Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sang-ayon sa ulat ng balita, pagkapanganak sa isang sanggol, itinatabi ng ilang ospital ang plasenta at ang pinagputulan ng pusod upang makakuha ng ilang bagay mula sa dugo. Dapat ba itong ikabahala ng isang Kristiyano?
Sa maraming lugar, wala namang ganitong ginagawa, kaya hindi dapat mabahala ang mga Kristiyano. Kung may sapat na dahilan na maniwalang ang bagay na ito’y ginagawa sa ospital na pag-aanakan ng isang Kristiyano, magiging angkop na ipaalam na lamang sa doktor na dapat itapon ang plasenta at ang pinagputulan ng pusod at huwag gamitin sa anumang paraan.
Iba’t ibang medikal na produkto ang nakukuha mula sa mga biyolohikal na pinagmumulan, alinman sa hayop o sa tao. Halimbawa, may ilang hormone na kinukuha sa ihi ng mga buntis na kabayo. Ang dugo ng kabayo ay napagkukunan ng tetanus serum, at ang gamma globulin ay matagal nang kinukuha sa dugo ng mga plasenta ng tao (ang inunan). Itinatabi ang mga plasenta at iniilado ng ilang ospital at pagkaraan ay kinokolekta ng parmasiyutikal na laboratoryo upang ang dugong mayaman sa antibodies ay maproseso para makakuha ng gamma globulin.
Kamakailan lamang, inangkin ng mga mananaliksik ang tagumpay sa paggamit ng dugo mula sa inunan upang gamutin ang isang uri ng lukemya, at inakala na maaaring magamit ang dugong iyon sa ilang karamdaman sa sistema-imyunidad o magamit ito sa halip na mag-transplant ng utak sa buto. Dahil dito, nagkaroon ng ilang publisidad tungkol sa mga magulang na pinakukuha ang dugo mula sa inunan, iniilado, at inirereserba kung sakaling kailanganin sa pagpapagamot sa kanilang anak sa hinaharap.
Ang gayong pangangalakal sa dugo mula sa inunan ay hindi nakatutukso sa mga tunay na Kristiyano, na ang pag-iisip ay inuugitan ng sakdal na batas ng Diyos. Ang pangmalas ng ating Maylikha sa dugo ay sagrado, na kumakatawan sa bigay-Diyos na buhay. Ang tanging paggamit sa dugo na ipinahihintulot niya ay para sa altar, may kaugnayan sa paghahain. (Levitico 17:10-12; ihambing ang Roma 3:25; 5:8; Efeso 1:7.) Kung hindi, ang dugong inalis mula sa isang kinapal ay dapat itigis sa lupa, itapon.—Levitico 17:13; Deuteronomio 12:15, 16.
Kapag ang isang Kristiyano ay nangaso ng hayop o pumatay ng manok o baboy, pinatitigis nila ang dugo at itinatapon. Hindi naman kailangang literal na itigis ito sa lupa, yamang ang punto ay itapon ang dugo sa halip na gamitin ito kung saan.
Natatalos ng mga Kristiyanong naoospital na ang mga produktong biyolohikal na inalis sa kanila ay itinatapon, maging ang mga produktong ito man ay mga basurang inilalabas ng katawan, may-diperensiyang tissue, o dugo. Ipagpalagay na, baka nais ng doktor na gumawa muna ng ilang pagsusuri, gaya ng urinalysis, patolohikal na pagsusuri ng tissue na maaaring may tumor, o pagsusuri sa dugo. Ngunit pagkatapos nito, ang mga produkto ay itinatapon ayon sa lokal na batas. Madalas na hindi na kakailanganin pang gumawa ng pantanging kahilingan ang pasyente sa ospital hinggil dito sapagkat ang pagtatapon ng gayong mga produktong biyolohikal ay kapuwa makatuwiran at isang pag-iingat ukol sa medisina. Kung ang isang pasyente ay may makatuwirang dahilan na mag-alinlangang gagawin ang gayong normal na pamamaraan, maaari niyang banggitin ito sa doktor na nasasangkot, na sinasabing ibig niyang ipatapon ang gayong mga produkto dahil sa mga relihiyosong kadahilanan.
Gayunman, gaya ng nabanggit na, ito’y bihirang ikabahala ng karaniwang pasyente sapagkat ni hindi man lamang napag-iisipan ni pangkaraniwang isinasagawa sa maraming lugar ang gayong pagsasalba at muling paggamit ng inunan o ng iba pang mga produktong biyolohikal.
Ang artikulong “Kamuhian Natin ang Balakyot,” na lumabas sa “Ang Bantayan” ng Enero 1, 1997, ay waring nagtutuon ng pansin sa pedophilia. Paano ipaliliwanag ang kahulugan ng ganitong gawain?
Ipinaliliwanag ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang kahulugan ng “pedophilia” bilang “lisyang paggawi sa sekso na mga bata ang siyang pinipiling kapareha.” Ang iba’t ibang anyo ng ganitong gawain ay hinahatulan sa Deuteronomio 23:17, 18. Doon ay nagsalita ang Diyos laban sa pagiging patutot sa templo (“o, ‘isang catamite,’ isang batang lalaki na inaalagaan ukol sa maling paggamit sa sekso,” talababa sa Ingles). Ang mga talatang ito ay nagbabawal din sa sinuman na magdala ng halaga ng “isang aso” (“malamang ay isang pederast; isa na nagsasagawa ng pagtatalik sa puwitan, lalo na sa isang batang lalaki,” talababa sa Ingles) sa loob “ng bahay ni Jehova.” Ang maka-Kasulatan at sekular na mga reperensiyang ito ay nagpapatunay na ang tinatalakay ng Ang Bantayan ay ang seksuwal na pang-aabuso, kasali na ang paghimas, ng isang nasa hustong gulang sa isang bata.