Limang Karaniwang Kabulaanan—Huwag Padadaya sa mga Ito!
“HUWAG padadaya sa kaninuman sa pamamagitan ng mga salitang walang kabuluhan.”a Ang payong ito ay ibinigay halos 2,000 taon na ngayon ngunit ang katotohanan nito ay hindi nagbabago. Sa ngayon, tayo ay nahahantad sa mapanghikayat na mga tinig: mga artista sa pelikula na nagbebenta ng mga pampaganda, mga pulitiko na nagtataguyod ng mga plataporma, mga ahente na nag-aalok ng mga produkto, mga klerigo na nagpapaliwanag ng doktrina. Madalas ang mapanghikayat na mga tinig ay mandaraya pala—mga salitang walang kabuluhan. Ngunit, marami ang nalilinlang ng mga ito.
Ang dahilan ay sapagkat malimit na hindi nakikita ng tao ang pagkakaiba ng katotohanan at kabulaanan. Ang salitang “kabulaanan [fallacy]” ay ginagamit ng mga estudyante ng lohika upang ilarawan ang alinmang paglihis sa landas ng matinong pangangatuwiran. Sa maikli, ang kabulaanan ay isang nakaliligaw o di-matinong pangangatuwiran, na kung saan ang konklusyon ay hindi salig sa naunang mga pangungusap, o patiunang pala-palagay. Gayunman, ang mga kabulaanan ay nagiging lubhang nakahihikayat palibhasa malimit na ito’y umaakit sa emosyon—hindi sa katuwiran.
Ang lihim ng pag-iwas sa pandaraya ay ang pagkilala sa kayarian ng mga kabulaanan. Kaya suriin natin ang lima na pangkaraniwan, upang mapatalas ang ating bigay-Diyos na “kapangyarihan ng unawa.”—Roma 12:1.
KABULAANAN NUMERO 1
Pag-atake sa Pagkatao Sinisikap ng ganitong uri ng kabulaanan na waling-halaga o siraan ang makatuwirang argumento o pangungusap sa pamamagitan ng walang-kaugnayang pag-atake sa pagkatao ng naghaharap nito.
Isaalang-alang ang isang halimbawa mula sa Bibliya. Minsa’y sinikap ni Jesus na ipaliwanag sa iba ang napipinto niyang kamatayan at pagkabuhay-muli. Sa mga tagapakinig niya, ito’y mga bago at malalalim na konsepto. Subalit imbes na timbang-timbangin ang merito ng kaniyang turo, ang iba ay umatake kay Jesus mismo, at nagsabi: “Siya’y may demonyo at nauulol. Bakit ninyo siya pinakikinggan?”—Juan 10:20; ihambing ang Gawa 26:24, 25.
Napakadaling tawaging “gago,” “ulol,” o “tanga” ang sinuman kapag ang isang ito ay may sinabi na ayaw nating marinig. Ang isang kahawig na taktika ay ang pag-atake sa pagkatao sa pamamagitan ng tusong pasaring. Ang ilang halimbawa nito ay: “Kung talagang nakakaintindi ka, hindi ganiyan ang iisipin mo” o, “Naniniwala ka lamang kasi sinasabihan kang maniwala rito.”
Subalit bagaman ang personal na pag-atake, tuso man o di-gaanong tuso, ay maaaring makapanakot o makahikayat, kailanma’y hindi nito napabubulaanan ang nasabi na. Kaya mag-ingat sa kabulaanang ito!
KABULAANAN NUMERO 2
Pagsamo sa Autoridad Ang bibigang pananakot na ito ay nagagawa sa pamamagitan ng pananawagan sa mga patotoo ng di-umano’y mga eksperto o kilalang tao. Totoo, kung gusto natin ng payo, likas lamang na tayo ay bumaling sa mga taong mas marami ang alam tungkol sa isang bagay kaysa atin. Ngunit hindi lahat ng pagsamo sa autoridad ay salig sa matinong pangangatuwiran.
Halimbawa sinabi ng inyong doktor: “Mayroon kang malarya.” Sasagot kayo: “Papaano ninyo nalaman, doktor?” Napakawalang katuwiran niya kung sasabihin niyang: “Aba, doktor yata ako. Mas marami akong alam sa bagay na ito kaysa sa iyo. Kaya maniwala ka sa akin, may malarya ka.” Bagaman malamang na totoo ang kaniyang pagkakasuri, kabulaanan ang pangangatuwiran na kayo ay may malarya dahil lamang sa sinabi niya ito. Mas nakabuti sana sa kaniya kung ipinaliwanag niya ang katotohanan: ang inyong mga sintomas, resulta ng blood test, at iba pa.
Isa pang halimbawa ng may-pananakot na pagsamo sa autoridad ay yaong inilalarawan sa Juan 7:32-49. Doon ang mga opisyal ng pulis ay isinugo upang dakpin si Jesu-Kristo. Gayunman, manghang-mangha sila sa kaniyang pagtuturo, anupa’t sa halip na dakpin siya, ay sinabi nila sa kanilang mga pinuno: “Kailanma’y wala pang taong nagsalita na gaya niya.” Bilang sagot, sinabi ng mga kaaway ni Jesus: “Huwag ninyong sabihin na pati kayo ay nadaya, ganoon ba? Sinuman sa mga pinuno o sa mga Fariseo ay walang sumampalataya sa kaniya, mayroon ba?” Pansinin na hindi nila sinikap na pabulaanan ang turo ni Jesus. Sa halip, ang mga pinunong Judio ay nagsumamo sa kanilang sariling autoridad bilang “mga eksperto” sa Batas ni Moises upang bale-walain ang anumang sinabi ni Jesus.
Kapansin-pansin, ang mga klerigo ngayon ay kilala sa paggamit ng ganitong taktika kapag hindi nila mapatunayan mula sa Bibliya ang mga turong gaya ng Trinidad, kaluluwang di-namamatay, at apoy-ng-impierno.
Ang walang-saysay na pagsusumamo sa autoridad ay palasak din sa pag-aanunsiyo, kung saan ang mga sikát na tao ay karaniwan nang nagbibigay ng patotoo sa mga larangan na malayung-malayo sa kanilang propesyon. Ang isang matagumpay na manlalaro ng golf ay humihimok sa inyo na bumili ng isang photocopying machine. Isang propesyonal na manlalaro ng football ay nag-aalok ng mga refrigerator. Ang isang gymnast sa Olimpik ay nagrerekumenda ng isang cereal na pang-almusal. Marami ang hindi humihinto at nag-iisip na ang “mga autoridad” na ito ay malamang na kakaunti o walang alam hinggil sa mga produkto na kanilang inilalako.
Dapat ding tandaan, na maging mga lehitimong eksperto—gaya ng sinuman—ay maaaring magkaroon ng pagkiling. Ang isang mananaliksik na may matatayog na kredensiyal ay maaaring mag-angkin na ang paghitit ng tabako ay ligtas. Ngunit kung siya ay nagtatrabaho sa industriya ng tabako, hindi ba kahina-hinala ang kaniyang “ekspertong” patotoo?
KABULAANAN NUMERO 3
‘Sumunod sa Agos’ Ito ay pagsusumamo sa tanyag na mga emosyon, pagkiling, at paniwala. Likas sa tao ang maghangad na umayon. Ayaw nating magsalita laban sa umiiral na mga opinyon. Ang hilig na ito na tumanggap sa opinyon ng nakararami bilang katotohanan ay mabisang ginagamit sa kabulaanan na ‘sumunod-sa-agos.’
Halimbawa, ang anunsiyo sa isang tanyag na magasin sa E.U. ay nagpapakita ng ilang nakangiting tao, bawat isa’y may hawak na baso ng rum. Kalakip ng larawan ay ang sawikaing: “Ito ang Nauuso. Sa buong Amerika, ang mga tao ay bumabago na sa . . . rum.” Ito ay isang pangahas na paghikayat na ‘sumunod sa agos.’
Subalit samantalang maaaring iniisip o ginagawa ng iba ang isang bagay, nangangahulugan ba iyan na dapat na kayong gumaya? Bukod dito, ang popular na opinyon ay hindi maaasahang sukatan ng katotohanan. Sa nakalipas na mga dantaon sarisaring ideya ang napatanyag, subalit nang maglaon ang mga ito’y napatunayang mali. Subalit, nagpapatuloy pa rin ang kabulaanan na ‘sumunod sa agos.’ Ang nakahihikayat na sigaw, ‘Lahat ay gumagawa nito!’ ay nagtutulak sa mga tao na gumamit ng droga, mangalunya, magnakaw sa pinapasukan, at mandaya sa buwis.
Ang totoo, hindi lahat ay gumagawa nang ganoon. At gawin man nila yaon, hindi dahilan iyan upang sumunod na rin kayo. Ang payo sa Exodo 23:2 ay isang mahusay na tuntunin ng paggawi: “Huwag kang susunod sa karamihan sa paggawa ng masama.”
KABULAANAN NUMERO 4
Katuwiran na ‘Alin sa Dalawa’ Sa kabulaanang ito ang malawak na saklaw ng mapagpipilian ay nauuwi na lamang sa dalawa. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring sabihan: ‘Magpasalin ng dugo o mamatay.’ Malimit mapaharap ang mga Saksi ni Jehova sa pangangatuwirang ito dahil sa kanilang salig-sa-Bibliyang pasiya na ‘umiwas sa dugo’ anuman ang anyo nito. (Gawa 15:29) Ano ang kahinaan ng pangangatuwirang ito? Ipinupuwera nito ang ibang makatuwirang posibilidad. Ipinakikita ng mga katibayan na may maihahaliling paraan ng panggagamot, at karamihan ng operasyon ang maaaring isagawa nang matagumpay bagaman walang dugo. Ang mga bihasang doktor ay malimit mag-opera nang kakaunti ang nasasayang na dugo. Ang isa pang posibilidad ay ang paggamit ng mga likido na walang dugo, ang mga plasma volume expander.b Bukod dito, marami ang sinalinan ng dugo at namatay. Kasabay nito, marami ang tumanggi sa dugo at nabuhay. Napakalaki ang butas ng katuwiran na ‘alin sa dalawa.’
Kaya kapag napapaharap sa katuwiran na ‘alin sa dalawa,’ tanungin ang sarili, ‘Talaga bang dadalawa ang mapagpipilian? Mayroon pa kayang iba?’
KABULAANAN NUMERO 5
Labis na Pagpapagaang Dito ang isang pangungusap o pangangatuwiran ay bumabale-wala sa mga nauugnay na bagay, at labis na pinagagaang ang isang masalimuot na suliranin.
Ipagpalagay na, walang masama sa pagsisikap na pagaanin ang isang masalimuot na paksa—lagi itong ginagawa ng magagaling na guro. Subalit kung minsan ang isang bagay ay lubhang pinagagaang hanggang sa napipilipit na tuloy ang katotohanan. Halimbawa, baka nabasa ninyo: ‘Ang mabilis na paglago sa populasyon ay sanhi ng karalitaan sa mahihirap na bansa.’ May bahagyang katotohanan ito, subalit niwawalang-bahala nito ang ibang mahahalagang salik, gaya ng masamang pamamahala ng mga pulitiko, komersiyal na pagsasamantala, at pabagu-bagong lagay ng panahon.
Ang labis na pagpapagaang ay umakay sa maraming di-pagkakaunawaan kapag ang nasasangkot ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Halimbawa, isaalang-alang ang ulat sa Gawa 16:30, 31. Doo’y nagtanong ang isang tanod-bilangguan tungkol sa kaligtasan. Sumagot si Pablo: “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas.” Batay dito marami ang nagpasiya na ang tanging kinakailangan upang maligtas ay ang payak lamang na pagtanggap kay Jesus sa ating isipan!
Ito’y labis na pagpapagaang. Totoo, mahalaga ang pananampalataya kay Jesus bilang Manunubos. Subalit mahalaga rin ang manampalataya sa itinuro at iniutos ni Jesus, ang magkamit ng lubos na unawa sa mga katotohanan ng Bibliya. Idinidiin ito ng bagay na nang maglaon, “ipinaliwanag [nina Pablo at Silas] ang salita ni Jehova sa [tanod-bilangguan] at pati na sa lahat ng nasa kaniyang bahay.” (Gawa 16:32) Ang kaligtasan ay nagsasangkot din ng pagsunod. Nang maglaon ito ay ipinakita ni Pablo nang isulat niya na si Jesus “ang gumawa ng walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng tumatalima sa kaniya.”—Hebreo 5:9.
Sinasabi ng isang sinaunang kawikaan: “Ang walang karanasan ay naniniwala sa bawat salita, ngunit isinasaalang-alang ng pantas ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Kaya huwag padadaya sa mga kabulaanan. Kilalanin ang pagkakaiba sa pagitan ng lehitimong pagtuligsa sa mga bagay na sinasabi at ng masagwang pag-atake sa pagkatao. Huwag padadaya sa walang-saysay na pagsamo sa “autoridad,” panghihimok na ‘sumunod sa agos’, katuwiran na ‘alin sa dalawa’, o ng mga labis na pagpapagaang—lalo na kapag ang nasasangkot ay isang bagay na kasinghalaga ng relihiyosong katotohanan. Suriin ang mga katotohanan, o gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya, “tiyakin ang lahat ng bagay.”—1 Tesalonica 5:21.
[Mga talababa]
b Tingnan ang pulyeto na Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.