Ang Sinaunang mga Sinsilyo ay Nagpapatotoo sa Katotohanan ng Hula
ANG mga sinsilyo na kumakalansing sa iyong bulsa o lukbutan ay maaaring walang dalang mensahe kundi na ito’y makabibili ng ilang maliliit na bagay-bagay. Subalit may mga sinsilyo na mas matindi ang dalang mensahe.
Noong siya’y malapit na malapit nang mamatay, si Jesus ay humula tungkol sa isang kakila-kilabot na pagkapuksa na darating sa Jerusalem, kabisera ng di-tapat na bansa ng Israel. (Mateo 23:37–24:2) Sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung gayon ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok . . . sapagkat ito ang mga araw ng paglalapat ng katarungan, upang matupad ang lahat ng nasusulat.”—Lucas 21:20-22.
Nang panahong iyon, ang mga Judio ay nasa ilalim ng mahigpit na pamamahala ng makapangyarihang Roma. Kung gayon, paano nga magkakatotoo ang hula ni Jesus? Bueno, ang mga Judio ay naghimagsik noong 66 C.E. Si Cestius Gallus ay nanguna sa makapangyarihang mga puwersang Romano laban sa kanila at pinalibutan pa ang Jerusalem, gaya ng inihula ni Jesus. Pagkatapos, para bang walang nakikitang anumang dahilan, ang mga Romano ay dali-daling umatras. Ang mga rebelde ay nangagsaya sa isang tagumpay na waring magdadala na nga ng kalayaan sa wakas. Sila’y gumawa pa mandin ng mga sinsilyo, tulad nitong makikita rito. (Numero 1, 2)
Subalit ang mga alagad ni Kristo ay hindi nadaya. Kanilang sinunod ang babala na ‘tumakas sa mga bundok,’ at iniwan nila ang kanilang mga tahanan sa Judea. Sila’y tumakas hanggang sa makarating at makatawid sa Ilog Jordan, pagkatapos ay pumahilaga sila upang doon manirahan sa Pella. Subalit iyon ba ay kailangan, yamang mga ilang taon ang lumipas at ang mga Judio sa Jerusalem ay nanatiling malaya? Bagama’t ang mga Judiong iyon ay mayroong kanilang sariling mga sinsilyo, hindi magtatagal at wala ng pagkain na mabibili iyon. Bakit?
Masdan ninyo ang sinsilyong inilalarawan ng numero 3 at 4. Makikita ninyo ang ulo ng Romanong heneral na si Vespasian, na inatasang humalili kay Cestius Gallus. Sang-ayon sa Encyclopædia Britannica, si Vespasian ang siyang “mangunguna sa digmaan sa Judea, na nagbabantang maging isang malaganap na gulo sa buong Silangan, dahilan sa isang lumalaganap na paniniwala sa mga panig na iyon na sa Judea manggagaling ang darating na mga pinuno ng daigdig. Si Vespasian, na lubhang mapamahiin, ay napapaniwala na siya mismo ang tutupad ng inaasahang ito.” Ang historyador na si Josephus ay maliwanag ang paglalahad tungkol sa mga labanan na naging resulta nito. Pagkatapos na si Vespasian ay maging emperador noong 69 C.E., ang kaniyang anak na si Tito ang nagpatuloy ng pakikidigma, at kinubkob pa nga ang Jerusalem. Gutom at kakilabutan ang naranasan ng mga taong nakulong sa loob. Nang bumagsak ang lunsod, ang mga pader niyaon ay nagiba at napuksa ang templo niyaon.
Ano ba ang kinahinatnan ng mga tao na hindi nakinig sa babala ni Jesus? “Para sa nagugutom na mga tao ang kanilang tanggulang moog ay ipinagtanggol nila na taglay ang kagila-gilalas na kagitingan, anupa’t mahigit na isang daang libo sa kanila ang nangasawi. Halos kasindami rin, na napilitang sumaksi sa kahambal-hambal na tanawin ng pagkasunog, pandarambong, at lubos na pagkapuksa ng kanilang banal na templo, ang ginawang mga alipin, marami sa kanila ang pinilit . . . na magsilbing mga gladiator na nakatakda na sa patayan o walang laban na mga biktima ng mababangis na hayop sa pambihirang mga ‘laro’ na itinanghal ng mapagtagumpay na si Tito.”—Coins of Bible Days.
Ipinaliliwanag ng aklat na ito na noong 71 C.E., si Vespasian at si Tito ay nagmartsa nang matagumpay sa Roma upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Subalit “higit na di-malilimot kaysa anumang parada o mga kapistahan ang maraming sinsilyong ‘victory.’” Ang isa roon ay itong gintong sinsilyong ito (Numero 5) na ipinagawa ni Vespasian upang magsilbing alaala sa pagkabihag sa Judea ng mga Romano.
Bagama’t maraming Judio ang marahil nanlibak dahil sa sinalita ni Jesus na hula tungkol sa katapusan ng Judiong sistema, ang kaniyang mga salita ay natupad, gaya ng pinatutunayan ng mga sinsilyong ito. Ang hula ni Jesus ay mayroong malakihang katuparan sa ngayon, anupa’t tumutukoy ito ng isang napipintong kalamidad para sa kasalukuyang pandaigdig na sistema ng mga bagay. Tungkulin mo sa iyong sarili na alamin kung ano ang kasalukuyang-panahong mensaheng ito at kung paano mo maiiwasan ang maging biktima ka ng napipintong kalamidad na ito.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 31]
1. Ibabaw: Tumbagang prutah (o perutah) na ginawa pagkatapos ng Unang Himagsikan (66-70 C.E.), na nagpapakita ng isang amphora (dalawahang-tatangnang sisidlan). Ang mga letrang Hebreo ay nagsasabi na “Anyo dos,” na ang tinutukoy ay 67 C.E., ang ikalawang taon ng awtonomiyang Judio
2. Ilalim: Dahon ng ubas na napaliligiran ng mga salitang “Kalayaan ng Sion” o “Katubusan ng Sion”
3. Ibabaw: Isang tansong sestertius na inilabas ni Emperador Vespasian upang magsilbing alaala sa pagkabihag sa Judea. Ang mga letrang Latin sa palibot ng kaniyang larawan ay IMP[erator] (Emperador) CAES[ar] VESPASIAN[us] AVG[ustus] P[ontifex] M[aximus] (mataas na saserdote) TR[ibunicia] P[otestate] (may hawak ng poder ng tribuna) P[ater] P[atriae] (ama ng lupang tinubuan) CO[n]S[ul] III (sa kaniyang ikatlong pagkakonsul), na nagbibigay sa sinsilyo ng petsang 71 C.E.
4. Ilalim: Nasa kaliwa ang nagsasayang si Emperador Vespasian (o Heneral Tito) na may sakbat na baluti, may hawak na sibat at isang punyal, ang kaniyang paa ay nakapatong sa isang helmet. Ang nasa kanan ay isang babaing Judio na nakaupo sa isang baluti na nasa ilalim ng isang date palm; ang babae’y namimighati at nananangis. Ang mga salitang IVDAEA CAPTA ay nangangahulugang sa “Bihag na Judea.” Ang sinsilyong ito ay ginawang S[enatus] C[onsulto], “may pagsang-ayon ng Senado”
5. Ilalim: Isang aureus (gintong sinsilyo) na ginawa ni Vespasian at naglalarawan sa namimighating Judea
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.