Magpamalas ng Kristiyanong Pagkamatapat Kapag Natiwalag ang Isang Kamag-anak
1. Anong situwasyon ang maaaring sumubok sa pagkamatapat ng isang Kristiyano?
1 Ang buklod sa pagitan ng magkakapamilya ay maaaring napakasidhi. Nagiging isa itong pagsubok sa isang Kristiyano kapag ang kabiyak, anak, magulang, o malapit na kamag-anak ay natiwalag o kusang humiwalay (disassociated) sa kongregasyon. (Mat. 10:37) Paano dapat pakitunguhan ng matapat na mga Kristiyano ang gayong kamag-anak? May pagkakaiba ba sa paraan ng pakikitungo kung ang kamag-anak na iyon ay kasambahay ninyo? Una, repasuhin muna natin ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa paksang ito, mga simulaing kapit kapuwa sa mga natiwalag at sa mga kusang humiwalay.
2. Ayon sa Bibliya, paano dapat pakitunguhan ng mga Kristiyano ang mga natiwalag sa kongregasyon?
2 Kung Paano Pakikitunguhan ang mga Natiwalag: Iniuutos ng Salita ng Diyos sa mga Kristiyano na huwag makihalubilo o makisama sa isa na itiniwalag sa kongregasyon: “Tigilan ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao. . . . Alisin ninyo ang taong balakyot mula sa gitna ninyo.” (1 Cor. 5:11, 13) Ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 18:17 ay nauugnay rin dito: “Ituring mo [ang tiwalag na] gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis.” Alam na alam ng mga tagapakinig ni Jesus na ang mga Judio noong panahon nila ay hindi nakikisama sa mga Gentil at na kanilang iniiwasan ang mga maniningil ng buwis anupat itinuturing ang mga ito bilang mga itinakwil. Sa gayon ay tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na huwag makisama sa mga tiwalag.—Tingnan Ang Bantayan ng Marso 15, 1982, pahina 12-14 (Setyembre 15, 1981, p. 18-20 sa Ingles).
3, 4. Anong pakikisama sa mga taong tiwalag at kusang humiwalay ang ipinagbabawal?
3 Nangangahulugan ito na ang matapat na mga Kristiyano ay walang espirituwal na pakikisama sa sinumang itiniwalag sa kongregasyon. Ngunit higit pa ang nasasangkot. Sinasabi ng Salita ng Diyos na tayo ay dapat na “huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.” (1 Cor. 5:11) Kaya iniiwasan din natin ang sosyal na pakikisama sa isang taong natiwalag. Kasama rito ang hindi pagsama sa kaniya sa piknik, parti, paglalaro ng bola, o pamamasyal sa mall o sinehan o sa isang salu-salo sa tahanan o sa isang restawran.
4 Kumusta naman ang pakikipag-usap sa isang taong tiwalag? Bagaman hindi binabanggit ng Bibliya ang bawat posibleng situwasyon, tinutulungan tayo ng 2 Juan 10 na maunawaan ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay: “Kung may sinumang dumating sa inyo at hindi dala ang turong ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong mga tahanan o magsabi sa kaniya ng isang pagbati.” Sa pagkokomento hinggil dito, ganito ang sabi ng Ang Bantayan ng Marso 15, 1982, pahina 19-20 (Setyembre 15, 1981, p. 25 sa Ingles): “Ang kahit na lamang pagbati kaninuman ng ‘Hello’ ay maaaring siyang unang hakbang tungo sa pakikipag-usap sa kaniya at maaari pa ngang humantong ito sa pakikipagkaibigan sa kaniya. Hahangarin ba natin na gumawa ng unang hakbang na iyan sa pakikitungo sa isang taong tiwalag?”
5. Kapag natiwalag, ano ang naiwawala ng isa?
5 Sa katunayan, kagaya ito ng sinasabi sa pahina 26-7 (p. 31 sa Ingles) ng labas ding iyon ng Ang Bantayan: “Ang totoo niyan ay pagka bumalik sa pagkakasala ang isang Kristiyano at natiwalag, malaki ang ipinahahamak niya: ang kaniyang aprobadong katayuan sa Diyos; . . . ang maligayang pakikisalamuha sa mga kapatid, kasali na ang [karamihan sa] pakikihalubilo niya sa kaniyang mga kamag-anak na Kristiyano.”
6. Hinihiling ba sa isang Kristiyano na putulin ang lahat ng uri ng pakikisama sa isang tiwalag na kamag-anak na kasamang nakatira sa iisang sambahayan? Ipaliwanag.
6 Nakatira sa Iisang Sambahayan: Nangangahulugan ba ito na ang mga Kristiyanong nakatira sa iisang sambahayan na may kasamang tiwalag na miyembro ng pamilya ay dapat umiwas na makipag-usap sa kaniya, kumaing kasama niya, at makisama sa kaniya habang ginagawa nila ang kanilang pang-araw-araw na gawain? Ganito ang sabi ng Ang Bantayan ng Abril 15, 1991, sa talababa sa pahina 22: “Kung sa isang sambahayang Kristiyano ay may natiwalag na kamag-anak, ang isang iyon ay bahagi pa rin ng normal, araw-araw na mga pakikitungo at mga gawain sa sambahayan.” Samakatuwid, ang mga miyembro ng pamilya ang magpapasiya sa antas ng kanilang pakikisama sa tiwalag na miyembro ng pamilya sa panahon ng pagkain o pakikibahagi sa iba pang gawain sa bahay. At kasabay nito, hindi rin naman nila nais magbigay ng maling impresyon sa mga kapatid na nakakasama nila na waring walang nagbago sa pakikitungo sa natiwalag.
7. Paano nababago ang espirituwal na pakikisama sa loob ng tahanan kapag natiwalag ang isang miyembro ng pamilya?
7 Gayunman, binabanggit ng Ang Bantayan ng Marso 15, 1982, pahina 23 (Setyembre 15, 1981, p. 28 sa Ingles), ang hinggil sa taong tiwalag o kusang humiwalay: “Ang dating espirituwal na mga kaugnayan ay lubusang pinutol na. Ito’y kapit din kahit na kung tungkol sa kaugnayan niya sa kaniyang mga kamag-anak, kasali na yaong nasa kaniya mismong sambahayan. . . . Kaya kakailanganin ang mga pagbabago sa espirituwal na pagsasamahan na kaypala dating umiiral sa tahanan. Halimbawa, kung ang asawang lalaki ang tiwalag, ang kaniyang maybahay at mga anak ay hindi magiging [palagay] kung siya ang nangunguna sa isang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya o sa pagbabasa sa Bibliya at sa panalangin. Kung gusto niyang manalangin, tulad sa mga oras ng pagkain, may karapatan siyang gawin iyon sa kaniyang sariling tahanan. Nguni’t sila’y maaaring tahimik na manalangin nang sarili nila sa Diyos. (Kaw. 28:9; Awit 119:145, 146) Pagka ang pamilya’y sama-samang nagbabasa ng Bibliya o may pag-aaral ng Bibliya at gusto ng kasambahay nilang taong tiwalag na siya’y presente o naroroon, ano ngayon ang dapat gawin? Marahil ay papayagan siya ng mga iba na maging presente kung hindi siya magtatangkang turuan sila o itanim sa kanila ang kaniyang mga kuru-kurong relihiyoso.”
8. Ano ang pananagutan ng Kristiyanong mga magulang sa isang tiwalag na menor-de-edad na anak na kasamang nakatira sa tahanan?
8 Kung ang isang menor-de-edad na anak na kasamang nakatira sa tahanan ay natiwalag, may pananagutan pa rin ang Kristiyanong mga magulang sa pagpapalaki sa kaniya. Ganito ang sabi ng Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1988, pahina 20: “Kung paanong sila’y magpapatuloy na paglaanan siya ng pagkain, damit, at tahanan, siya’y kailangang turuan at disiplinahin nila kasuwato ng Salita ng Diyos. (Kawikaan 6:20-22; 29:17) Ang mapagmahal na magulang ay maaaring magsaayos ng isang pantahanang pakikipag-aral sa kaniya sa Bibliya, kahit na kung siya’y tiwalag. Marahil ay tatamasahin niya ang pinakamalaking pakinabang sa gayong pagtutuwid buhat sa kanilang pakikipag-aral sa kaniya na sila lamang. O marahil sila’y makapagpapasiya na maaari siyang magpatuloy na makibahagi sa pampamilyang pag-aaral.”—Tingnan din Ang Bantayan ng Oktubre 1, 2001, pahina 16-17.
9. Hanggang saan ang pakikipagtalastasan ng isang Kristiyano sa isang tiwalag na kamag-anak na hindi niya kasambahay?
9 Mga Kamag-anak na Hindi Kasambahay: “Ang situwasyon ay naiiba kung ang natiwalag o ang humihiwalay ay isang kamag-anak na hindi kasama ng pamilya at hindi rin kapiling sa tahanan,” ang sabi ng Ang Bantayan ng Abril 15, 1988, pahina 28. “Baka posible na huwag halos magkaroon ng pakikipagtalastasan sa kamag-anak na iyon. Kahit na kung [may] ilang pampamilyang bagay-bagay na nangangailangan ng [pakikipag-ugnayan], ito’y dapat gawin nang bihirang-bihira,” kasuwato ng utos ng Diyos na “tigilan ang pakikihalubilo sa sinumang” nagkasala na hindi nagsisisi. (1 Cor. 5:11) Dapat na magsikap ang matapat na mga Kristiyano na iwasan ang di-kinakailangang pakikisama sa gayong kamag-anak, maging ang mga transaksiyon sa negosyo ay dapat na gawin sa pinakamadalang na paraan.—Tingnan din Ang Bantayan ng Marso 15, 1982, pahina 25-6 (Setyembre 15, 1981, p. 29-30 sa Ingles).
10, 11. Ano ang isasaalang-alang muna ng isang Kristiyano bago niya hayaang lumipat sa kanilang tahanan ang isang tiwalag na kamag-anak?
10 Itinutuon ng Ang Bantayan ang ating pansin sa isa pang situwasyon na maaaring bumangon: “Kung ang isang malapit na kamag-anak, tulad baga ng isang anak o isang magulang na hindi kapiling sa tahanan, ay natiwalag at pagkatapos ay ibig niyang bumalik sa tahanan, ano ngayon ang dapat gawin? Ang pamilya ang maaaring magpasiya kung ano ang dapat gawin depende sa situwasyon. Halimbawa, ang isang tiwalag [na magulang] ay baka may sakit at hindi na niya matustusan o maasikaso ang kaniyang sarili. Ang mga anak na Kristiyano ay may maka-Kasulatan at moral na obligasyong tumulong. (1 Tim. 5:8) . . . Ang magagawa ay depende sa mga bagay na tulad baga ng tunay na mga pangangailangan ng magulang, ng kaniyang saloobin at ng pagpapakundangan ng ulo ng pamilya sa espirituwal na kapakanan ng sambahayan.”—Ang Bantayan ng Marso 15, 1982, pahina 24 (Setyembre 15, 1981, p. 28-9 sa Ingles).
11 Tungkol naman sa anak, nagpapatuloy ang artikulo ring iyon: “Kung minsan, sa loob ng isang panahon ay tinatanggap ng Kristiyanong mga magulang [sa tahanan] ang isang . . . anak na tiwalag at may sakit na pisikal o emosyonal. Ngunit sa bawat kaso ay maaaring pagtimbang-timbangin ng mga magulang ang indibiduwal na mga kalagayan. Ang isang tiwalag na anak baga ay namuhay sa ganang sarili niya, at ngayon ay hindi na niya magawa iyon? O ibig baga niyang magbalik dahil unang-una ay isang madaling buhay iyon? Kumusta naman ang kaniyang mga moral at saloobin? Siya kaya’y magpapasok ng ‘lebadura’ sa tahanan?—Gal. 5:9.”
12. Ano ang ilan sa mga kapakinabangan ng kaayusan sa pagtitiwalag?
12 Mga Kapakinabangan ng Pagiging Matapat kay Jehova: Ang pakikipagtulungan sa maka-Kasulatang kaayusan sa pagtitiwalag at pagtatakwil sa di-nagsisising mga manggagawa ng masama ay kapaki-pakinabang. Pinananatili nito ang kalinisan ng kongregasyon at ipinakikita nito ang ating kaibahan bilang mga tagapagtaguyod ng matataas na pamantayang moral ng Bibliya. (1 Ped. 1:14-16) Ipinagsasanggalang tayo nito mula sa nakasasamang mga impluwensiya. (Gal. 5:7-9) Binibigyan din nito ng pagkakataon ang manggagawa ng masama na lubos na makinabang sa disiplinang natanggap, na makatutulong sa kaniya na magluwal ng “mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.”—Heb. 12:11.
13. Anong pagbabago ang ginawa ng isang pamilya, at ano ang naging resulta?
13 Pagkatapos marinig ang isang pahayag sa isang pansirkitong asamblea, natanto ng isang kapatid na lalaki at ng kaniyang kapatid na babae sa laman na kailangan nilang baguhin ang kanilang pakikitungo sa kanilang ina, na nakatira sa ibang lugar at anim na taon nang tiwalag. Pagkatapos na pagkatapos ng asamblea, tinawagan ng lalaki ang kaniyang ina, at pagkatapos na tiyakin ang kanilang pag-ibig sa ina, kaniyang ipinaliwanag na hindi na nila siya makakausap maliban na lamang kung may mahahalagang bagay na pampamilya na humihiling ng pakikipag-ugnayan. Di-nagtagal pagkatapos nito, nagsimulang dumalo ang kaniyang ina sa mga pulong at nakabalik nang dakong huli. Gayundin, nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang kaniyang di-sumasampalatayang asawa at nang maglaon ay nabautismuhan.
14. Bakit dapat nating matapat na suportahan ang kaayusan sa pagtitiwalag?
14 Ang matapat na pagtataguyod sa kaayusan sa pagtitiwalag na nakabalangkas sa Kasulatan ay nagpapakita ng ating pag-ibig kay Jehova at naglalaan ng kasagutan sa isa na tumutuya sa Kaniya. (Kaw. 27:11) Bunga nito, makatitiyak tayo sa pagpapala ni Jehova. Sumulat si Haring David hinggil kay Jehova: “Kung tungkol sa kaniyang mga batas, hindi ako lilihis sa mga iyon. Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat.”—2 Sam. 22:23, 26.