Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • lv p. 207-p. 208 par. 3
  • Kung Paano Dapat Pakitunguhan ang Isang Tiwalag

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Dapat Pakitunguhan ang Isang Tiwalag
  • Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Kaparehong Materyal
  • Magpamalas ng Kristiyanong Pagkamatapat Kapag Natiwalag ang Isang Kamag-anak
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Kapag Iniwan ng Mahal Natin sa Buhay si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Tularan ang Awa ng Diyos Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
lv p. 207-p. 208 par. 3

APENDISE

Kung Paano Dapat Pakitunguhan ang Isang Tiwalag

Napakasakit kapag natiwalag sa kongregasyon ang isang kamag-anak o matalik na kaibigan dahil hindi siya nagsisi sa kaniyang kasalanan. Ang pagtugon natin sa tagubilin ng Bibliya hinggil sa bagay na ito ay nagpapakita ng lalim ng ating pag-ibig sa Diyos at ng ating pagkamatapat sa kaniyang kaayusan.a Isaalang-alang ang ilang tanong na bumabangon hinggil sa paksang ito.

Paano natin dapat pakitunguhan ang isang tiwalag? Sinasabi ng Bibliya: “Tigilan ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.” (1 Corinto 5:11) May kinalaman sa sinumang “hindi nananatili sa turo ng Kristo,” mababasa natin: “Huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong mga tahanan o magsabi sa kaniya ng isang pagbati. Sapagkat siya na nagsasabi sa kaniya ng isang pagbati ay kabahagi sa kaniyang balakyot na mga gawa.” (2 Juan 9-11) Wala tayong anumang espirituwal o sosyal na pakikipagsamahan sa mga tiwalag. Sinabi ng Ang Bantayan ng Marso 15, 1982, sa pahina 19-20: “Ang kahit na lamang pagbati kaninuman ng ‘Hello’ ay maaaring siyang unang hakbang tungo sa pakikipag-usap sa kaniya at maaari pa ngang humantong ito sa pakikipagkaibigan sa kaniya. Hahangarin ba natin na gumawa ng unang hakbang na iyan sa pakikitungo sa isang taong tiwalag?”

Kailangan ba talagang lubusang iwasan ang tiwalag? Oo, sa ilang dahilan. Una, ipinapakita nito ang ating pagkamatapat sa Diyos at sa kaniyang Salita. Sumusunod tayo kay Jehova hindi lamang kapag madali ito para sa atin kundi kahit mahirap itong gawin. Inuudyukan tayo ng pag-ibig sa Diyos na sumunod sa lahat ng kaniyang mga utos, anupat kinikilala na siya ay makatarungan at maibigin at na ang kaniyang mga kautusan ay para sa ating ikabubuti. (Isaias 48:17; 1 Juan 5:3) Ikalawa, ang pag-iwas sa isang di-nagsisising nagkasala ay nagsasanggalang sa atin at sa iba pa sa kongregasyon mula sa espirituwal at moral na karumihan at nagpapanatili sa malinis na pangalan ng kongregasyon. (1 Corinto 5:6, 7) Ikatlo, maaari pa ngang makinabang ang isang tiwalag dahil sa ating matatag na paninindigan sa mga simulain ng Bibliya. Kung susuportahan natin ang pasiya ng hudisyal na komite, baka maantig natin ang puso ng isang nagkasala na hindi tumugon sa pagsisikap ng matatanda na matulungan siya. Kung ititigil ng kaniyang mga mahal sa buhay ang pakikipagsamahan nila sa kaniya, baka makatulong ito na bumalik siya “sa kaniyang katinuan,” makita ang kaselangan ng kaniyang pagkakamali, at gumawa ng mga hakbang para manumbalik kay Jehova.​—Lucas 15:17.

Paano kung isang kamag-anak ang matiwalag? Dahil sa malapít na ugnayan ng magkakapamilya, maaaring masubok ang katapatan ng isang Kristiyano kapag natiwalag ang isang miyembro ng pamilya. Paano natin dapat pakitunguhan ang isang tiwalag na kamag-anak? Hindi natin matatalakay rito ang lahat ng situwasyon na maaaring bumangon, pero pagtuunan natin ng pansin ang dalawang pangunahing situwasyon.

Sa ilang kalagayan, ang tiwalag na miyembro ng pamilya ay maaaring kasama pa rin sa bahay. Yamang hindi naman napuputol ang ugnayang pampamilya dahil sa kaniyang pagiging tiwalag, maaari pa ring magpatuloy ang normal na mga gawain at pakikitungo ng pamilya sa araw-araw. Gayunman, dahil sa kaniyang ginawa, pinili ng indibiduwal na putulin ang espirituwal na kaugnayan sa pagitan niya at ng kaniyang sumasampalatayang pamilya. Kaya ang matapat na mga miyembro ng pamilya ay hindi na maaaring magkaroon ng espirituwal na pakikipagsamahan sa kaniya. Halimbawa, kahit nasa bahay ang tiwalag, hindi siya maaaring sumali sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Gayunman, kung ang tiwalag ay menor-de-edad, pananagutan pa rin ng mga magulang na turuan siya at disiplinahin. Kaya maaaring isaayos ng maibiging mga magulang na pagdausan ng pag-aaral sa Bibliya ang kaniyang anak.b​—Kawikaan 6:20-22; 29:17.

Sa ibang kalagayan naman, ang tiwalag na miyembro ng pamilya ay maaaring hindi na kasama sa bahay. Bagaman may ilang pagkakataon na kailangang makipag-ugnayan sa kaniya para pag-usapan ang isang mahalagang bagay na pampamilya, ang pakikipag-ugnayang ito ay dapat iwasan hangga’t maaari. Ang mga tapat na Kristiyanong miyembro ng pamilya ay hindi gumagawa ng mga dahilan para makipag-ugnayan sa isang tiwalag na miyembro ng pamilya na hindi kasama sa bahay. Sa halip, ang pagkamatapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon ang nag-uudyok sa kanila na manghawakan sa maka-Kasulatang kaayusan sa pagtitiwalag. Ang kanilang pagiging tapat ay para sa kapakanan ng nagkasala at posibleng makatulong sa kaniya na makinabang sa tinanggap na disiplina.c​—Hebreo 12:11.

a Ang mga simulain sa Bibliya hinggil sa paksang ito ay kapit din sa mga kusang humiwalay sa kongregasyon.

b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga tiwalag na menor-de-edad na anak na kasama sa bahay, tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 1, 2001, pahina 16-17, at Nobyembre 15, 1988, pahina 20.

c Para sa higit pang impormasyon kung paano dapat pakitunguhan ang tiwalag na kamag-anak, tingnan ang maka-Kasulatang payo na tinalakay sa Ang Bantayan ng Abril 15, 1988, pahina 26-31, at Marso 15, 1982, pahina 21-7.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share