtitiwalag para magsisi ang nagkasala. Maraming natiwalag ang natauhan at sa bandang huli ay nanumbalik kay Jehova.​—Luc. 15:11-24.

  4. 4. Kapag nanumbalik ang isang nagsisising nagkasala, nagsasaya ang langit at masaya siyang tinatanggap ulit ng kongregasyon.​—Luc. 15:7.

12. Anong magandang resulta ang naranasan ng ilan dahil sinuportahan nila ang kaayusan ni Jehova sa pagdidisiplina?

12 Kapag sinuportahan mo ang desisyon ng mga elder, baka matulungan mo pa nga ang natiwalag mong mahal sa buhay na manumbalik kay Jehova. “Talagang napakahirap para sa amin na itigil ang pakikisama at pakikipag-usap sa panganay naming anak,” ang sabi ni Elizabeth, na binanggit kanina. “Pero nang makabalik siya, inamin niya na tama lang na itiniwalag siya. Bandang huli, sinabi niya na marami siyang natutuhan. Nakita ko na laging tama ang disiplina ni Jehova,” ang sabi niya. Sinabi naman ng asawa ni Elizabeth na si Mark: “Sinabi sa akin ng anak namin na nakatulong na itinigil namin ang pakikisama sa kaniya kaya nagdesisyon siyang manumbalik. Buti na lang, tinulungan kami ni Jehova na maging masunurin.”

13. Paano mo makakayanan ang sakit at lungkot na nararamdaman mo?

13 Makipag-usap sa mga kaibigan na makakaintindi sa iyo. Makipagsamahan sa may-gulang na mga Kristiyano na makakatulong sa iyo na manatiling positibo. (Kaw. 12:25; 17:17) Sinabi ni Joanna, na binanggit kanina: “Pakiramdam ko, mag-isa lang ako. Pero nakatulong sa akin ang pakikipag-usap sa mga kaibigan ko na pinagkakatiwalaan ko.” Pero paano kung may nasasabi ang ilang kakongregasyon mo na lalo lang nagpapalala sa nararamdaman mo?

14. Bakit kailangan nating ‘patuloy na pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa’?

14 Pagpasensiyahan ang mga kapatid. Hindi natin dapat isipin na laging tama ang masasabi ng iba. (Sant. 3:2) Lahat tayo ay hindi perpekto, kaya asahan mo na baka hindi alam ng ilan ang sasabihin nila o baka may masabi pa nga sila na masakit nang hindi nila sinasadya. Tandaan ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa.” (Col. 3:13) Sinabi ng isang sister na may kamag-anak na natiwalag, “Tinulungan ako ni Jehova na patawarin ang mga kapatid na nagsikap na patibayin ako pero imbes na makatulong ay nakasama pa.” Kaya paano makakatulong ang kongregasyon sa tapat na mga kapamilya ng natiwalag?

MAKAKATULONG ANG KONGREGASYON

15. Ano ang makakatulong sa mga kapatid na may kapamilya na kakatiwalag lang?

15 Maging mabait at kaibiganin ang tapat na mga kapamilya ng natiwalag. Inamin ng sister na si Miriam na nahihiya siyang dumalo mula nang matiwalag ang kapatid niya. “Natatakot ako sa sasabihin ng mga tao. Pero maraming kapatid ang nalungkot din sa nangyari at hindi nila ipinakitang galít sila sa kapatid ko. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil hindi ko naramdamang nag-iisa ako.” Sinabi ng isa pang sister: “Nang matiwalag ang anak namin, pinatibay kami ng mga kaibigan namin. Sinabi ng ilan na hindi nila alam ang sasabihin nila. May mga umiyak kasama ko at meron ding mga sumulat para patibayin ako. Napakalaking bagay n’on para sa akin!”

16. Paano patuloy na makakatulong ang kongregasyon?

16 Patuloy na tulungan ang tapat na mga kapamilya ng natiwalag. Kailangan nila ang pagmamahal at pampatibay lalong-lalo na ngayon. (Heb. 10:24, 25) Kung minsan, napapansin nila na iniiwasan sila ng ilang kapatid na para bang natiwalag din sila. Ayaw natin na mangyari iyon! Ang mga kabataan na may mga magulang na natiwalag ang lalo nang nangangailangan ng komendasyon at pampatibay. Sinabi ni Maria, na natiwalag ang asawa at iniwan ang pamilya nila: “Pumunta ang ilang kaibigan namin sa bahay, nagluto ng pagkain, at sinamahan kami sa aming pampamilyang pagsamba. Dinamayan nila ako at umiyak kasama ko. Ipinagtanggol nila ako noong may kumalat na tsismis tungkol sa akin. Talagang napatibay nila ako!”—Roma 12:13, 15.

Pinapapasok ng nanay at mga anak niya sa bahay nila ang dalawang elder na bumisita sa kanila.

Maipapakita ng mga kapatid sa kongregasyon ang pag-ibig kung tutulungan nila ang kapamilya ng natiwalag (Tingnan ang parapo 17)e

17. Paano mapapatibay ng mga elder ang mga kapatid na nalulungkot?

17 Mga elder, samantalahin ang lahat ng pagkakataon para mapalakas ang tapat na mga kapamilya ng natiwalag. Pananagutan ninyo na patibayin ang mga kapatid na may mga mahal sa buhay na iniwan si Jehova. (1 Tes. 5:14) Para magawa iyon, kausapin ninyo sila bago at pagkatapos ng pulong. Dalawin ninyo sila at manalangin kasama nila. Samahan ninyo sila sa ministeryo at kung minsan ay yayain sila sa inyong pampamilyang pagsamba. Bilang mga pastol ng tupa ni Jehova, kailangan ninyong ipakita sa nalulungkot na mga kapatid ang malasakit, pagmamahal, at atensiyon na kailangan nila.​—1 Tes. 2:7, 8.

HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA AT PATULOY NA MAGTIWALA KAY JEHOVA

18. Batay sa 2 Pedro 3:9, ano ang gusto ng Diyos na gawin ng mga nagkasala?

18 ‘Hindi gusto ni Jehova na mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.’ (Basahin ang 2 Pedro 3:9.) Kahit makagawa ng malubhang pagkakasala ang isang tao, napakahalaga pa rin niya sa Diyos. Isipin na lang kung gaano kalaki ang halagang ibinayad ni Jehova—ang buhay ng pinakamamahal niyang Anak—para matubos ang mga makasalanan. Gumagawa si Jehova ng paraan para matulungan sila dahil umaasa siya na manunumbalik sila sa kaniya, gaya ng makikita natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nawalang anak. (Luc. 15:11-32) Marami sa mga natiwalag ang nanumbalik sa kanilang mapagmahal na Ama sa langit. At buong puso silang tinanggap ng kongregasyon. Tuwang-tuwa si Elizabeth, na binanggit kanina, nang makabalik ang anak niya. “Talagang nagpapasalamat kami sa mga nagpatibay sa amin para hindi kami mawalan ng pag-asa,” ang sabi niya.

19. Bakit makakapagtiwala tayo kay Jehova?

19 Makakapagtiwala tayo kay Jehova. Hindi siya magbibigay sa atin ng utos na ikakasama natin. Mapagbigay at mapagmalasakit ang ating Ama, at mahal na mahal niya ang lahat ng nagmamahal at sumasamba sa kaniya. Hinding-hindi ka iiwan ni Jehova sa mga panahong nalulungkot ka. (Heb. 13:5, 6) “Hindi kami pinabayaan ni Jehova,” ang sabi ni Mark, na binanggit kanina. “Nandiyan siya para sa atin kapag may pinagdadaanan tayo.” Lagi kang bibigyan ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Oo, makakapanatili kang tapat habang hinihintay mong manumbalik kay Jehova ang mahal mo sa buhay.

ANO ANG NATUTUHAN MO SA SUMUSUNOD NA MGA TEKSTO?

  • Awit 78:40, 41

  • Awit 32:6-8

  • Hebreo 12:11

AWIT 44 Panalangin ng Nanghihina

a Talagang nakakalungkot kapag iniwan ng mahal natin sa buhay si Jehova! Ipinapakita sa artikulong ito kung ano ang nararamdaman ni Jehova kapag nangyari ito. Tatalakayin dito ang mga puwedeng gawin ng tapat na mga kapamilya ng natiwalag para makayanan nila ang sakit at manatiling matibay sa espirituwal. Tatalakayin din kung paano matutulungan ng kongregasyon ang pamilya ng natiwalag.

b Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

d LARAWAN: Nang iwan ng brother si Jehova pati na ang kaniyang pamilya, nasaktan nang husto ang asawa niya at mga anak.

e LARAWAN: Dumalaw ang dalawang elder para patibayin ang isang pamilya sa kongregasyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share