Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 12/8 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Lason sa Hangin
  • Paggamot na Pangkaligtasan
  • Maigting na mga Kabataan
  • Droga: Mga Sanggol, Tin-edyer, at Krimen
  • ‘Nauukol kay Jehova’
  • Pinakamagaling na Kanlungan
  • Masisipag na Suiso
  • “Fetal ‘Soap’ Addiction”
  • Kung Paanong ang Bawal na Droga ay Nakaaapekto sa Iyong Buhay
    Gumising!—1999
  • Droga—Mapanganib at Nakamamatay
    Gumising!—1988
  • Droga—Sumisidhi ang Problema
    Gumising!—1988
  • Mapagtatagumpayan ba ang Pakikipagbaka sa Droga?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 12/8 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

Lason sa Hangin

Sinuri ng Tanggapan ng Kalusugan ng Pederal na Alemanya ang 3,000 tahanan at narating ang isang “nakatatakot” na konklusyon. “Sa salas man, sa banyo, o sa kusina​—may lason sa hangin!” ulat ng pahayagang Aleman na Hamburger Abendblatt. Ang nakapipinsalang mga bagay ay nagkukubli sa alabok, pintura, wallpaper, mga radyetor, sapin sa sahig, mga panlinis, mga isprey, kosmetiks, at mga muwebles na yari sa chipboard. Inirirekomenda ng mga dalubhasa ang mabuting bentelasyon sa bahay, paggamit ng hindi gaanong nakapipinsalang mga produkto sa pagtatayo, at pagkilos sa likas na gawi ng inyong ilong bilang isang ‘aparatong nagbababala nang maaga​—kung ito’y humuhudyat, mag-ingat!’

Paggamot na Pangkaligtasan

Sa isang pagsisikap na iligtas ang milyun-milyong mga aklat na nasa Aklatang Britano, ang mga mananaliksik sa University of Surrey ay nakagawa ng “isang paraan upang gamutin nang maramihan ang mga aklat upang patibayin ang papel at ingatan laban sa panghinaharap na pinsala mula sa asidong” pagkapiraso, ulat ng The Independent ng London. Tinatawag na graft-polymerization, ang proseso ay isang “paraan ng pagsasama ng malambot na bagong tulad-plastik na mga molekula sa malutong na mga himaymay na bumubuo sa isang pilyego ng papel.” Ang dating mga paraan ng paggamot ay nangailangan na ang mga aklat ay gamutin nang isahan sa halagang £50. Gayunman, sa pamamagitan ng bagong paraang ito, inaasahan ng mga mananaliksik na gamutin ang hanggang 200,000 aklat sa bawat taon sa halagang £6 lamang ang bawat aklat.

Maigting na mga Kabataan

Sa nakalipas na mahigit na sampung taon, ang bilang ng mga batang nagkakaroon ng ulser sa Hapón ay dumarami. Sang-ayon sa pahayagang Mainichi Shimbun, ang pagdami ay lalo nang kapuna-puna sa gitna na mga batang wala pang sampung taóng gulang. Ang dahilan? Si Akio Tsunoda, direktor ng Kanagawa Child Medical Center, ay nagsasabi na marami sa mga ulser ay malamang na dahil sa kaigtingan. Iniulat na isang apat-na-taóng-gulang na batang lalaki ay nagkaroon ng ulser nang siya ay piliting isaulo ang 1,200 letrang Intsik. Ang ulser sa tiyan ng isang batang babae na limang-taóng-gulang ay gumaling nang siya ay tumigil sa mga leksiyon sa piyano at sa mga klase sa cram-school. Bagaman ang gayong ekstrakurikular na mga gawain, mga suliraning pampamilya, at “panliligalig sa paaralan” ay binanggit na posibleng mga sanhi, napansin ng mga mananaliksik na ang ilang mga kaso ay nananatiling hindi maipaliwanag.

Droga: Mga Sanggol, Tin-edyer, at Krimen

● Ang mga mananaliksik ay nagbababala ngayon tungkol sa “isang epidemya ng napinsalang mga sanggol, ang ilan ay maaaring mapinsala sa buong buhay nila sapagkat ang kanilang mga ina ay gumamit ng cocaine kahit na sandali lamang noong panahon ng pagdadalang-tao,” ulat ng The New York Times. Ang ilan sa malubhang mga epekto ay nangyayari kapag ang droga ay ginamit sa unang tatlong buwan ng pagdadalang-tao, kadalasan na bago malaman ng ina na siya ay nagdadalang-tao. Kahit na ang isang paggamit lamang ng cocaine ay maaaring magdulot ng nagtatagal na pinsala sa ipinagbubuntis na sanggol sapagkat ang isang kakambal na produkto ng droga, ang norcocaine, ay nananatili sa amniotic fluid at paulit-ulit na hinahampas ang lumalaking bata. “Maaaring kabilang sa mga epekto ang napigil na paglaki, matitigas na bisig, sobrang magagalitin, hilig na huminto sa paghinga na may mataas na panganib ng kamatayan sa kuna, at, sa malalang mga kaso, dispormadong mga sangkap sa ari at sa pag-ihi, nawawalang maliit na bituka at mga atake serebral at atake,” sabi ng Times. Ipinakikita ng isang surbey sa 36 na mga ospital sa E.U. na kasindami ng 11 porsiyento ng mga babaing nagdadalang-tao ay inilalantad ang kanilang di pa isinisilang na mga anak sa ipinagbabawal na droga.

● Pinatunayan ng isang malawak na walong-taóng pag-aaral ng dalawang propesor sa sikolohiya sa University of California na ang malakas na paggamit ng droga ng mga tin-edyer ay tuwirang nauuwi sa maraming problema kapag sila’y naging mga adulto. “Ang mga kabataang nagmamalabis sa droga ay mas mabilis magdiborsiyo, dumaranas ng higit na kawalang-katatagan sa trabaho, gumagawa ng mas grabeng mga krimen at karaniwan nang mas hindi maligaya sa kanilang personal na mga buhay at mga kaugnayan,” sabi ni Michael Newcomb, kasamang-autor ng pag-aaral. Bagaman walang paraan upang alamin kung aling kabataan na nagsisimulang mag-eksperimento sa droga ang magiging malakas na gumagamit ng droga, “sinasabi ng mga mananaliksik na ang kasaysayan ng pamilya tungkol sa alkoholismo at ang hindi pagiging malapit ng magulang at anak ay maaaring maging nagbababalang mga tanda,” sabi ng magasing U.S.News & World Report. “Dapat na subaybayang mabuti ng mga magulang ang pag-uugali ng kanilang mga anak at maghatid ng walang pagbabagong mensahe sa kanila sa pamamagitan ng hindi nila mismo pag-abuso sa droga o alkohol.”

● “Ang kaugnayan sa pagitan ng paggamit ng droga at krimen ay lubhang tumaas sa loob ng 12-taon na nagwakas noong 1986,” sabi ng The New York Times, nagkukomento tungkol sa isang report ng Kagawaran ng Katarungan ng E.U. na Bureau of Justice Statistics. “Halos 35 porsiyento ng mga bilanggo sa mga piitan ng estado sa buong bansa noong 1986 ay nasa ilalim ng impluwensiya ng isang ipinagbabawal na droga nang nagawa nila ang mga krimen na humantong sa pagkakulong nila.” Labindalawang taon na mas maaga, 25 porsiyento ang nakagawa ng krimen habang nasa ilalim ng impluwensiya ng droga. Nasumpungan din ng surbey na mga 60 porsiyento niyaong regular na nagmamalabis sa matapang na mga droga ay hindi ginawa iyon kundi hanggang pagkatapos ng kanilang unang pagkaaresto. Karagdagan pa, 13 porsiyento ng mga bilanggo ay nakagawa ng krimen na gaya ng panloloob, pagnanakaw, at pang-uumit unang-una upang tustusan ang kanilang pagkasugapa sa droga. Sa lahat, halos 50 porsiyento niyaong nasa piitan dahil sa gayong mga pagkakasala ay gumagamit ng isang ipinagbabawal na droga araw-araw.

‘Nauukol kay Jehova’

Ang Museo ng Israel sa Jerusalem ay mayroong isang bagong displey: isang sinlaki-ng-hinlalaking bunga ng granada na yari sa garing na sinasabing mula sa templo ni Haring Solomon. “Ang isang relikya na lumitaw sa Jerusalem nitong linggong ito ay ang tanging nakaligtas na patotoo sa maluwalhating templo ng Israel,” sabi ng museo noong nakaraang Agosto. Ang kulay-kremang bunga ng granada ay may nakaukit na mga salita sa sinaunang Hebreo: “Nauukol sa Templo ni Jehova, banal sa mga saserdote.”

Pinakamagaling na Kanlungan

Isang di-inaasahang resulta ng paghahati sa Korea sa dalawa ay ang paglikha ng isang kanlungan para sa maiilap na hayop sa DMZ (demilitarisadong sona). Bagaman kung minsan ang mga sundalo ay nagtutungo sa apat-na-kilometrong-lapad na piraso ng lupa na ito na umaabot sa ibayo ng bansa, ang pangangaso ay mahigpit na ipinagbabawal. “Napakaigting na kapaligiran,” sabi ng kolumnistang si S. Chang ng Daily Yomiuri ng Hapón, “anupa’t kahit na ang isang pagputok ng baril sa isang ligaw na hayop o ibon ay maaaring pagmulan ng isang pagbabarilan mula sa sampu-sampung libong mga sundalong nasa magkabilang panig.” Ang resulta ay isang tahimik na lupain kung saan nananagana ang kalikasan. Sa partikular, ang mga baboy-damo, usa, badgers, at sari-saring ibon at mga isda sa tubig-tabang ay dumarami. Ang mga ibong nandarayuhan ay nagsasama-sama rito, at kahit na ang mga uring nanganganib na malipol ay nakasumpong ng kanlungan. Palibhasa may dalawang malalakas na hukbo na nagtataboy sa mga tao, ang matatalinong nilikhang ito ay nakasumpong ng sa kasalukuyan ay isa sa pinakaligtas na tirahan ng maiilap na hayop sa daigdig.

Masisipag na Suiso

Bagaman ang mga tao sa kalapit na mga bansa ay gumagawa ng paraan upang pababain ang edad na pagriretiro at bawasan ang haba ng trabaho sa sanlinggo, pinagtibay ng mga Suiso ang kanilang reputasyon sa pagiging masisipag na tao. Papaano? Sa isang pambansang reperendum kamakailan, sila ay bumoto na huwag babaan ang edad ng pagriretiro mula 65 tungo sa 62 para sa mga lalaki at mula 62 tungo sa 60 para sa mga babae. Sa isang naunang reperendum, sila ay tumangging bawasan ang kanilang trabaho sa sanlinggo tungo sa 40 oras, tinatanggihan pa nga ang karagdagang ikalimang linggo ng bayad na bakasyon.

“Fetal ‘Soap’ Addiction”

Sa isang labas kamakailan ng Lancet, isang Britanong medikal na babasahin, iniulat ng Irlandes na mananaliksik sa medisina na si Peter Hepper ang tungkol sa isang huwaran ng paggawi na napansin niya sa gitna ng mga bagong silang na sanggol sa isang pag-aaral na inilarawan niya na “fetal ‘soap’ addiction.” Sa isang liham sa editor ng babasahing iyon, ulat ng Los Angeles Times, sinasabi ni Hepper na ang mga sanggol ng mga babaing regular na nanood ng isang dramang de serye sa telebisyon sa panahon ng pagdadalang-tao ay kaagad na tumugon sa unang mga tuludtod ng paksang awit ng dramang de serye sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa iskrin ng TV bilang ang pinagmumulan ng tunog.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share