“Sickle-Cell Anemia”—Kaalaman ang Pinakamainam na Depensa
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
MAY 32 katao sa loob ng silid para sa komperensiya, karamihan ay mga babae at mga bata. Ang anim-na-taóng-gulang na si Tope, na nanghihina, nakadamit ng kulay rosas, ay tahimik na naupo sa tabi ng kaniyang ina, sa isang bangko. Siya’y nakikinig habang ipinaliliwanag sa kanila ng nars kung ano ang gagawin kapag sumumpong ang kirot.
Alam ni Tope ang kirot—ang kirot na napakatindi at pabigla-bigla at tumatagal ng ilang araw bago ito humupa. Marahil ito ang kirot na nagpatanda sa kaniyang hitsura kaysa talagang edad niya.
“Siya ang panganay na anak ko,” ang sabi ng ina. “Mula pa noo’y masasakitin na siya. Kung saan-saang simbahan na ako nagpunta, at sila’y nananalangin para sa kaniya. Pero nagkakasakit pa rin siya. Sa wakas, dinala ko siya sa ospital. Sinuri nila ang dugo niya at natuklasan nilang may ‘sickle-cell anemia’ siya.”
Ano ba Ito?
Sa Center for Sickle-Cell Anemia sa Lunsod ng Benin, Nigeria, napag-alaman ng ina ni Tope na ang sickle-cell anemia ay sakit sa dugo. Salungat sa mga pamahiin, wala itong kinalaman sa pangkukulam o sa mga espiritu ng namatay. Namamana ng mga bata ang sickle-cell anemia mula sa kapuwa mga magulang. Hindi ito nakahahawa. Walang anumang paraan na mahahawa ka ng sakit mula sa ibang tao. Alin sa isinilang kang mayroon nito o wala. Napag-alaman din ng ina ni Tope na bagaman walang lunas dito, ang mga sintomas ay magagamot naman.a
Ang sickle-cell anemia ay karaniwang dumadapo sa mga Aprikano. Ganito ang sinabi ni Dr. I. U. Omoike, direktor ng Center for Sickle-Cell Anemia sa Gumising!: “Ang Nigeria ang may pinakamalaking populasyon ng mga itim sa anumang mga bansa kaya naman ito ang may pinakamaraming may sakit na sickle-cell anemia sa anumang bansa. Iyan ang nagpapangyari sa bansang ito na maging kabisera ng may sickle-cell sa daigdig.” Ayon sa Daily Times ng Lagos, halos isang milyong taga-Nigeria ang may sickle-cell anemia, at 60,000 ang namamatay taun-taon dahil dito.
Isang Sakit sa Dugo
Upang maunawaan ang sakit, kailangan nating malaman kung ano ang ginagawa ng dugo at paano ito kumikilos sa buong katawan. Isang ilustrasyon ang makatutulong. Isip-isipin ang isang bansa na nakadepende sa pagkain na nagmumula sa ibang bansa upang pakainin ang mga tao na nakatira sa mga lalawigan. Nagtutungo ang mga trak sa kabiserang lunsod, kung saan ang mga ito’y kinakargahan ng pagkain. Nililisan nito ang lunsod sa kahabaan ng malalaking haywey, subalit habang ito’y papasok sa mga lalawigan, kumikitid ang mga daanan.
Kung mabuti ang kalagayan ng lahat ng bagay, makararating ang mga trak sa kanilang destinasyon, ibaba ang kanilang pagkain, at saka babalik sa lunsod upang mangulekta ng mas maraming pagkain para sa susunod na paghahatid. Gayunman, kapag nasira ang maraming trak, mabubulok ang pagkain at mababarahan ang pagdaan ng ibang mga trak. Kaya kakaunti ang makakain ng mga tao sa mga nayon.
Sa gayunding paraan, ang mga pulang selula sa dugo ay nagtutungo sa mga baga kung saan kinukuha nito ang suplay ng oksiheno—na pagkain para sa katawan. Pagkatapos ay nililisan ng mga ito ang mga baga at mabilis na nagtutungo sa malalaking ugat sa lahat ng bahagi ng katawan. Sa wakas, ang “mga daanan” ay lumiliit nang lumiliit anupat isa-isa lamang na mga pulang selula ang makadaraan sa maliliit na ugat. Doon nito idinedeposito ang kanilang kargadang oksiheno, na siyang nagpapakain sa mga selula ng katawan.
Ang normal na pulang selula ng dugo ay bilog gaya ng isang barya at madaling nakadaraan sa pinakamaliit na ugat. Subalit sa mga taong may sickle-cell anemia, ang mga selula ng dugo ay sira. Hindi bilog ang hugis ng mga ito kundi ito’y gaya ng isang saging o isang karit (sickle)—isang kagamitan ng magsasaka. Ang hugis karit na mga selulang ito ng dugo ay bumabara sa maliliit na ugat ng katawan, gaya ng isang trak na nabalaho sa putik, anupat binarahan ang pagdaan ng iba pang pulang selula ng dugo. Kapag nabawasan ang pagdaloy ng dugo sa bahagi ng katawan, ang tustos ng oksiheno ay napuputol at nagbubunga ito ng napakatinding kirot.
Ang karaniwang sakit na sickle cell ay nagbubunga ng napakatinding kirot sa mga buto at kasu-kasuan. Hindi matiyak ang pagsumpong ng kirot; maaaring bihira ito kung sumumpong o malimit sa bawat buwan. Kapag ito’y sumumpong, nakaliligalig ito kapuwa sa bata at magulang. Si Ihunde ay isang nars na nagtatrabaho sa isang sentro para sa sakit na sickle cell. “Hindi madaling pangalagaan ang isang batang may sickle cell,” aniya. “Alam ko ito, sapagkat ganito ang sakit ng anak kong babae. Pabigla-bigla ang kirot. Sumisigaw siya at umiiyak, at napapaiyak ako. Pagkatapos lamang ng dalawa o tatlong araw, marahil pagkalipas ng isang linggo, saka huhupa ang kirot.”
Mga Sintomas
Malimit na lumitaw ang mga sintomas pagsapit ng bata sa edad na anim na buwan. Ang isa sa mga unang tanda ay ang makirot na pamamaga ng mga kamay o mga paa o pareho. Ang bata ay mag-iiiyak at hindi gaanong makakain. Ang mga puti ng mata ay naninilaw. Ang dila, labi, at mga palad ay mas maputla kaysa normal. Ang mga batang nakikitaan ng ganitong mga sintomas ay dapat dalhin sa ospital, kung saan makikita sa pagsusuri sa dugo kung ang sakit ay sickle-cell anemia.
Kapag bumara ang mga selulang tulad karit sa mga ugat, karaniwan nang kumikirot ang mga kasu-kasuan. Ang malubhang sakit ay maaari ring makahadlang sa gawain ng utak, mga baga, puso, bato, at palî—na kung minsa’y nakamamatay pa nga. Ang ulser sa binti sa bandang bukung-bukong ay maaaring tumagal ng mga taon. Ang mga bata ay nanganganib na magkombulsiyon o atakihin. Ang mga taong may sakit na sickle-cell anemia ay lalo nang madaling mahawahan ng mga sakit, yamang pinahihina ng sakit ang naturalesa ng isa. Ang impeksiyon ay karaniwang sanhi ng pagkamatay.
Mangyari pa, hindi lahat ng may sickle-cell anemia ay nagkakaroon ng lahat ng sintomas na ito. At ang ilan ay hindi nakararanas ng mga problema hanggang sa sumapit lamang sila sa dulo ng kanilang pagtitin-edyer.
Paggamot
Maraming magulang ang nagsayang ng oras at salapi sa paghahanap ng gamot na nagbibigay-kasiguruhan ng lunas sa kanilang mga anak. Subalit hanggang sa ngayon ay walang lunas para sa sickle-cell anemia; ito’y habang-buhay na sakit. Gayunman, may simpleng mga bagay na magagawa upang mabawasan ang malimit na kirot, at may mga paraan upang mabata kapag sumumpong ang mga ito.
Kapag sumumpong ang sakit, dapat painumin ng mga magulang ang kanilang anak ng maraming tubig. Sila’y maaari ring magbigay ng di-gaanong matapang na gamot na makapag-aalis ng kirot. Ang matinding sakit ay maaaring mangailangan ng mas matatapang na gamot na makukuha lamang mula sa isang doktor. Subalit, nakalulungkot naman kung minsan maging ang matatapang na gamot ay nakapagdudulot ng bahagyang kaginhawahan lamang. Gayunman, hindi kailangang mataranta. Sa halos lahat ng kaso, pagkalipas ng ilang oras o araw, ang kirot ay humuhupa at gumagaling muli ang maysakit.
Sinasaliksik ng mga siyentipiko ang gamot upang malunasan ang sakit. Halimbawa, noong pasimula ng 1995, ipinahayag ng National Heart, Lung, and Blood Institute sa Estados Unidos na ang gamot na hydroxyurea ay nakababawa nang kalahati sa malimit na matinding kirot na nararanasan ng mga may sakit na sickle cell. Ipinalalagay na sa paggawa ng gayon ay maiiwasang mabago ang hugis ng mga pulang selula ng dugo at magbara sa mga ugat.
Ang gayong mga gamot ay hindi basta nakukuha saanman, ni ang mga ito’y nakatutulong sa bawat kalagayan. At sa kabila ng batid nang mga panganib, karaniwang nagsasagawa ng pagsasalin ng dugo ang mga doktor sa Aprika at saanman upang gamutin ang mga pasyenteng may sakit na sickle-cell sa mga gipit na kalagayan.
Pag-iingat sa Sakit
“Sinasabi namin sa mga pasyente na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang kirot,” sabi ni Alumona, isang tagapayo sa henetiko sa sentro para sa sickle-cell. “Ginagawang mas madali ng tubig na dumaloy ang dugo sa mga ugat sa katawan. Ang mga adulto na may sickle-cell anemia ay dapat na uminom ng dalawa hanggang tatlong litro ng tubig araw-araw. Mangyari pa, mas kaunti ang iinumin ng mga bata. Tinuturuan namin ang mga batang may sickle-cell anemia na magdala ng mga bote ng tubig sa paaralan. Dapat maunawaan ng mga guro na ang mga batang ito’y malimit na magpapaalam upang magtungo sa palikuran. Dapat malaman ng mga magulang na ang mga batang ito’y maaaring malimit na umihi sa kama kaysa mga batang walang sakit.”
Yamang ang sakit ay maaaring maging sanhi ng mas malubhang karamdaman, ang mga may sakit ng sickle-cell anemia ay dapat na magsikap na mabuti upang mapanatili ang mabuting kalusugan. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pananatiling malinis sa katawan, ng pag-iwas sa matagal at mabigat na gawain, at ng pagkain ng timbang na mabuting pagkain. Inirerekomenda rin ng mga doktor na ang diyeta ay dapat samahan ng multivitamins at folic acid.
Sa mga lugar kung saan pangkaraniwan ang malarya, makabubuting ingatan ng mga maysakit na sickle-cell anemia ang kanilang mga sarili, kapuwa sa pag-iwas sa kagat ng lamok at sa pag-inom ng gamot upang labanan ang sakit. Yamang sinisira ng malarya ang mga pulang selula ng dugo, ito’y lalo nang mapanganib sa isang tao na may sickle-cell anemia.
Ang mga maysakit ng sickle-cell anemia ay dapat na regular na magpatingin. Ang anumang impeksiyon, sakit, o pinsala ay dapat na gamutin agad. Sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga tagubiling ito, posible para sa maraming may sickle-cell anemia na makapamuhay nang normal at maligayang buhay.
Kung Paano Ito Naipapasa sa mga Anak
Upang maunawaan kung paano naipapasa ang sakit mula sa mga magulang tungo sa kanilang mga anak, kailangan nating malaman ang tungkol sa mga blood genotype. Ang genotype ng dugo ay kakaiba mula sa ibang grupo ng dugo; ang genotype ay may kinalaman sa mga gene. Karamihan sa mga tao ay may genotype na dugo na tinatawag na AA. Yaong mga nakamana ng A na gene mula sa isang magulang at S na gene mula sa isa pang magulang ay magkakaroon ng AS blood genotype. Ang mga taong may dugong AS ay walang sickle-cell anemia, subalit maaari nilang ipasa ang sakit na ito sa kanilang anak. Ang mga taong nakamana ng S na gene mula sa isang magulang at S na gene sa isa pang magulang ay may dugong SS genotype, ang genotype ng sickle-cell anemia.
Sa gayon, upang manahin ng isang bata ang dugong SS-type, dapat niyang manahin ang may diperensiyang S na gene mula sa bawat magulang. Kung paanong kailangan ang dalawang tao upang makabuo ng sanggol, dalawang tao rin ang makapagpapasa ng sickle-cell anemia. Karaniwan na, ang sakit ay naipapasa kapag ang kapuwa mga magulang ay may dugong AS-type. Kapag ang isang taong may dugong AS-type ay nagpakasal sa isang tao na may dugong AS-type, may tsansa na 1 sa 4 na magkaroon ng dugong SS-type ang sinumang anak na isisilang nila.
Hindi ibig sabihin nito na kung sila’y may apat na anak, isa ang magkakaroon ng sickle-cell anemia at ang tatlo ay hindi magkakaroon. Bagaman maaaring ang isa sa apat ay SS, maaaring mangyari na ang dalawa, o tatlo, o maging ang lahat ng apat na ito’y SS. Maaari rin namang wala ni isang anak ang may dugong SS.
May Kabatirang mga Pasiya Bago ang Pag-aasawa
Makabubuting alamin ng mga taong mula sa angkang Aprikano kung ano ang kanilang blood genotype bago man nila pag-isipan ang pag-aasawa. Ito’y maaaring gawin sa pamamagitan ng pagpapasuri ng dugo. Ang mga taong may dugong AA ay makatitiyak na hindi sila magkakaroon ng mga anak na may sickle-cell anemia, sinuman ang kanilang mapangasawa. Dapat maunawaan ng mga taong may dugong AS na kung sila’y makapag-asawa sa isang tao na may dugong AS din, malaki ang panganib nilang magkaroon ng anak na may sickle-cell anemia.
Bagaman maraming doktor ang tututol sa pag-aasawa ng isang may AS sa isa pang may AS, hinahayaan ng mga tagapayo sa sentro para sa sickle-cell na ang mga tao ang magpasiya. Ganito ang sabi ni Dr. Omoike: “Ang aming trabaho ay hindi upang takutin ang mga tao o sabihin sa kanila kung sino ang dapat o hindi nila dapat pakasalan. Walang sinuman ang makahuhula nang tiyak na ang mga anak na isinilang ng mag-asawang may dugong AS ay magkakaroon ng dugong SS, yamang ang bagay na iyon ay tsansa lamang. Kahit na magkaroon pa sila ng anak na may dugong SS, maaaring mabata ng bata ang sakit na walang gaanong mga problema. Subalit ibig namin na alamin ng mga tao ang kanilang genotype. At sinisikap naming patiunang tulungan ang mga tao na magkaroon ng kabatiran kung ano ang maaaring mangyari upang kung magkaroon man sila ng mga anak na may dugong SS, hindi na ito nakabibigla. Sa paraang iyan, sila’y nasa kalagayang hindi lamang makapagpapasiya salig sa pagkaalam sa mga totoong bagay kundi maihahanda rin naman nila ang kanilang mga isip upang tanggapin ang mga kahihinatnan ng mga pagpapasiyang iyon.”
[Talababa]
a Ang iba pang namamanang sakit na sickle-cell na nakaaapekto sa kakayahan ng dugo na magdala ng oksiheno ay ang sakit na sickle-cell hemoglobin C at ang sickle beta thalassemia.
[Kahon sa pahina 24]
Ang Kahalagahan ng Pag-ibig
Si Joy, na ngayo’y nasa maagang edad niyang 20, ay pinahihirapan ng sickle-cell anemia. Yamang siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi siya kailanman tumanggap ng pagsasalin ng dugo. Ganito ang sabi ng kaniyang ina, si Ola: “Lagi kong tinitiyak na may mabuting pagkain si Joy upang makatulong sa pagbuti ng kaniyang dugo. Sa palagay ko’y malaki ang magagawa ng isang mapagmahal na pangangalaga ng isang magulang. Ang buhay niya, tulad ng lahat ng aking mga anak, ay napakahalaga para sa akin. Mangyari pa, lahat ng anak ay nangangailangan ng pag-ibig, pero lalo nang nangangailangan ng higit na pagmamahal yaong nakikipagpunyagi sa karamdaman!”
[Mga larawan sa pahina 23]
Si Tope ay may hugis karit na mga selula, gaya ng ipinakikita ng mga tunod
[Credit Line]
Sickle cell: Image #1164 mula sa American Society of Hematology Slide Bank. Ginamit na may pahintulot