Pinalakas sa Napakahirap na mga Pagsubok
GAYA NG INILAHAD NI ÉVA JOSEFSSON
Isang maliit na grupo namin ang nagkatipon sa Újpest sa distrito ng Budapest, Hungary, para sa isang maikling pagtitipon bago lumabas sa ministeryong Kristiyano. Noon ay 1939, malapit nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal sa Hungary. Yaong mga nakikibahagi sa pagtuturo ng Bibliya sa madla noong mga panahong iyon ay kadalasang inaaresto.
YAMANG ito ang kauna-unahang pagkakataon ko na makibahagi sa gawaing ito, ako’y mukhang balisa at namumutla. Isang nakatatandang Kristiyanong kapatid na lalaki ang bumaling sa akin at nagsabi: “Éva, huwag kang matakot. Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakadakilang karangalan na maaaring taglayin ng isang tao.” Ang mabait at nakapagpapatibay na mga salitang iyon ang nakatulong upang palakasin ako sa maraming napakahirap na mga pagsubok.
Isang Judiong Pinagmulan
Ako ang panganay na anak sa isang pamilyang Judio na binubuo ng limang anak. Si Inay ay hindi nasisiyahan sa Judaismo, kung kaya sinimulan niyang suriin ang ibang relihiyon. Diyan niya nakilala si Erzsébet Slézinger, isa pang babaing Judio na naghahanap din ng katotohanan sa Bibliya. Dahil kay Erzsébet ay nakilala ni Inay ang mga Saksi ni Jehova, at bunga nito, ako man ay naging lubhang interesado sa mga turo ng Bibliya. Di-nagtagal ay sinimulan kong ibahagi sa iba ang aking natutuhan.
Nang ako’y maging 18 noong tag-init ng 1941, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa Ilog Danube. Si Inay ay nabautismuhan din noong panahong iyon, subalit si Itay ay hindi nakibahagi sa aming bagong-tuklas na pananampalatayang Kristiyano. Karaka-raka pagkatapos ng aking bautismo, nagplano akong magpayunir, yaon ay, ang makibahagi sa buong-panahong ministeryo. Kailangan kong magkaroon ng isang bisikleta, kaya nagtrabaho ako sa laboratoryo ng isang malaking pabrika ng tela.
Pasimula ng mga Pagsubok
Nasakop ng mga Nazi ang Hungary, at ang pabrikang pinagtatrabahuhan ko ay napasailalim ng pangangasiwa ng mga Aleman. Isang araw ay ipinatawag ang lahat ng mga manggagawa upang humarap sa mga superbisor upang manumpa ng katapatan sa mga Nazi. Kami’y sinabihan na magkakaroon ng masamang kahihinatnan kapag hindi ito ginawa. Noong panahon ng seremonya kung saan kami’y hinilingan na sumaludo at magsabi ng heil Hitler, ako’y buong galang na tumayo nang tuwid subalit hindi ko sinunod ang ipinagagawa. Ako’y ipinatawag sa opisina nang araw ring iyon, ibinigay ang aking suweldo, at sinesante. Yamang mahirap kumuha ng trabaho, nag-isip ako kung ano ang mangyayari sa aking planong magpayunir. Gayunman, kinabukasan ay nakakuha ako ng bagong trabaho na mayroong mas malaking sahod.
Ngayon ay matutupad na ang aking hangaring magpayunir. Nagkaroon ako ng ilang kasamang payunir, at ang aking huling kasamang payunir ay si Juliska Asztalos. Ang Bibliya lamang namin ang aming ginagamit sa ministeryo, yamang wala kaming literaturang maiaalok. Kapag nakasumpong kami ng taong interesado, kami’y gumagawa ng mga pagdalaw-muli at ipinahihiram namin sa kanila ang literatura.
Paulit-ulit, kailangan naming baguhin ni Juliska ang teritoryong aming ginagawa. Ito’y dahilan sa isang pari, na nang malaman nito na kami’y dumadalaw sa ‘kaniyang tupa,’ ay nagpatalastas sa simbahan na kung may Saksi ni Jehova na dadalaw sa kanila, dapat nilang isumbong ito sa kaniya o sa pulisya. Kapag sinabihan kami ng palakaibigang mga tao tungkol sa gayong patalastas, lumilipat kami sa ibang teritoryo.
Isang araw kami ni Juliska ay dumalaw sa isang kabataang lalaki na nagpakita ng interes. Kami’y nangakong babalik upang ipahiram sa kaniya ang isang babasahin. Ngunit nang bumalik kami, naroon na ang mga pulis, at kami’y dinakip at dinala sa istasyon ng pulisya sa Dunavecse. Ang kabataang lalaki ay ginamit bilang isang pain upang dakpin kami. Pagdating namin sa istasyon ng pulisya, nakita namin doon ang pari at alam namin na kasangkot din siya.
Ang Aking Pinakamatinding Pagsubok
Doon sa istasyon ng pulisya, ang lahat ng buhok ko ay inahit, at ako’y hubo’t hubad na pinatayo sa harap ng mga isang dosenang pulis. Tinanong nila ako, na nais nilang malaman kung sino ang aming lider sa Hungary. Ipinaliwanag ko na wala kaming lider maliban kay Jesu-Kristo. Pagkatapos ay buong lupit nila akong binugbog sa pamamagitan ng kanilang mga batuta, subalit hindi ko ipinagkanulo ang aking Kristiyanong mga kapatid.
Pagkatapos, itinali nila ang aking mga paa at hinawakan ang aking mga kamay sa itaas ng aking ulo at itinali rin ang mga ito. Pagkatapos, isa-isa nila akong hinalay, maliban sa isang pulis. Napakahigpit ng pagkakatali sa akin anupat taglay ko pa rin ang mga marka sa aking pulsuhan pagkaraan ng tatlong taon. Napakatindi ng kalupitang dinanas ko anupat ako’y itinago sa silong sa loob ng dalawang linggo hanggang sa medyo gumaling ang aking malulubhang pinsala.
Isang Panahon ng Ginhawa
Nang maglaon ako ay dinala sa Nagykanizsa, kung saan maraming Saksi ni Jehova. Dalawang maliligayang taon ang sumunod sa kabila ng aming pagkabilanggo. Idinaos namin ang aming mga pulong nang lihim, at kami’y kumilos na parang isang kongregasyon. Marami rin kaming pagkakataon para sa di-pormal na pagpapatotoo. Sa bilangguang ito ay nakilala ko si Olga Slézinger, isang kapatid sa laman ni Erzsébet Slézinger, ang babaing nagpakilala sa amin ng nanay ko sa katotohanan ng Bibliya.
Noong 1944 ang mga Nazi sa Hungary ay nagpasiyang lipulin ang mga Judiong taga-Hungary, katulad ng sistematikong pagpatay nila sa mga ito sa iba pang nasakop na mga lugar. Isang araw ay kinuha nila kami ni Olga. Kami’y isinakay sa bagon ng tren na ginagamit sa paghahatid ng mga baka, at pagkaraan ng napakahirap na paglalakbay sa Czechoslovakia, narating namin ang aming patutunguhan sa gawing timog ng Poland—ang kampong patayan sa Auschwitz.
Pagkaligtas sa Auschwitz
Ang pakiramdam ko’y ligtas ako kapag kasama ko si Olga. Siya’y palabiro kahit na sa napakahirap na mga kalagayan. Pagdating namin sa Auschwitz, humarap kami sa ubod ng sama na si Dr. Mengele, na ang atas ay ihiwalay ang mga bagong dating na hindi na puwedeng magtrabaho sa mga malakas ang katawan. Ang unang banggit ay ipinadadala sa mga gas chamber. Nang turno na namin, tinanong ni Mengele si Olga, “Ilang taon ka na?”
Buong tapang, at may natatawang ningning sa kaniyang mga mata, siya’y sumagot, “20.” Sa totoo ay doble niyan ang edad niya. Ngunit natawa si Mengele at pinapunta siya sa gawing kanan at sa gayo’y nanatiling buháy.
Lahat ng mga bilanggo sa Auschwitz ay tinatandaan ng mga sagisag sa kanilang kasuutang bilanggo—ang mga Judio ay may Bituin ni David, at ang mga Saksi ni Jehova ay may tatsulok na lila. Nang nais nilang itahi ang Bituin ni David sa aming mga damit, ipinaliwanag namin na kami’y mga Saksi ni Jehova at nais namin ng tatsulok na lila. Hindi dahil sa ikinahihiya namin ang aming lahing Judio, kundi kami ngayo’y mga Saksi ni Jehova na. Sinikap nilang pilitin kami na tanggapin ang emblemang Judio sa pamamagitan ng pagsipa at pagbugbog sa amin. Subalit nanindigan kaming matatag hanggang sa tanggapin nila kami bilang mga Saksi ni Jehova.
Nang maglaon, nakita ko ang aking kapatid na si Elvira, na mas bata sa akin ng tatlong taon. Ang aming buong pamilya na binubuo ng pito ay dinala sa Auschwitz. Kami lamang ni Elvira ang sinang-ayunan na malusog upang magtrabaho. Si Itay, Inay, at ang aming tatlong kapatid ay namatay sa mga gas chamber. Hindi pa Saksi si Elvira noon, at hindi kami magkasama sa kampo. Siya’y nakaligtas at nandayuhan sa Estados Unidos, naging isang Saksi sa Pittsburg, Pennsylvania, at nang maglao’y namatay roon noong 1973.
Pagkaligtas sa Iba Pang Kampo
Noong taglamig ng 1944/45, nagpasiya ang mga Aleman na lumikas mula sa Auschwitz, yamang papalapit na ang mga Ruso. Kaya kami ay inilipat sa Bergen-Belsen sa gawing hilaga ng Alemanya. Karaka-raka pagdating namin, kami ni Olga ay ipinadala sa Braunschweig. Dito ay dapat kaming tumulong sa paglilinis ng mga labí pagkatapos ng matinding mga pagbomba ng mga puwersang Allied. Pinag-usapan namin ni Olga ang bagay na ito. Yamang hindi namin tiyak kung ang paggawa nito ay lalabag sa aming neutralidad, nagpasiya kaming hindi makikibahagi rito.
Ang aming pasiya ay lumikha ng kaguluhan. Kami’y hinagupit ng mga latigong balat at saka dinala sa harap ng firing squad. Kami’y binigyan ng isang minuto upang pag-isipan ang bagay na ito, at kami’y sinabihan na kung hindi namin babaguhin ang aming pasiya, kami’y babarilin. Sinabi namin na hindi na namin kailangan pang pag-isipan ito sapagkat buo na ang aming pasiya. Gayunman, yamang wala ang kumander ng kampo at siya lamang ang may kapangyarihang magbigay ng utos na bitay, ang pagbitay sa amin ay kailangang iantala.
Samantala kami’y sapilitang pinatayo sa bakuran ng kampo sa maghapon. Dalawang armadong sundalo, na pinapalitan tuwing dalawang oras, ang nagbantay sa amin. Hindi kami binigyan ng anumang pagkain, at katakut-takot na hirap ang dinanas namin dahil sa ginaw, yamang Pebrero noon. Lumipas ang isang linggo ng ganitong pagtrato, subalit wala pa rin ang kumander. Kaya kami’y isinakay sa likod ng isang trak, at laking gulat namin, dahil nasumpungan namin muli ang aming mga sarili sa Bergen-Belsen.
Kami ni Olga noon ay nasa kakila-kilabot na kalagayan. Nalagas ang karamihan ng aking buhok at inaapoy ako ng lagnat. Napakalaking pagsisikap na para sa akin ang paggawa nang kaunti. Ang malabnaw na sopas na repolyo at maliit na piraso ng tinapay araw-araw ay hindi sapat. Ngunit kailangan naming magtrabaho sapagkat yaong hindi makapagtrabaho ay pinapatay. Ang mga sister na Aleman na nagtatrabahong kasama ko sa kusina ang tumulong sa akin upang makapagpahinga. Kapag parating na ang mga guwardiyang nag-iinspeksiyon, bababalaan na ako ng mga sister, upang makatayo ako sa dako ng trabaho, animo’y puspusang nagtatrabaho.
Isang araw ay wala nang lakas si Olga na magtungo sa kaniyang dako ng trabaho, at pagkatapos niyan ay hindi na kami nagkita pa. Nawalan ako ng isang matapang na kaibigan at kasama, isa na naging isang malaking tulong sa akin noong mahihirap na buwan sa mga kampo. Bilang isang pinahirang tagasunod ng ating Panginoong Jesu-Kristo, malamang na tinanggap na niya kaagad ang kaniyang makalangit na gantimpala.—Apocalipsis 14:13.
Pinalaya at ang Buhay Pagkatapos Niyan
Nang magwakas ang digmaan noong Mayo 1945 at dumating ang paglaya, napakahina ko pa anupat hindi ko makuhang magsaya dahil sa ang pamatok ng mga mang-aapi ay nadurog na; ni nagawa ko mang makisama sa mga komboy ng mga sasakyang nagdadala sa mga napalaya tungo sa mga bansang handang tumanggap sa kanila. Nanatili ako sa loob ng tatlong buwan sa isang ospital upang magpalakas. Pagkatapos ay dinala ako sa Sweden, na naging bagong tahanan ko. Agad akong nakipagkita sa aking Kristiyanong mga kapatid at nang maglaon ay kinuha ko ang mahalagang kayamanan ng ministeryo sa larangan.
Noong 1949, kami’y nagpakasal ni Lennart Josefsson, na sa loob ng mga taon ay naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Siya man ay nabilanggo noong Digmaang Pandaigdig II dahil sa pananatili niya sa kaniyang pananampalataya. Sinimulan namin ang aming buhay na magkasama bilang mga payunir noong Setyembre 1, 1949, at kami’y naatasang maglingkod sa bayan ng Borås. Noong unang mga taon namin doon, kami’y regular na nagdaraos ng sampung pag-aaral sa Bibliya sa bawat linggo sa mga interesado. Nagkaroon kami ng kagalakang makita ang kongregasyon sa Borås na maging tatlo sa loob ng siyam na taon, at ngayon ay may limang kongregasyon doon.
Hindi ako nanatiling payunir nang matagal dahil kami’y naging mga magulang sa isang anak na babae noong 1950, at pagkaraan ng dalawang taon, sa isang anak na lalaki. Sa gayo’y nagkaroon ako ng nakalulugod na pribilehiyo ng pagtuturo sa aming mga anak ng mahalagang katotohanan na itinuro sa akin ng isang mahal na kapatid nang ako’y 16 lamang, yaon ay: “Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakadakilang karangalan na maaaring taglayin ng isang tao.”
Kapag ginugunita ko ang aking buhay, batid ko na naranasan ko ang katotohanan ng isinulat ng alagad na si Santiago nang ipaalaala niya sa atin ang tungkol sa pagbabata ni Job: “Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Bagaman ako ay dumanas din ng napakahirap na mga pagsubok, ako’y saganang pinagpala ng dalawang anak, ng kani-kanilang asawa, at anim na apo—pawang mga mananamba ni Jehova. Bukod pa riyan, nagkaroon ako ng maraming-maraming espirituwal na mga anak at mga apo, na ang ilan sa kanila ay naglilingkod bilang mga payunir at mga misyonero. Ngayon ang aking dakilang pag-asa ay ang makita ang mga mahal sa buhay na natutulog sa kamatayan at mayakap sila kapag sila’y bumangon na mula sa kanilang mga alaalang libingan.—Juan 5:28, 29.
[Larawan sa pahina 31]
Sa ministeryo sa Sweden pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II
[Larawan sa pahina 31]
Kapiling ng aking asawa