-
RomaTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
huwag na kayong magpahubog: Ang salitang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “magpahubog sa isang parisan o molde.” Sa pakikipag-usap ni Pablo sa kapuwa niya mga pinahirang Kristiyano, gumamit siya ng pandiwang Griego na nasa panahunang nagpapakita na kailangang ihinto ang isang bagay na nangyayari na. Ipinapahiwatig ng pananalitang ito na may ilan sa kongregasyon sa Roma na naiimpluwensiyahan pa rin ng sistema noon. (Ro 1:7) Sa mga Kristiyano sa Roma nang panahong iyon, mga 56 C.E., ang sistema ay tumutukoy sa mga pamantayan, kaugalian, paggawi, at istilo na karaniwan sa mga Romano.—Tingnan ang study note sa sistemang ito sa talatang ito.
sistemang ito: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na pangunahin nang nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa mga pamantayan, paggawi, kaugalian, pamamaraan, pananaw, istilo, at iba pang pagkakakilanlan ng isang partikular na yugto ng panahon.—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip: Ang pandiwang Griego para sa “magbagong-anyo” ay me·ta·mor·phoʹo. (Maraming wika ang may terminong “metamorphosis,” na galing sa salitang Griego na ito.) Ang salitang Griego dito para sa “pag-iisip” ay pangunahin nang tumutukoy sa kakayahang mag-isip, pero puwede rin itong tumukoy sa takbo ng isip ng isang tao o sa saloobin niya. Kaya ang ekspresyong “pagbabago ng . . . pag-iisip” ay tumutukoy sa pagbabago ng takbo ng isip, saloobin, ugali, at damdamin. Ang paggamit dito ng pandiwa na isinaling “magbagong-anyo” ay nagpapakitang napakalaki ng pagbabagong ito. Ito rin ang pandiwang ginamit sa Mat 17:2 at Mar 9:2, kung saan sinabing si Jesus ay ‘nagbago ng anyo.’ (Tingnan ang study note sa Mat 17:2.) Lubusan ang pagbabagong ito, hindi lang panlabas, dahil nasabing “naitatag na ang Kaharian ng Diyos” nang mangyari ang ganitong pagbabago kay Jesus, ang inatasang Hari nito sa hinaharap. (Mar 9:1, 2) Ginamit din ang salitang Griego na ito sa 2Co 3:18 para sa pagbabagong nararanasan ng mga pinahirang Kristiyano. Kaya nang payuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na magbago ng pag-iisip, idiniriin niya ang isang patuluyang pagbabago hanggang sa lubusang mabago ang takbo ng isip nila at maging kaayon ng mga kaisipan ng Diyos.
mapatunayan ninyo sa inyong sarili: Ang terminong Griego na ginamit dito, do·ki·maʹzo, ay nangangahulugang “subukin para mapatunayan,” na kadalasan nang positibo ang resulta. Sa katunayan, ang terminong ito ay isinaling “sinasang-ayunan” o “karapat-dapat” sa ilang konteksto. (Ro 2:18; 1Co 11:28) Sa ilang bersiyon, isinasalin itong “tiyakin; alamin.” Kaya nagpapayo dito si Pablo na huwag lang basta manampalataya nang walang basehan o kaya naman ay magduda. Sa halip, pinapasigla niya ang mga Kristiyano na subukin, sa positibong paraan, ang mga kahilingan ng Diyos para maintindihan ito, maisabuhay, at makinabang sa pagsunod dito. Sa gayon, mapapatunayan ng isang Kristiyano sa kaniyang sarili na ang paggawa ng “kalooban ng Diyos” ang pinakatamang gawin.
-