Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Isang Mataktikang Paraan
1 “Ang inyong pananalita nawa’y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa’t isa.” (Col. 4:6) Anong inam na payo ang ibinigay ni apostol Pablo! Makabubuting ingatan ito sa kaisipan habang ibinabahagi natin ang katotohanan sa iba.—2 Cor. 6:3.
SA MINISTERYO SA BAHAY-BAHAY
2 Ang taktika ay nagsasangkot sa pagkaalam kung ano ang gagawin at sasabihin upang mapanatili ang mabuting relasyon sa iba at maiwasan ang makasakit. Sa ating ministeryo sa bahay-bahay ating nasusumpungan ang mga tao na nagsasabi sa atin na sila’y abala. Kung makita natin na sila’y talagang abala, maaari nating alukin sila sa maikli ng literatura at sabihin sa kanila na tayo ay nagnanais bumalik sa ibang pagkakataon upang kausapin sila. Kung waring Hindi naman sila lubhang abala, maaari nating sabihin, “Kung gayon ay iiklian ko na lamang.” Pagkatapos, sa maikli ay sabihin natin ang nais nating talakayin, na ang ating komento ay sa loob lamang ng isang minuto o higit pa nang kaunti.
3 May pagkakataong makakasumpong tayo ng mga maybahay na walang galang. Hindi natin nais na maging magaspang sa ating pagsagot na “gumaganti ng masama sa masama.” (Roma 12:17) Kailangan nating maging mataktika, na binibigyang pansin ang Kawikaan 15:1: “Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot.” Ang materyal sa mga pahina 15-24 ng aklat na Reasoning ay tutulong sa atin na tumugon sa maybahay sa isang mabanayad at mataktikang paraan.
SA MGA PAGDALAW-MULI
4 Kapag tayo ay bumabalik sa mga indibiduwal na kumuha ng literatura nasusumpungan natin na kadalasa’y hindi pa nila tinitingnan man lamang ang publikasyon. Nais nating pasiglahin ang gayong tao na basahin ang literatura na kanilang kinuha. Upang magawa ito maaari nating mataktikang ipakita ang mga kapanapanabik na tanong na sinasagot ng publikasyon. Maaaring magbigay ito sa kanila ng espirituwal na gana at magpasigla sa kanilang tingnan ang publikasyong taglay nila.
5 Marami sa atin ang nagkaroon ng karanasan na gumawa ng kasunduan ukol sa isang pagdalaw-muli, subali’t wala ang tao sa bahay nang tayo ay dumalaw. Bagaman ito ay hindi kasiyasiya, kailangan tayong maging mataktika sa ating sasabihin kapag nasumpungan nating muli ang taong iyon. Maaaring sabihin natin sa kaniya na tayo’y nalulungkot na hindi siya nasumpungan sa bahay at banggitin na tayo ay magsisikap na dumalaw-muli at umaasang magkakaroon ng karagdagang pag-uusap sa Bibliya.
SA MGA PAG-AARAL SA BIBLIYA
6 Hindi laging naghahanda ang mga indibiduwal para sa kanilang pag-aaral. Kapag ganito, maaaring gumamit tayo ng panahon upang ipakita sa kanila kung paano maghahanda. O maaaring ipakita ang ilang bagay na kanilang matututuhan sa pamamagitan ng paghahanda nang patiuna.
7 Ang indibiduwal na ating tinuturuan ay maaaring hindi dumadalo nang palagian sa mga pulong. Maaari nating talakayin ang mga kasulatan gaya ng Awit 133:1 o Hebreo 10:24, 25 at tanungin siya kung ano ang kaniyang unawa sa mga bersikulong ito. Ang ilang mga mamamahayag ay maaaring naiinip doon sa mabagal ang pagsulong. Subali’t dapat nating tandaan na hindi magkakatulad ang mga indibiduwal, anupa’t kailangan nating magpakita ng mas malaking pagtitiyaga sa iba.
8 Sinabi ni Pablo kay Timoteo na “ang isang alipin ng Panginoon . . . ay kailangang maamo sa lahat, . . . na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalansang.” (2 Tim. 2:24, 25) Kung totoo ito sa “mga nagsisisalansang,” yaong mga nagpakita ng interes anupa’t pumayag na makipag-aral ay dapat na pakitunguhang may kaamuan at sa mataktikang paraan. Kalakip dito ang ating mga anak at iba pa sa ating sambahayan na ating tinuturuan.
9 Sa lahat ng bahagi ng ministeryo, tularan nawa natin ang Dakilang Guro, si Jesus, na nagsabi, “Ako’y maamo at mapagpakumbabang puso.” (Mat. 11:29) Tayo ay maging mataktika at maamo sa lahat.