Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mrt artikulo 8
  • Anemia—Mga Dahilan, Sintomas, at Paggamot

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anemia—Mga Dahilan, Sintomas, at Paggamot
  • Iba Pang Paksa
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Anemia?
  • Bakit Nagkakaroon ng Anemia ang Isang Tao?
  • Ano ang mga Sintomas ng Iron-Deficiency Anemia?
  • Sino ang Posibleng Magkaroon Nito?
  • Kung Paano Gagamutin ang Anemia
  • “Sickle-Cell Anemia”—Kaalaman ang Pinakamainam na Depensa
    Gumising!—1996
  • Ang Pagkaliliit na “Trak” ng Iyong Katawan
    Gumising!—2001
  • Ang Kamangha-manghang Pulang Selula ng Iyong Dugo
    Gumising!—2006
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
Iba Pa
Iba Pang Paksa
mrt artikulo 8
Kausap ng isang buntis ang isang doktor

Anemia—Mga Dahilan, Sintomas, at Paggamot

“Nagkaroon ako ng anemia noong tin-edyer ako,” ang sabi ni Beth. “Matamlay ako, mabilis akong mapagod, sumasakit ang mga buto ko, at nahihirapan akong magpokus. Niresetahan ako ng doktor ng mga iron supplement. Ininom ko ’yon, at kumain ako ng masustansiyang mga pagkain. At unti-unting gumanda ang pakiramdam ko.”

Karaniwan na lang sa ngayon ang sakit ni Beth. Ayon sa World Health Organization (WHO), dalawang bilyong tao—mga 30 porsiyento ng populasyon ng mundo—ang anemic. Sa papaunlad na mga bansa, tinatayang 50 porsiyento ng mga buntis at 40 porsiyento ng mga bata sa preschool ang anemic.

Puwedeng magdulot ng ibang mga sakit ang anemia. Puwede pa nga itong mauwi sa sakit sa puso. Sa ilang bansa, “20% ng namamatay habang nagdadalang-tao” ay dahil sa anemia, ang sabi ng WHO. Ang mga sanggol na ipinapanganak ng mga nanay na may iron-deficiency anemia—ang pinakakaraniwang uri ng anemia—ay puwedeng maging kulang sa buwan at timbang. Posibleng bumagal ang paglaki ng mga batang anemic, at mas madali silang kapitan ng sakit. Pero puwedeng maiwasan o magamot ang iron-deficiency anemia.a

Ano ang Anemia?

Ang anemia ay isang sakit. Ang mga taong may anemia ay kulang ng pulang selula ng dugo, at iba-iba ang dahilan nito. Ang totoo, natuklasan ng mga siyentipiko ang mahigit 400 uri ng anemia! May anemia na gumagaling, at mayroon ding malala.

Bakit Nagkakaroon ng Anemia ang Isang Tao?

May tatlong pangunahing dahilan:

  • Nababawasan ang pulang selula ng dugo sa katawan dahil sa pagdurugo.

  • Hindi makagawa ang katawan ng sapat na pulang selula ng dugo.

  • Sinisira ng katawan ang mga pulang selula ng dugo.

Ang iron-deficiency anemia ay itinuturing na pinakakaraniwang uri ng anemia. Kapag kulang ang iron sa katawan, hindi ito makagawa ng sapat na hemoglobin, isang substansiya sa loob ng mga pulang selula ng dugo na tumutulong para makapaghatid ang mga ito ng oxygen.

Ano ang mga Sintomas ng Iron-Deficiency Anemia?

Baka hindi ganoon kalubha ang anemia sa simula. Baka nga hindi pa alam ng isang tao na mayroon siya nito. Iba-iba ang sintomas ng iron-deficiency anemia, kasama na ang sumusunod:

  • Matinding pagkapagod

  • Panlalamig ng mga kamay o paa

  • Panghihina

  • Pamumutla

  • Pananakit ng ulo at pagkahilo

  • Pananakit ng dibdib, mabilis na pagtibok ng puso, at pangangapos ng hininga

  • Marupok na kuko

  • Kawalan ng gana sa pagkain, lalo na ng mga sanggol at bata

  • Kagustuhang kumain ng yelo, starch, o kahit lupa

Sino ang Posibleng Magkaroon Nito?

Ang mga babae ay posibleng magkaroon ng iron-deficiency anemia dahil nawawalan sila ng dugo sa panahon ng pagreregla. Puwede ring magkaroon nito ang mga buntis kung ang kinakain nila ay kulang sa folate, o folic acid, na isang B vitamin.

Sanggol na ipinanganak na kulang sa buwan o timbang at hindi nakakakuha ng sapat na iron mula sa gatas ng nanay nito o sa formula milk.

Batang hindi kumakain ng masustansiyang mga pagkain.

Vegetarian na ang mga kinakain ay kulang sa iron.

May malubhang sakit, gaya ng sakit sa dugo, cancer, kidney failure, slow-bleeding ulcer, o ilang impeksiyon.

Kung Paano Gagamutin ang Anemia

Hindi lahat ng anemia ay puwedeng maiwasan o magamot. Pero ang anemia na sanhi ng kakulangan ng iron o bitamina ay kadalasan nang naiiwasan o nagagamot sa tulong ng mga pagkaing may ganitong mga sustansiya:

Iron. Makukuha sa karne, beans, lentils, at berde at madahong gulay.b Makakatulong din ang paggamit ng lutuang gawa sa iron. Ayon sa mga pag-aaral, mas napapataas nito ang iron content ng pagkain.

Folate. Makukuha sa prutas, berde at madahong gulay, green peas, kidney beans, keso, itlog, isda, almonds, at mani. Makukuha rin ito sa grain products na mayaman sa bitamina, gaya ng tinapay, cereal, pasta, at kanin. Ang synthetic form ng folate ay folic acid.

Vitamin B-12. Makukuha sa karne, dairy products, fortified cereal, at produktong gawa sa soya.

Vitamin C. Makukuha sa citrus fruit at juice, pepper, broccoli, kamatis, melon, at strawberry. Ang mga pagkaing may vitamin C ay tutulong sa katawan mo na mag-absorb ng iron.

Pinapakain ng isang buntis ang kaniyang anak ng masustansiyang pagkain at kakain din siya nito

Iba-iba ang pagkain sa bawat lugar. Kaya alamin kung anong mga pagkain sa lugar ninyo ang mayaman sa sustansiyang kailangan mo. Mahalaga iyan kung isa kang babae, lalo na kung buntis ka o nagpaplanong mag-anak. Kung aalagaan mo ang kalusugan mo, mababawasan ang tsansa na maging anemic ang baby mo.c

a Ang mga impormasyon sa artikulong ito tungkol sa dapat kainin at iba pang may kaugnayan dito ay mula sa Mayo Clinic at The Gale Encyclopedia of Nursing and Allied Health. Magpatingin sa doktor kung iniisip mong may anemia ka.

b Huwag uminom ng iron supplement at huwag ding ipainom ito sa iyong anak nang hindi kumokonsulta sa doktor. Ang sobra-sobrang iron ay puwedeng makasira sa atay at magdulot ng iba pang problema.

c Kung minsan, ang solusyon ng mga doktor sa anemia ay ang pagpapasalin ng dugo, isang paraan ng paggamot na hindi tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova.—Gawa 15:28, 29.

Ang Buhay ng Pulang Selula ng Dugo

Mga 25 trilyong pulang selula ng dugo ang ginagawa sa iyong bone marrow. Kapag napunta na ang mga ito sa daluyan ng dugo, kumukuha ang mga ito ng oxygen sa baga at dinadala iyon sa mga tissue ng katawan. Dahil maliit at flexible ang mga pulang selulang ito, nakakapasok ang mga ito sa napakaliliit na blood vessel sa katawan mo, o mga capillary. Matapos magdala ng oxygen, ina-absorb naman ng mga pulang selula ang carbon dioxide at dinadala iyon sa baga para maihinga mo palabas. Pagkatapos, kukuha ulit ng oxygen ang mga pulang selula, at magsisimula ulit ang cycle. Tumatagal ang mga pulang selula nang mga 120 araw; pagkatapos, namamatay ang mga ito sa atay. Ang ilang bahagi ng selula, gaya ng iron, ay nare-recycle.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share