-
Mga Study Note sa 2 Tesalonica—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
magkakaroon muna ng apostasya: Nalinlang ang ilang Kristiyano sa Tesalonica may kinalaman sa “presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo” at “araw ni Jehova.” Kaya ipinaalala sa kanila ni Pablo ang dalawang pangyayari na kailangan munang maganap: (1) Magkakaroon ng apostasya (tingnan ang study note sa apostasya sa talatang ito) at (2) masisiwalat ang “napakasamang tao.” (2Te 2:1-3) Ang inihula ni Pablo tungkol sa paglaganap ng apostasya sa kongregasyong Kristiyano ay kaayon ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at panirang-damo. (Mat 13:24-30, 36-43) Nagbabala si Pablo na makakapasok ang mga apostata sa kongregasyon; ganiyan din ang sinabi ni apostol Pedro nang maglaon.—Gaw 20:29, 30; 1Ti 4:1-3; 2Ti 4:3, 4; 2Pe 2:1-3.
apostasya: Ang pangngalang Griego na a·po·sta·siʹa na ginamit dito ay galing sa isang pandiwa na literal na nangangahulugang “lumayo.” Ang pangngalan ay puwedeng mangahulugan na “paghiwalay; pag-iwan; pagrerebelde.” Kaya hindi ito tumutukoy sa nangyayari sa isa na napalayo sa katotohanan dahil sa mahinang espirituwalidad o pagdududa. (Tingnan ang study note sa Gaw 21:21.) Sa klasikal na Griego, ginagamit ang pangngalang ito para tumukoy sa pagrerebelde sa gobyerno. Sa kontekstong ito, ginamit ni Pablo ang salitang “apostasya” para tumukoy sa pagrerebelde sa Diyos na magiging laganap bago dumating ang “araw ni Jehova.” (2Te 2:2) Ito ay sadyang pagtalikod sa tunay na pagsamba at paglilingkod sa Diyos.—Tingnan sa Glosari, “Apostasya.”
napakasamang tao: Ang salitang Griego na isinalin ditong ‘napakasama’ ay tumutukoy sa sadyang paglabag sa mga batas. Sa Bibliya, nagpapahiwatig ito ng pagsuway sa mga batas ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mat 24:12.) Sa talatang ito, ipinakita ni Pablo na ang “napakasamang tao” ay apostata. Problema noon ang apostasya sa maraming kongregasyon, kaya lumilitaw na ang “napakasamang tao” dito ay hindi lang tumutukoy sa isang indibidwal, kundi sa isang mapanganib na grupo ng huwad na mga Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:8.) Inihula din ni Pablo na masisiwalat kung sino ang ‘taong’ ito—ilalantad ng grupong ito kung sino sila. (Tingnan ang study note sa 2Te 2:7.) Sa ilang salin ng Bibliya, “makasalanang tao” ang ginamit, gaya ng mababasa sa ilang manuskrito. Pero ang saling “napakasamang tao” ay batay sa mas lumang mga manuskrito. Kaayon din ng konteksto ang saling ito; sa sumunod lang na mga talata, binanggit ni Pablo na nagsisimula na nang palihim ang “kasamaan” ng taong ito at tinukoy niya ito na “napakasamang tao.”—2Te 2:7, 8.
anak ng pagkapuksa: Ang ekspresyong ito, na puwede ring isaling “anak ng pagkalipol,” ay ginamit para tumukoy sa nagtraidor kay Jesus, si Hudas Iscariote. (Tingnan ang study note sa Ju 17:12.) Kaya ipinapakita dito ni Pablo na ang “napakasamang tao” na binanggit niya ay tatanggap ng walang-hanggang pagkapuksa, gaya ng nangyari sa traidor na si Hudas.
-