-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 9Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso: O “Ibigay ng bawat isa kung ano ang ipinasiya niya sa kaniyang puso.” Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangang Kristiyano sa Judea, naniniwala siya na gusto talagang tumulong ng mga Kristiyano sa Corinto. (2Co 8:4, 6, 10; 9:1, 2) Ngayon, kailangan na nilang ipakita sa gawa ang kagustuhan nilang tumulong. (2Co 9:3-5) Ayaw silang pilitin ni Pablo dahil hindi ‘masayang magbigay’ kapag pinilit lang. Nagtitiwala si Pablo na ipinasiya na nilang magbigay. Ang salitang Griego dito na puwedeng isaling “ipinasiya” ay nangangahulugang “magdesisyon nang patiuna.” Kaya idiniriin dito ni Pablo na nagbibigay ang isang tunay na Kristiyano pagkatapos niyang mapag-isipan nang patiuna kung ano ang pangangailangan ng mga kapananampalataya niya at kung paano siya makakatulong.
mabigat sa loob: O “nag-aalangan.” Ang ekspresyong Griego na isinaling “mabigat sa loob” ay literal na nangangahulugang “malungkot (nagdadalamhati).”
napipilitan: Ang ekspresyong Griego para sa “napipilitan” ay nangangahulugang “dahil sa pangangailangan” o “dahil pinuwersa.” Hindi magiging masaya ang nagbigay kung pinilit lang siya o pinuwersa. Kaya ipinakita ni Pablo na sa kongregasyong Kristiyano noon, boluntaryo ang pagbibigay.—Ihambing ang Deu 15:10.
mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay: Talagang natutuwa ang Diyos sa isang Kristiyanong nagbibigay nang may tamang motibo para suportahan ang tunay na pagsamba o tulungan ang kapananampalataya niya. Nagiging tunay na masaya ang isang tao dahil nakakapagbigay siya. Makikita sa buong kasaysayan na naging masaya ang bayan ng Diyos dahil sa pagbibigay ng kanilang sarili at anumang mayroon sila para suportahan ang pagsamba kay Jehova. Halimbawa, masayang sumuporta sa pagtatayo ng tabernakulo ang mga Israelita noong panahon ni Moises. “Bukal sa puso” silang nagbigay ng ginto, pilak, kahoy, lino, at iba pa bilang “abuloy para kay Jehova.” (Exo 35:4-35; 36:4-7) Pagkalipas ng daan-daang taon, nagbigay ng napakalaking kontribusyon si Haring David, pati na ang matataas na opisyal, mga pinuno, at iba pa para sa templo ni Jehova na itatayo ng anak ni David na si Solomon.—1Cr 29:3-9.
-