Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 5/08 p. 26-29
  • Tapusin Ko Na Lang Kaya ang Buhay Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tapusin Ko Na Lang Kaya ang Buhay Ko?
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dahilan ng Kawalang-Pag-asa
  • Wala Na ba Talagang Pag-asa?
  • Nagbabago ang mga Kalagayan
  • Ang Kahalagahan ng Panalangin
  • Kapag ang Problema ay May Kaugnayan sa Kalusugan
  • Ano Kaya Kung Magpakamatay Na Lang Ako?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Pagpapatiwakal ba ang Lunas?
    Gumising!—1994
  • Makasusumpong Ka ng Tulong
    Gumising!—2001
  • Kapag Nanumbalik ang Pag-asa at Pag-ibig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2008
g 5/08 p. 26-29

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Tapusin Ko Na Lang Kaya ang Buhay Ko?

Taun-taon, milyun-milyong kabataan ang nagtatangkang magpakamatay, at libu-libo sa kanila ang talagang natutuluyan. Dahil sa napakarami ng kabataang nagpapakamatay, nakita ng mga tagapaglathala ng “Gumising!” na mahalagang talakayin ang paksang ito.

“MABUTI pang mamatay na ako, . . . Ibig ko pa ang mamatay kaysa mabuhay.” Sino ang nagsabi ng mga salitang ito? Isa ba siya na hindi naniniwala sa Diyos? Isang taong tumalikod sa Diyos? O isa na pinabayaan ng Diyos? Wala isa man sa mga ito. Ang nagsabi nito ay si Jonas, isang tapat na lingkod ng Diyos na labis na nasiraan ng loob.a (Jonas 4:3, Magandang Balita Biblia) Hindi naman sinasabi ng Bibliya na magpapakamatay si Jonas. Gayunpaman, ang kaniyang matinding pagsusumamo ay nagpapakita ng isang mahalagang katotohanan​—na kung minsan, maging ang isang lingkod ng Diyos ay maaaring madaig ng sobrang kalungkutan.​—Awit 34:19.

Gayon na lamang kadesperado ang ilang kabataan anupat ayaw na nilang mabuhay. Marahil ay nadarama nila ang nadama ng 16-anyos na si Laura,b na nagsabi: “Sa loob ng maraming taon, pabalik-balik ang depresyon ko. Madalas kong naiisip na magpakamatay.” Kung may kilala ka na nagsabing gusto niyang magpatiwakal​—o kung ikaw mismo ay nag-iisip na tapusin ang iyong buhay​—ano ang puwede mong gawin? Una, tingnan muna nating mabuti kung bakit naiisip ito ng isa.

Dahilan ng Kawalang-Pag-asa

Bakit ba gustong magpakamatay ng isang tao? Maraming dahilan. Una sa lahat, nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” at maraming kabataan ngayon ang nahihirapang harapin ang mga kaigtingan sa buhay. (2 Timoteo 3:1) Gayundin, ang di-kasakdalan ng tao ay maaaring maging dahilan kung bakit masyadong nag-iisip ng negatibo ang ilan tungkol sa kanilang sarili at sa kanilang situwasyon sa buhay. (Roma 7:22-24) Kung minsan, epekto ito ng dinanas ng isa na pagmamaltrato o pang-aabuso. Ang iba naman ay maaaring may problema sa kalusugan. Kapansin-pansin na sa isang bansa, tinataya na mahigit 90 porsiyento ng mga nagpakamatay roon ay may sakit sa isip.c

Siyempre pa, walang sinuman sa atin ang walang problema. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na ang “buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Kabilang na riyan ang mga kabataan. Oo, ang mga kabataan ay maaaring labis na maapektuhan ng di-magagandang pangyayari o karanasan sa buhay, gaya halimbawa ng mga sumusunod:

◼ Pagkamatay ng isang kamag-anak, kaibigan, o alagang hayop

◼ Di-pagkakasundo sa loob ng pamilya

◼ Pagbagsak sa klase

◼ Pakikipaghiwalay sa kasintahan

◼ Pagmamaltrato (kasama na ang pisikal o seksuwal na pang-aabuso)

Totoo na sa malao’t madali, halos lahat ng kabataan ay mapapaharap sa isa o higit pang situwasyon na kagaya ng binabanggit sa itaas. Pero bakit mas nakakayanan ng ilan na harapin ang problema samantalang ang iba naman ay labis na nahihirapan? Sinasabi ng mga eksperto na nadarama ng mga kabataang gustong sumuko na walang makakatulong sa kanila at wala nang solusyon ang kanilang mga problema. Sa ibang salita, iniisip ng mga kabataang iyon na wala na silang anumang magagawa pa para gumanda ang kanilang kalagayan, at wala na silang kapag-a-pag-asa. “Madalas na hindi naman gustong mamatay ng mga kabataang ito. Gusto lamang nilang mawala ang kirot na kanilang nararamdaman,” ang sabi ni Dr. Kathleen McCoy sa Gumising!

Wala Na ba Talagang Pag-asa?

Marahil ay may kilala ka na gustong ‘mawala ang kirot na kaniyang nararamdaman’​—anupat waring hindi na niya ito makayanan kaya gusto na niyang mamatay. Kung gayon, ano ang maaari mong gawin?

Kung talagang labis na nasisiraan ng loob ang iyong kaibigan at gusto na niyang mamatay, kumbinsihin mo siya na humingi ng tulong. Pagkatapos, payag man siya o hindi, sabihin mo ito sa isang mapagkakatiwalaang adulto. Huwag kang mag-alala na baka masira ang inyong pagkakaibigan. Sa pamamagitan ng pagsasabi mo sa iba tungkol dito, maipapakita mo na isa kang “tunay na kaibigan,” isa na “ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Ang totoo, puwede mo pa ngang mailigtas ang buhay ng iyong kaibigan!

Pero paano kung ikaw mismo ang nag-iisip na wakasan ang iyong buhay? “Humingi ka ng tulong,” ang paghimok ni Dr. McCoy. “Sabihin mo sa iba ang iyong nadarama​—sa iyong magulang, kamag-anak, kaibigan, guro, o sa isang ministro​—sa isang tao na nagmamalasakit at talagang makikinig sa iyo, at tutulong sa iba pang taong malapít sa iyo na maunawaan ka.”

Walang mawawala sa iyo. Sa katunayan, matutulungan ka pa nga kung sasabihin mo sa iba ang iyong mga problema. Isaalang-alang ang isang halimbawa sa Bibliya. Minsan ay nasabi ng matuwid na taong si Job: “Ang aking kaluluwa ay talagang naririmarim sa aking buhay.” Pero sinabi rin niya: “Ako ay magbubulalas ng aking pagkabahala tungkol sa aking sarili. Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!” (Job 10:1) Desperado na si Job, at kailangan niyang ibulalas ang kaniyang hirap na dinaranas. Makabubuti para sa iyo kung sasabihin mo sa isang may-gulang na kaibigan ang iyong problema.

Ang mga Kristiyano na dumaranas ng kaigtingan ay may iba pang mahihingan ng tulong​—ang mga elder sa kongregasyon. (Santiago 5:14, 15) Mangyari pa, hindi naman dahil sa sinabi mo na sa iba ang iyong mga problema ay mawawala na ang mga ito. Pero matutulungan ka nito na maging timbang, at baka ang kailangan mo lamang ay ang tulong ng isang mapagkakatiwalaang kaibigan upang makita ang solusyon sa iyong problema.

Nagbabago ang mga Kalagayan

Kapag nakadarama ka ng kaigtingan, tandaan mo: Gaano man kabigat ang iyong problema, magbabago rin ang mga kalagayan sa kalaunan. Ganito ang panalangin ng salmistang si David, na napaharap sa maraming problema: “Ako ay nanghimagod sa aking kabubuntunghininga; buong gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan; pinaaapawan ko ng aking mga luha ang aking kama.” (Awit 6:6) Pero isinulat niya sa isa pang awit: “Pinalitan mo ng sayawan ang aking pagdadalamhati para sa akin.”​—Awit 30:11.

Alam ni David na ang mga problema sa buhay ay patuloy na dumarating ngunit nawawala rin. Totoo, ang ilan sa mga ito ay waring napakahirap harapin​—pero panandalian lamang iyan. Magtiis ka lang. Kadalasan nang nagbabago at bumubuti ang mga kalagayan. Kung minsan, ang mabibigat na problema ay maaaring gumaan nang hindi mo inaasahan. Sa ilang kalagayan naman, baka makaisip ka pa nga ng isang solusyong hindi mo naisip noon. Ang punto ay hindi mananatili magpakailanman ang mabibigat na problema.​—2 Corinto 4:17.

Ang Kahalagahan ng Panalangin

Ang pinakamahalagang pakikipag-usap na maaari mong gawin ay ang panalangin. Makapananalangin ka gaya ni David na nagsabi: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga nakababalisang kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang nakasasakit na lakad, at patnubayan mo ako sa daan ng panahong walang takda.”​—Awit 139:23, 24.

Ang panalangin ay hindi lamang basta isang tulong para maharap mo ang mga problema. Isa itong tunay na pakikipag-usap sa iyong makalangit na Ama, na nagnanais na ‘ibuhos mo ang iyong puso’ sa kaniya. (Awit 62:8) Isaalang-alang ang sumusunod na mga saligang katotohanan hinggil sa Diyos:

◼ Nauunawaan niya talaga ang hirap na iyong pinagdaraanan at kung bakit ganiyan ang iyong nararamdaman.​—Awit 103:14.

◼ Mas kilala ka niya kaysa sa pagkakilala mo sa iyong sarili.​—1 Juan 3:20.

◼ ‘Siya ay nagmamalasakit sa iyo.’​—1 Pedro 5:7.

◼ Sa bagong sanlibutan ng Diyos, “papahirin niya ang bawat luha” sa iyong mga mata.​—Apocalipsis 21:4.

Kapag ang Problema ay May Kaugnayan sa Kalusugan

Gaya ng nabanggit na, madalas na ang mga nag-iisip na magpakamatay ay maaaring may sakit sa isip. Kung ganito ang kalagayan mo, huwag kang mahiya na humingi ng tulong. Sinabi ni Jesus na ang mga maysakit ay nangangailangan ng manggagamot. (Mateo 9:12) Ang magandang balita ay nagagamot ang karamihan ng ganitong sakit. At ang pagpapagamot mo ay makatutulong sa iyo na bumuti ang iyong pakiramdam!

Nangangako ang Bibliya na sa bagong sanlibutan ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Pero pansamantala, gawin mo ang iyong buong makakaya para maharap mo ang mga hamon sa buhay. Ganiyan ang ginawa ni Heidi na nakatira sa Alemanya. “Kung minsan, napakatindi ng panlulumo ko anupat gusto ko nang mamatay,” ang sabi niya, “pero ngayon, nakita kong mas masarap pa rin palang mabuhay, at dahil ito sa aking patuluyang pananalangin at pagpapagamot.” Maaari mo ring madama ang gayon!d

Tatalakayin ng susunod na isyu ng Gumising! sa seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” kung paano makakayanan ng isang kabataan ang pagpapakamatay ng kaniyang kapatid

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

a Sinabi rin nina Rebeka, Moises, Elias, at Job ang ganitong nakakatulad na mga pananalita.​—Genesis 25:22; 27:46; Bilang 11:15; 1 Hari 19:4; Job 3:21; 14:13.

b Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

c Gayunman, mahalagang tandaan na karamihan ng mga kabataang may sakit sa isip ay hindi naman nagpapakamatay.

d Para sa higit pang impormasyon hinggil sa pagdaig sa matinding depresyon, tingnan ang seryeng “Tulong Para sa Nanlulumong mga Tin-edyer,” sa Setyembre 8, 2001, isyu ng Gumising! at ang seryeng “Pag-unawa sa mga Mood Disorder,” sa Enero 8, 2004 na isyu rin ng magasing ito.

PAG-ISIPAN

◼ Sinasabi ng ilan na hindi mawawala ang problema mo kung magpapakamatay ka; ipinapasa mo lamang ito sa iba. Gaano ba ito katotoo?

◼ Kanino mo maaaring ipakipag-usap ang iyong matinding pagkabalisa?

[Kahon/​Larawan sa pahina 29]

MENSAHE SA MGA MAGULANG

Sa ilang bahagi ng daigdig, napakaraming kabataan ang nagpapakamatay. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang pagpapakamatay ang ikatlong pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga kabataang nasa edad 15 hanggang 25, at sa nakaraang dalawang dekada, ang bilang ng nagpapatiwakal na mga kabataang nasa edad 10 hanggang 14 ay nadoble. Karamihan sa mga nag-iisip na magpakamatay ay ang mga may-sakit sa isip, may mga kapamilyang nagpakamatay, at ang mga dati nang nagtangkang gumawa nito. Ang mga palatandaan na maaaring nag-iisip ang isang kabataan na tapusin ang kaniyang buhay ay ang mga sumusunod:

◼ Hindi pakikipag-usap sa kapamilya at mga kaibigan

◼ Hindi makatulog at makakain nang maayos

◼ Pagkawala ng gana sa mga gawaing dating kinahihiligan

◼ Kapansin-pansing pagbabago ng ugali

◼ Pag-abuso sa droga at alkohol

◼ Nagpapamigay ng mahahalagang bagay

◼ Bukambibig ang tungkol sa kamatayan o ang mga paksang may kaugnayan dito

Sinabi ni Dr. Kathleen McCoy sa Gumising! na ang pinakamalaking pagkakamaling magagawa ng isang magulang ay ang ipagwalang-bahala ang mga palatandaang ito. “Walang may gusto na isiping may diperensiya ang kaniyang anak,” ang sabi niya, “kaya maraming magulang ang ayaw umaming may problema talaga ang anak nila. Ikinakatuwiran nila, ‘Bahagi lang iyan ng paglaki’ o ‘Lilipas din iyan’ o ‘Nag-iinarte lang siya.’ Delikado ito. Dapat seryosohin ang anumang palatandaan.”

Huwag mahiyang humingi ng tulong para sa inyong anak kung dumaranas siya ng matinding depresyon o iba pang sakit sa isip. At kung naghihinala kayong may planong magpakamatay ang inyong anak, tanungin ninyo siya tungkol dito. Maling isipin na kapag pinag-usapan ninyo ng inyong anak ang pagpapakamatay ay baka gawin niya ito. Maraming kabataan ang natutulungan kapag ipinakipag-usap ito sa kanila ng kanilang mga magulang. Kaya kapag ipinagtapat sa inyo ng inyong anak na naiisip niyang magpakamatay, alamin kung nakaplano na ito at kung gayon, alamin ang mga detalye nito. Miyentras mas detalyado ang kaniyang plano, mas dapat kang kumilos agad.e

Huwag isipin na ang depresyon ay basta-basta na lamang lilipas. At kung waring lumipas nga ito, huwag mong isipin na nalutas na ang problema. Sinasabi ng ilang eksperto na ito ang pinakadelikadong panahon. Bakit? “Ang isang tin-edyer na dumaranas ng matinding depresyon ay maaaring wala nang lakas para isagawa ang kaniyang planong pagpapakamatay,” ang sabi ni Dr. McCoy. “Pero kapag lumipas na ang depresyon, maaaring may sapat na siyang lakas para gawin ito.”

Napakalaki ngang trahedya ang pagpapakamatay ng ilang kabataan dahil sa matinding panlulumo. Kung magiging alisto sa mga palatandaan at tutugon agad dito ang mga magulang at ang ibang nagmamalasakit na mga adulto, sila ay ‘makapagsasalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo’ at magiging kanlungan para sa mga kabataan.​—1 Tesalonica 5:14.

[Talababa]

e Nagbabala rin ang mga eksperto na nasa delikadong situwasyon ang mga pamilyang may mga gamot na maaaring makamatay kapag maraming ininom o may mga baril na kargado ng bala at madaling makuha. May kinalaman sa huling nabanggit, ganito ang sinabi ng American Foundation for Suicide Prevention: “Bagaman karaniwan nang may baril ang mga tao sa kanilang bahay para sa ‘proteksiyon’ o ‘pagtatanggol sa sarili,’ 83 porsiyento ng pagkamatay na nauugnay sa baril sa mga tahanang ito ay madalas na resulta ng pagpapakamatay ng isa na hindi siyang may-ari ng baril.”

[Larawan sa pahina 28]

Ang pinakamahalagang pakikipag-usap ay ang panalangin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share