Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 4/15 p. 24-29
  • Pagtatayo ng Matagumpay na Pamilya sa Pangalawang Asawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtatayo ng Matagumpay na Pamilya sa Pangalawang Asawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Naiibang Kalagayan
  • Saligan ng Pagharap sa mga Problema
  • Kailangan na Maging Maunawain
  • Kung Kailan Kailangan ang Disiplina
  • Magtiyaga​—Nangangailangan Ito ng Panahon
  • Ang Tagumpay Bilang Gantimpala
  • Ang Pagiging Bahagi ng Pamilya sa Pangalawang Asawa ay Sumira Kaya ng Aking Buhay?
    Gumising!—1985
  • Kakaibang mga Hamon sa Stepfamily
    Gumising!—2012
  • Ang Natatanging mga Problema ng mga Pamilya sa Muling Pag-aasawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • “Pamumuhay sa Loob ng Pamilya sa Pangalawang Asawa”
    Gumising!—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 4/15 p. 24-29

Pagtatayo ng Matagumpay na Pamilya sa Pangalawang Asawa

NANG araw ng kaniyang kasal ay biglang naging isang magulang si Felix. Ang babaing kaniyang naging asawa ay may anak na babaing pitong taóng gulang sa unang asawa. Nang may bandang hapon na sila’y naglalakad na mag-isa ng kaniyang bagong pamangking ito, ganiyan na lamang ang pagkagulat ni Felix nang marinig niyang ang bata’y bumibigkas ng masasamang salita at may kabaitang sinaway niya. Siya’y nabigla sa sinabi ng bata: “Aba, hindi kayo ang itay ko!” Bilang isang Kristiyano, ibig ni Felix na magtayo ng isang pamilya na magpupuri sa Isa ‘na pinagkakautangan ng bawa’t pamilya ng pangalan.’ Datapuwa’t, ngayon ay nahahalata niya ang matinding damdamin na kailangang pakitunguhan niya sa pagtatayo niya ng gayong pamilya.​—Efeso 3:15.

Samantalang noong nakaraan ang muling pag-aasawa ng mga nabiyudo o nabiyuda ang pangunahing sanhi ng pinagkatnig na pamilya, ang dumaraming mga nagdidiborsiyo sa “mga huling araw” na ito ang sanhi ngayon ng dumaraming pangalawa o pangatlong mga pag-aasawa. (2 Timoteo 3:1-5) Bakit? Sapagka’t halos 80 porciento ng mga taong diborsiyado​—marami sa kanila ang may mga anak​—ang muling nag-aasawa. Bukod dito, may mga nag-asawa na may mga anak sa labas. Sang-ayon sa Stepfamily Foundation, pagsapit ng 1990 lalong maraming tao sa Estados Unidos ang magiging bahagi ng pangalawang pag-aasawa kaysa una​—kaya ang stepfamily (gaya ng tawag sa gayong pamilya) ang magiging pinakausong uri ng sambahayan! Subali’t ang stepfamily ay may di-karaniwang mga problema.

Isang Naiibang Kalagayan

Sa unang pag-aasawa ang kawalang-gulang ng isang asawa ang kadalasa’y binabanggit na pangunahing pinagmumulan ng suliranin, sa muling pag-aasawa naman ang unang-unang pinagmumulan ng suliranin ay ang pagpapalaki sa anak. Para sa bagong magulang, ang pagtatamo ng pag-ibig at paggalang ng mga anak ng iyong asawa na hindi mo tunay na anak​—at maaari pa ngang ituring ka nila na isang mapanghimasok​—ay isang mabigat na gawain. Ang tunay na magulang ay kailangang matutong magpakita ng pag-ibig sa bagong kabiyak niya nang hindi pinalalayo sa kaniya ang sariling mga anak niya. At pagka sa stepfamily ay nagkasama-sama ang mga anak na babae’t lalaki o pagka ang asawang lalaki ay nagkaroon ng pamangking babae sa kaniyang bagong maybahay, lalong malaki ang panganib na magkasala ng seksuwal na imoralidad. Ayon sa ulat, 25 porciento ng mga stepfamily ang may mga pamilyang nagkakasala ng seksuwal na imoralidad.​—1 Corinto 6:9, 10.

Ang mga anak din naman sa pangalawa o pangatlong pag-aasawa ay kalimitan nakikipagbaka sa mga suliranin ng emosyon​—pagtatakuwil, paninibugho, sama ng loob at katapatan. Ang suliranin ng diborsiyo o ng kamatayan ng isang magulang ay lalong nagpapalubha sa suliraning ito. Nakalulungkot sabihin, ipinakikita ng ulat na mahigit na apat sa bawa’t sampu ng pinagkatnig na mga pami-pamilya ang nagtatapos sa diborsiyo hindi lalampas ang unang limang taon. Gayunman, makapagtatayo ng matagumpay na pamilya sa pangalawang asawa. Sa papaano?

Saligan ng Pagharap sa mga Problema

“Maliban na si Jehova mismo ang nagtatayo ng bahay, walang kabuluhan na ang mga tagapagtayo ay nagpagal na mainam sa pagtatayo nito.” (Awit 127:1) Ang pagpapaubayang si Jehova ang ‘magtayo’ ng isang stepfamily ay nangangahulugan ng pagdidirekta ng mga pagsisikap upang kamtin ang kaniyang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod muna sa kaniyang mga utos, prinsipyo at mga payo. “Ang tanging ipinagkakaiba para sa amin,” ang pagtatapat ni Felix, “ay ang paglalagay sa Salita ni Jehova upang mauna sa damdamin ng iba sa mga nasa pamilya. Iniwasan ko ang pagsasabi sa aking pamangking babae ng aking opinyon sa mga bagay-bagay, nguni’t sa pamamagitan ng paggamit sa Bibliya bilang batayan naming pareho nangyaring nagkaisa ang aming isip.” Kaniyang ginamit ang Bibliya upang ‘ituwid ang mga bagay’ at maging pamantayan ng pagkilos sa sambahayan. (2 Timoteo 3:16) Pagka nakita ng mga anak na pati mga magulang ay sumusunod sa “payo ni Jehova,” kanilang nadarama na ang kaniyang matatag na mga prinsipyo, hindi lamang ang kapritso ng tiyuhin o tiyahin (stepparent), ang sinusunod sa tahanan.​—Kawikaan 19:21; 20:7.

Isang mag-asawa na bawa’t isa sa kanila’y may tatlong anak sa kani-kanilang unang asawa ang nagtagumpay dahilan sa “talagang sinikap ng mga bata na ikapit ang kaalaman nila sa Bibliya.” Nang magsilalaki na, isa sa mga anak na ito ang sumulat: “Pagka pinagkatnig ang dalawang pamilya, ang nagiging pangunahing suliranin nito ay sosyal imbis na espirituwal sapagka’t walang layunin kundi ang magkasundu-sundo lamang imbis na maglingkod kay Jehova bilang isang pamilya.” Maraming matagumpay na mga stepfamily ang naniniwala na ang lihim nito ay ang pagsisikap na magkaroon ng mainam na personal na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap na sumunod sa kaniyang Salita.

Kailangan na Maging Maunawain

Hindi pa nagtatagal pagkatapos na muling mag-asawa ang kaniyang nanay, ang 12-anyos na si Maria ay naging suwail at kung ilang beses na naglayas. May katuwiran ang nanay niya na hilingan siya na maging masunurin nguni’t kinaligtaan na ang pinaka-ugat ng suliranin ay emosyonal. “Si inay at ako ay totoong malapit sa isa’t-isa,” ang sabi ni Maria, “anupa’t kami’y tulad ng magkapatid. Magkasiping pa kami kung matulog. Subali’t nang magkaroon na ako ng tiyuhin, nawala na ang ganitong matalik na kaugnayan. Ang palagay ko ba’y wala na akong dako.” Oo, kadalasan ang isang tiyuhin o tiyahin ay hindi nakakahalata kung paanong sa pakiwari ng anak ay kaniyang inagaw ang pagmamahal ng magulang at hindi niya pinapansin ang kaligaligan ng damdamin na lilikhain nito. Ano ang kinakailangan?

“Sa pamamagitan ng unawa,” ang sabi ng Kawikaan 24:3, ang isang sambahayan ay “mapapatatag nang matibay.” Ang unawa ay tumitingin nang lampas pa sa kilos o mga salita upang alamin ang mga dahilan niyaon. Halimbawa, ang isang pamangkin, ay baka kumikilos na parang naglalayo ng kaniyang damdamin at kalooban. Subali’t bakit? Hindi kaya dahilan sa nagugunita pa niya at sumásamâ ang loob niya dahilan sa kaniyang yumaong magulang? Ang mananaliksik na si Elizabeth Einstein, na isa ring madrasta, ay sumulat sa kaniyang aklat na The Stepfamily: “Ang tunay na magulang ay hindi maaaring halinhan kailanman​—hinding-hindi. Maging ang isang magulang man na namatay na o yaong may mga anak na abandonado na niya ay isang magulang na may mahalaga pa ring dako sa buhay ng mga anak. Gaya ng napag-alaman ko kamakailan lamang, ang lihim ng pagiging isang padrasto o madrasta ay, ang huwag mong aamuamuin o aangkining iyo ang anak ng iyong asawa.” Ayon sa kaniya ay “iyan ang pinakamalamang na mangyari sa iyong pakikisama sa kanila.” Sa pagkaunawa nito, hindi inaasahan ng isang padrasto o madrastang Kristiyano na makakamit niya ang “biglang pagmamahal” at hindi naman niya nadaramang siya’y itinatakuwil na kung hindi siya pinagpapakitaan niyaon. Nguni’t mahirap din ito.

“Hindi ko dinaramdam kung itakuwil man ako maliban kung ang magtakuwil sa akin ay ang anak na babae ng aking asawa,” ang hinanakit ng isang madrasta. “Pagka itinakuwil ako ni Amy ang maghapon ko ay nagiging malungkot, nanghihina ang loob ko.” Isinusog pa niya: “Mahalaga sa akin si Amy. Mahalaga sa akin ang tagumpay bilang isang madrasta.” Mauunawaan kung bakit dahil sa gayong pagtatakuwil sa kaniya ay sumásamâ ang kaniyang loob. Subali’t ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag kang madaling magalit, sapagka’t ang galit ay nagpapahingalay sa sinapupunan ng mga mangmang.” (Eclesiastes 7:9) Kung ang isang tao’y may balat-sibuyas​—madaling magdamdam​—at nagkikimkim ng galit sa kaniyang “sinapupunan,” malamang na siya’y magsalita at kumilos nang pabigla-bigla.

Nguni’t, paano ka nga ba kumikilos nang may unawa? Nang ang pamangkin ni Felix ay bigla na lamang magsalita nang hindi mabuti, naalaala ni Felix na ang bata’y totoong malapit sa kaniyang nasirang ama. “Totoo ang sabi mo, hindi ako ang iyong itay, pero gusto kong ako’y maging kaibigan mo, at iyong kapatid sa espiritu,” ang sagot ni Felix. Kaya, ikaw ay “magpakapantas sa puso”​—subali’t huwag ‘magbabalat-sibuyas’!​—Kawikaan 16:21; 14:1.

Ang hindi pagiging magkakapalagayang-loob ng mga miyembro ng isang stepfamily ay kalimitan humahantong sa tinatawag ng Bibliya na “kapalaluan,” alalaong baga, “ugaling pagkapangahas” o ‘pag-angkin ng mga bagay na lubusang walang katuwiran at ipinagpupumilitan ito nang hindi nababali,’ gaya ng pagkasabi ng isang diksiyonaryong Hebreo. Pagtatalo ang resulta ng gayong kapalaluan. (Kawikaan 13:10) “Bagaman napakahirap gawin, pinagsikapan kong huwag ang isipin lamang ay ang aking sariling mga damdamin,” ang pagtatapat ng isang pamangkin sa pangalawang asawa. “Nang magkagayon, nakita ko ang damdamin ng iba at inilagay ko ang aking sarili sa lugar nila. Taglay mo pa rin ang iyong sariling damdamin, nguni’t nagkakaroon ka ng ibang damdamin na doo’y kasali ang iba.”

Para magkaroon ka ng damdamin sa iyong kapuwa ang mga nasa isang stepfamily ay dapat na may komunikasyon! Isinusog pa ng Kawikaan 13:10: “May karunungan sa pagsasanggunian sa isa’t-isa.” Ang palagiang pag-uusap-usap ng pamilya​​—“pagsasanggunian sa isa’t-isa”​—ay magsisilbing daan upang malutas ang mga problema at magkaisa ang pamilya. Datapuwa’t, ang mga magulang ay kailangang magkaisa sa kanilang kaisipan sa mga oras ng gayong pag-uusap. Pagsapit ng panahon, karaniwan nang nagbubunga ng mabuti kung mananatili sa gayong pag-uusap-usap ang pamilya. Tingnan ang mga iba pang mungkahi sa pahina 28.​—1 Pedro 3:8.

Sa gayong “pagsasanggunian sa isa’t-isa” maging ang kalibugan sa sekso ay maaaring maiwasan. May mga magulang na prangkahang nakipag-usap na sa kanilang mga anak bago sila muling mag-asawa at pinag-usapan nila halimbawa ang mga bagay na kung paano magdadamit o gagawi ang mga anak na babae pagka kaharap ang kanilang tiyuhin o mga kapatid na lalaki. Habang lumalaki ang mga bata, kadalasa’y kailangan ang patuloy na pag-uusap, na ang mga magulang ang nagkukusa na manguna, sapagka’t baka medyo kimi ang mga anak.

Kung Kailan Kailangan ang Disiplina

Ang pinakamahirap sa pagtatayo ng pamilya sa pangalawang asawa ay ang pagdidisiplina. Yamang “ang kamangmangan ay nababalot sa puso” ng isang bata​—kasali na riyan ang pamangkin sa pangalawang asawa​—kailangan na magkakatugma ang disiplina. (Kawikaan 22:15; 13:1) Natuklasan ng isang Kristiyano na ang anak ng kaniyang asawang lalaki ay anak sa layaw. “Nagpakaingat ako ng pagsunod sa kaayusan ng pagkaulo,” ang sabi ni Pat, na may pamangkin sa asawa na naging isa sa kaniyang pinakamatalik na kaibigan. “Laging handa akong magpaliwanag sa kaniya kung bakit, makipag-usap at pag-usapan ang mga bagay-bagay, nguni’t hindi ko ipinipilit sa kaniya kung ayaw niya niyaon. Mahigpit ako pagdating na sa mga kaayusan ni Jehova.”

“Ang totoo, gumagana ang disiplina,” ang sabi ng tagapayo ng stepfamily na sina Drs. Emily at John Visher, “tangi lamang pagka ang taong dinidisiplina ay nagbibigay-pansin sa mga epekto nito at sa kaugnayan sa taong naglalapat ng disiplina.” Hanggang sa umunlad ang ganitong ugnayan, hinayaan ng iba na ang talagang magulang ang maging pangunahing tagadisiplina. Mangyari pa, ang padrasto ang siya pa ring ulo ng sambahayan, subali’t sa malinaw na pakikipagtalastasan sa kaniyang asawang babae ng mga dahilan sa pagdisiplina, baka hayaan niya na ang babae ang aktuwal na magpatupad niyaon. Naaayon sa Kasulatan na ang dalawang magulang ang gumawa ng ‘mga batas’ sa disiplina. (Kawikaan 1:8; 6:20; 31:1) Yamang nagkakaiba-iba naman ang bawa’t stepfamily, walang istriktong mga alituntunin sa kung paano magdidisiplina. Gayunman ang padrasto o madrasta ay ‘magtutuwid ayon sa kung ano ang tama,’ at huwag magpapakalabis hanggang sa mayamot ang bata dahilan sa pagkarami-raming pagbabago na hinihiling sa kaniya sa loob ng kay-ikli-ikling panahon. (Isaias 28:26-29; Colosas 3:21) Sa kabilang panig, ang mga pamangkin ay dapat namang padisiplina. Ayon sa Bibliya, si Esther ay masunurin sa kaniyang ama-amahan na si Mardocheo na siyang nagpalaki sa kaniya nang mamatay na ang kaniyang mga magulang. Ang gayong pagdisiplina sa kaniya ang tumulong upang siya’y maging isang kapuri-puring babae.​—Esther 2:7, 15, 20.

Kung minsan, ang pagdisiplina ay hindi mabisa pagka kinakampihan ng sinuman sa mag-asawa ang kaniyang tunay na anak at hindi istrikto ng pagpapatupad niyaon. Isang inang may tatlong anak at muling nag-asawa ang nagsabi: “Para bang ikaw ay naiipit sa pagitan ng dalawang katao na mahal na mahal mo.” Huwag kalilimutan na ang pangunahin ay yaong relasyon mo sa iyong asawa. Bagaman mahirap din kung minsan, huwag hayaang masira ang relasyong iyan dahilan sa pagmamahal mo sa iyong anak. Sinikap ni Abraham na ang sinuman sa kaniyang sambahayan ay huwag makasira sa kaniyang relasyon sa kaniyang asawang si Sara o makahadlang sa katuparan ng kalooban ng Diyos.​—Genesis 16:1-6; 21:8-14.

Bagaman marahil ang nadarama mo sa isang anak-anakan ay hindi katulad niyaong sa tunay na anak, kapuwa sila dapat tratuhin nang walang pagkiling. Ang isang mahalagang simulain sa pagpapasiya ay: “Huwag magkakaroon ng mga paborito.” (1 Timoteo 5:21, Phillips) Madaling ipangatuwiran ang mga pagkakamali ng isang tunay na anak at palakihin naman yaong sa isang anak-anakan lamang. Makabubuting lihim na pag-usapan ng mag-asawa ang ano mang hindi nila pagkakasundo tungkol sa disiplina, magkasundo sila ng gagawin at saka ipakita sa mga anak na sila’y nagkakaisa sa ganoo’t-ganitong disiplina. Pagkatapos na lumaki siya sa isang matagumpay na stepfamily na may kani-kaniyang anak ang dalawang pamilya, ganito ang nagugunita ni Alesia, na 19 anyos na ngayon: “Ang mahalaga ay na magkakatugma ang aking mga magulang kung tungkol sa disiplina. Batid namin na kahit na kung kanino kaming mga anak kami ay lalapatan ng disiplina pagka kami’y gumawa ng mali. Sa tuwina’y iisa ang kanilang pamantayan o mga inaasahan.”

Magtiyaga​—Nangangailangan Ito ng Panahon

“Maigi ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula niyaon. Maigi ang isang matiisin kaysa isang palalong kalooban.” (Eclesiastes 7:8) Samantalang marami ang hindi nakapagtitiis kahit na sa pasimula pa lamang, para sa mga nakapagtitiyaga ay nasasaksihan nila sa bandang huli na nalulutas din ang mga suliranin ng pamilya. “Sang-ayon sa mga mananaliksik ay kailangan ang apat o pitong taon upang mapanuto ang isang bagong stepfamily, upang si ‘kami’ ang maging kaisipan nila,” ang sabi ng autoridad na si Elizabeth Einstein. Baka dahil sa pagkakapit ng mga prinsipyo ng Bibliya ay umikli pa ang palugit na panahong iyan; gayunman talagang kailangan ang ‘pagkamatiisin’!

Ang isang arogante o “mapagpahalaga-sa-sariling lalaki [o babae]” na nag-iisip na alam na alam niya kung paano dapat umandar ang pamilya, at umaasa sa mga biglaang pagbabago, ay “naghihila sa away.” Hindi agad-agad mababago ang nakaugalian nang mga istilo ng pamumuhay at kaisipan na dating sinusunod nang napakatagal na. Huwag ‘magtitiwala sa iyong sariling abilidad’ o silakbo ng kalooban, kundi mahinhing umasa sa patnubay at tulong ni Jehova.​—Kawikaan 28:25, 26, The New English Bible.

Ang Tagumpay Bilang Gantimpala

Ang kaalaman, kahusayan sa trabaho at karanasan ng mga miyembro ng stepfamily ay lalo pang yumayabong dahil sa pinagsanib na dalawang pamilya. Isang inang Kristiyano ang nagsabi sa kaniyang pamangkin: “May pambihirang naitutulong si Valerie sa aming pamilya. Mayroon siyang paraan ng pagmamasid sa mga bagay na kung minsan ay nagpapalawak ng amin namang pangmalas.” Isa nang katangian ang matalik na kaugnayan mo sa iyong tunay na anak, nguni’t ang matalik na kaugnayan sa hindi mo sariling anak​—at baka pa nga pinagwikaan ka ng batang iyon​—ay isang “pambihirang regalo,” sabi ng maligayang mga magulang ng pinagsanib na mga pamilya.

Bagaman ang mga problema ay mabibigat, pagka ito’y napagtagumpayan ay totoong nakagagalak. At napasusulong ang mahalagang mga katangian, tulad ng pagtitiyaga, pag-unawa, empatiya at sakripisyo sa sarili. Natuto akong humarap sa mga suliranin hangga’t makakaya ko at patulong kay Jehova sa iba pa,” ang sabi ni Louise nang mapalaki na niya ang tatlong pamangkin niya. “Natuto ako nang malaki rito. Tinulungan ako upang lalong mapasulong ang aking espirituwalidad. Batid mo na kung naglilingkod ka kay Jehova hindi ka nag-iisa.”

Sulit ang pagod mo pagka nasaksihan mo ang kagantihan, ang pagpupuri sa Diyos ng iyong pamilya. Nang sabihin ni Haring David sa kaniyang anak kung paano magtatayo ng templo sa ikapupuri ni Jehova, sinabi rin niya ang lihim sa pagtatayo ng isang matagumpay na pamilya sa pangalawang asawa. Aniya: “Suma-iyo nawa si Jehova, . . . nawa’y tulungan ka ni Jehova sa matalinong pagpapasiya at pagkaunawa, at . . . sa pagsunod sa kautusan ni Jehova na iyong Diyos. Kung magkagayo’y magtatagumpay ka.”​—1 Cronica 22:11-13.

[Kahon sa pahina 28]

PARA SA PAGTATALASTASAN NG PAMILYA

(1) Magkaroon ng angkop na panahon at lugar para sa regular na pag-uusap tungkol sa iniisip ninyo.

(2) Lahat ay magsalita nang bukal sa puso at kung mayroon mang sama ng loob ay ibulalas iyon. Pahalagahan ang damdamin ng bawa’t miyembro.​—Job 33:3.

(3) Magsalita bilang pagpapahayag ng damdamin imbis na magparatang ng masama. Halimbawa, “Kagabi ay nagdamdam ako at nagalit nang makita kong hindi pa nahuhugasan ang kinainan pagdating ko,” imbis na, “Wala sa inyo na nagmamalasakit. Lahat kayo ay tamad at iresponsable.”​—Colosas 4:6.

(4) Maging mabait sa isa’t-isa at makiisa sa kanilang damdamin.​—Efeso 4:31, 32.

(5) Magtulung-tulong para malutas ang problema, batay sa mga simulain ng Bibliya na kasangkot.

(6) Wakasan ang usapang iyon sa paraang masigla at nakapagpapatibay-loob at makapagpapasigla sa pagsasamahan ng pamilya upang matalos na bawa’t miyembro pala ay mahalaga.​—Efeso 4:29.

[Larawan sa pahina 27]

Ang mga magulang na nagsasanggunian ay kadalasan nakakaiwas sa mga problema tungkol sa kani-kanilang mga anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share