Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mapagtatagumpayan ang Labis na Pagkabahala sa Aking Timbang?
“Ang pinakamalaking suliranin ko sa buhay ay kung lalagyan ko o hindi ng mayonnaise ang aking sandwich. Paano pa ako makapagtutuon ng pansin sa anumang bagay kapag labis akong nababahala tungkol sa mayonnaise? Ang huling pasiya? Walang mayonnaise—napakarami nitong kalori. Nanalo na naman ang anorexia. Natalo ako.”—Jaimee.
MILYUN-MILYONG kabataan ang pinahihirapan ng mga sakit na nauugnay sa pagkain.a Marami ang nagsimula na wala namang intensiyong gutumin ang kanilang sarili (anorexia) o makagawian ang pagpapakalabis sa pagkain at saka pagpupurga (bulimia). Sa kabaligtaran, marami ang nagsimula na ang tunguhin lamang ay mabawasan ng ilang libra ang kanilang timbang. Subalit bago nila ito namalayan, nasilo na sila sa isang kakatwang siklo ng pagpapakagutom o pagpapakalabis. “Sinimulan ko ang buong diyetang ito upang kontrolin ang aking timbang, pero ngayon, ito na ang kumukontrol sa akin,” sabi ni Jaimee.
Kung matuklasan mong labis kang nababahala sa pagkain at sa epekto nito sa iyong timbang, ano ang maaari mong gawin? Una, tantuin na maraming iba pang kabataan ang nakipagpunyagi sa mga sakit na nauugnay sa pagkain at sila’y nagwagi! Pero paano?
Pagharap sa Salamin
Ang isang pangunahing hakbang upang magwagi sa pakikipagpunyagi sa sakit na nauugnay sa pagkain ay ang tanggapin mo kung ano ang iyong hitsura. “Karamihan sa mga taong may sakit na nauugnay sa pagkain ay may pilipit na pangmalas sa sarili,” sabi ng aklat na Changing Bodies, Changing Lives. “Hindi makatotohanan ang pangmalas nila sa kanilang sarili at labis nilang pinipintasan ang kanilang sarili, lalo na ang kanilang hitsura.”
Sa katunayan, ibinabatay ng ilang tin-edyer ang buong pangmalas nila sa sarili sa kanilang pisikal na kaanyuan; anumang depekto ay itinuturing na kapahamakan. “Napakataba ko at hindi ko ito matatanggap,” sabi ng 17-anyos na si Vicki. “Ang laki ng baywang ko anupat hindi ako makapagsuot nang nakaparagán.” Kahit na nabawasan na siya ng 20 libra, hindi pa rin nakontento si Vicki. Alinman sa ayaw niyang kumain o nagpapakabusog siya at saka isinusuka ang kinain niya.
Tiyak, hindi naman mali na kahit paano’y mabahala ka sa iyong hitsura. Hinggil dito, kawili-wiling pansinin na pinupuri ng Bibliya ang pisikal na anyo at hitsura ng ilang babae at lalaki, kasali na sina Sara, Raquel, Jose, David, at Abigail.b Binabanggit pa nga ng Bibliya na ang tagapag-alaga ni David na si Abishag ay “sukdulan sa ganda.”—1 Hari 1:4.
Pagpapakilala sa Tunay na Kagandahan
Gayunpaman, hindi pangunahing idiniriin ng Bibliya ang pisikal na anyo o hubog ng katawan ng isa. Sa halip, pinupuri nito “ang lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:4) Ang panloob na pagkatao ang siyang nagpapaganda o nagpapapangit sa isa sa paningin ng Diyos at ng mga tao.—Kawikaan 11:20, 22.
Tingnan ang anak ni Haring David na si Absalom. Sinasabi ng Bibliya: “Napatunayang sa buong Israel ay walang tao na pinakapupuri dahil sa kagandahan. Mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo ay napatunayang wala siyang depekto.” (2 Samuel 14:25) Gayunman, ang kabataang ito ay taksil. Pagmamapuri at ambisyon ang nag-udyok sa kaniya upang sikaping palitan ang haring hinirang ni Jehova. Kaya naman hindi magandang larawan ni Absalom ang iginuguhit ng Bibliya kundi inilalarawan siya nito bilang isang taong walang-kahihiyan, di-tapat at nagtataglay ng nakamamatay na poot.
Ang tunay na kagandahan, o kakisigan, ng isang tao ay hindi batay sa pisikal na anyo. May mabuting dahilan na sinabi ng Bibliya: “Magtamo ka ng karunungan; at sa lahat mong tatamuhin, magtamo ka ng kaunawaan. Ito’y magbibigay sa iyong ulo ng putong ng panghalina; isang korona ng kagandahan ang igagawad nito sa iyo.”—Kawikaan 4:7, 9.
Subalit totoo, ang mga sakit na nauugnay sa pagkain ay kadalasang udyok lalo na ng pagkadi-kontento sa hitsura ng isa. Sabi ng isang reperensiya: “Ang mga taong labis na nababahala sa pagkain at nasisilo ng mga sakit na nauugnay sa pagkain gaya ng anorexia nervosa, bulimia, at labis na pagkain, ay karaniwan nang may mababang pagtingin sa sarili—hindi nila gaanong pinahahalagahan ang sarili at nakadaramang hindi rin sila pinahahalagahan ng iba.”
May ilang dahilan ng mababang pagtingin sa sarili. Halimbawa, sa pasimula ng pagbibinata’t pagdadalaga ay maaaring makadama ka ng matinding kawalang-katiyakan—lalo na kung nauna kang magbinata o magdalaga sa iyong mga kaedad. Gayundin, ang ilang kabataan ay lumaki sa mga tahanan na palaging may gulo, marahil mayroon pa ngang pisikal o seksuwal na pang-aabuso. Anuman ang dahilan, karaniwan nang kailangan sa paggaling ang pagkilala sa anumang bagay na gumagatong sa iyo para madama mong wala kang halaga. Nangangahulugan ito ng pag-unawa sa iyong tunay na halaga bilang isang tao. Tiyak, ang lahat sa paano man ay may ilang kapuri-puring mga katangian. (Ihambing ang 1 Corinto 12:14-18.) Totoo, maaaring hindi mo makita ang mga ito sa iyong sarili, ngunit maaaring ituro ito sa iyo ng isang may-gulang na kaibigan.
Pero paano kung talagang kailangan mong magbawas ng timbang para sa makatuwirang kadahilanan may kinalaman sa kalusugan? Inirerekomenda ng Bibliya na tayo’y maging “katamtaman sa mga kinaugalian.” (1 Timoteo 3:11) Kaya naman, pinakamabuting iwasan ang mga kalabisan sa pagdidiyeta o ang pagiging biktima ng mga paraan sa mabilisang pagpapayat. Marahil ang pinakamabisang paraan upang mabawasan ang di-kinakailangang timbang ay ang pagkain ng masustansiyang pagkain at sapat na pag-eehersisyo. “Gaya sa maraming iba pang bagay,” sabi ng magasing FDA Consumer, “may tamang paraan at maling paraan sa pagpapayat. Ang maling paraan ay ang hindi pagkain, pagpapasiyang huwag kumain ng anuman maliban sa diyetang tinapay at tubig, pag-inom ng mga pildoras sa pagdidiyeta, o pagpilit sa iyong sarili na sumuka.”
Mabisa Kung Ipagtatapat sa Iba
Inihambing ng social worker na si Nancy Kolodny ang pagkakaroon ng sakit na nauugnay sa pagkain sa “pagpasok sa isang pasikut-sikot na lagusan nang nag-iisa, nang walang mapa o kompas, anupat di-nakatitiyak sa kinaroroonan ng mga labasan, at di-nakatitiyak kung kailan o kung makalalabas ka pa. . . . Habang lalo kang nagtatagal doon, lalo kang nalilito at nasisiphayo habang sinisikap mong makalabas doon.” Samakatuwid, kung mayroon kang mga sintomas ng anorexia o bulimia, kailangan mong humingi ng tulong. Hindi ka makalalabas sa “pasikut-sikot na lagusan” nang sa ganang sarili mo lamang. Kaya ipagtapat mo sa isang magulang o sa isang pinagkakatiwalaang nasa hustong gulang na. Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tunay na kasama ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kagipitan.”—Kawikaan 17:17.
Marami sa mga Saksi ni Jehova ang nakasumpong ng gayong mapagkakatiwalaang mga kasama sa gitna ng matatanda sa kongregasyong Kristiyano. Sabihin pa, ang matatanda ay hindi naman mga manggagamot, at hindi mahahalinhan ng kanilang tulong ang pangangailangang magpagamot. Gayunman, hindi magbibingi-bingihan ang mga tagapangasiwang Kristiyano sa “daing ng isa na mababa,” at makatutulong ang kanilang payo at mga panalangin upang ‘mapagaling ang isa na may dinaramdam’ sa espirituwal.—Kawikaan 21:13; Santiago 5:13-15.
Kung hindi ka komportableng ipagtapat iyon sa iba nang personal, isulat mo ang iyong mga iniisip at humiling ka ng sagot. Ang mahalaga ay mailabas mo iyon. “Sa pagtanggap sa katotohanan na hindi mo na kaya iyon nang nag-iisa,” isinulat ni Nancy Kolodny, “itinatalaga mo ang iyong sarili na hayaang tulungan ka ng iba mula ngayon.” Sinabi pa niya: “Maaaring mahirap para sa iyo na isipin at gawin ito, ngunit makatutulong ito, anupat ilalagay ka sa tamang direksiyon upang makalabas ka sa pasikut-sikot na lagusan.”
Mayroon pang isang mabisang tulong para sa mga kabataang Kristiyano—ang panalangin. Ang pananalangin sa Diyos ay hindi isang pamamaraan ng isip upang matahimik. Ito ay isang tunay at mahalagang pakikipag-usap sa Maylalang, na nakauunawa sa iyo nang higit kaysa sa pag-unawa mo sa iyong sarili! (1 Juan 3:19, 20) Kaya naman, bagaman hindi ito ang takdang panahon ni Jehova upang alisin ang lahat ng karamdaman, maaaring patnubayan ng ating maibiging Diyos ang iyong mga hakbang upang hindi ka mabuwal. (Awit 55:22) Mula sa kaniyang sariling karanasan, sumulat ang salmistang si David: “Nagtanong ako kay Jehova, at sinagot niya ako, at iniligtas niya ako mula sa lahat ng aking pagkatakot. Ang napipighating ito ay tumawag, at dininig ni Jehova. At mula sa lahat ng kaniyang kabagabagan ay iniligtas Niya siya.”—Awit 34:4, 6.
Kung gayon, huwag mag-atubiling ipahayag sa Diyos na Jehova ang nasa kaibuturan ng iyong puso. ‘Ihagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya,’ ang isinulat ni apostol Pedro, “sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” (1 Pedro 5:7) Upang magkaroon ng pagpapahalaga sa maibiging-kabaitan ni Jehova, bakit hindi basahing mabuti ang Awit 34, 77, 86, 103, at 139? Ang pagbubulay-bulay sa mga salmong ito ay magpapatibay sa iyong pananalig na si Jehova ay matapat at nagnanais na magtagumpay ka. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita, madarama mo ang gaya ng nadama ni David, na sumulat: “Kailanma’t ako’y nababalisa at nababahala, inaaliw mo ako at pinasasaya mo ako.”—Awit 94:19, Today’s English Version.
Maging Matiisin—Unti-unti ang Paggaling
Karamihan sa humihingi ng tulong dahil sa isang sakit na nauugnay sa pagkain ay hindi agad gumagaling. Tingnan si Jaimee, na sinipi sa pasimula. Kahit tinutulungan na siya, nahihirapan pa rin siyang kumain ng kahit man lamang isang mangkok ng cereal. “Kailangan kong palaging sabihin sa aking sarili na makabubuti ito sa akin, at kailangan ko ng pagkain upang mabuhay,” sabi niya. “Bawat kutsara ng kinakain ko ay waring simbigat ng sanlibong libra.”
Bagaman minsan ay halos mamatay na si Jaimee, nagpasiya siyang daigin ang kaniyang labis na pagkabahala sa pagkain. “Hindi ako mamamatay,” sabi niya. “Lalabanan ko ito at mananalo ako. Madaraig ko ang anorexia. Magiging mahirap ito, pero gagawin ko.” Magagawa mo rin ito!
[Mga talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 1999, pahina 13-15.
b Tingnan ang Genesis 12:11; 29:17; 39:6; 1 Samuel 17:42; 25:3.
[Larawan sa pahina 19]
Ang timbang na pagkain at sapat na ehersisyo ay makatutulong upang makontrol mo ang iyong timbang