Ang Higit na Kaligayahan sa Pagbibigay—Nararanasan Mo Ba Ito?
ANG mga ilaw sa silid na pinagpipigingan ay pinalamlam. Ang musika ay pinahina. Ang mga mananayaw ay huminto na. Isang ilaw ng lente ang itinutok sa isang piramide ng mga kahon na magarang nababalot. May malalaking kahon at maliliit na kahon. May mga parisukat at mga bilog, may mga kulay rosas at mga kulay asul, mga kulay-pilak at mga kulay-ginto. Pawang nagagayakan ng kaakit-akit na mga ribon at mga laso. Maingat na binubuksan ng nininerbiyos na mga kamay ng sabik na nobya ang bawat kahon, samantalang tahimik na tinutulungan siya ng kiming nobyo.
May mga toaster at mga blender para sa kusina; mga pinggan at mga kubyertos, mga mantel at katernong mga serbilyeta para sa silid kainan. Napakaraming tuwalya at mga bimpo ay sagana, at mga kumot at mga punda na magagamit habang buhay. May sapat na orasan sa bawat silid sa bahay at mga aklat sa pagluluto na may sapat-sapat na mga resipe na makasisiya sa panlasa ng bawat dalubhasa sa pagkain.
Habang ang mga regalo ay binubuksan nariyan ang mga “ooh” at mga “aah” at ang taos-pusong pasasalamat ng bagong kasal. Naranasan nila ang kaligayahan sa pagtanggap mula roon sa nakababatid sa kagalakan ng pagbibigay.
Ang mga kasalan, mga anibersaryo, Kapaskuhan, mga kompleanyo, at marami pang ibang pagdiriwang ay pawang sosyal na mga kaugalian kung saan ang pagbibigay ng regalo ay isang inaasahan at tinatanggap na bahagi ng mga ritwal. Subalit dahilan sa ito ay inaasahan sa maraming bansa, karaniwan nang ito’y nagiging pabigat sa tagapagkaloob na nag-aalis ng kagalakan sa pagbibigay. Gayunman, mayroong kusang-loob na pagbibigay, ang pagbibigay na hindi inaasahan. Ito’y nagdudulot ng tuwa sa tumatanggap, ang kaloob man ay maliit o malaki, at ito’y nagdudulot ng pinakamalaking kaligayahan sa nagbibigay.
Sabihin pa, yaong mayroong higit ay nakapagbibigay ng higit. Halimbawa, ang ika-19 na siglong industriyalista ng Amerika na si Andrew Carnegie ay maaari sanang naging ang unang bilyonaryo ng kaniyang bansa. Sa halip, ipinamigay niya ang 90 porsiyento ng kaniyang kayamanan sa isang yugto ng 18 taon. Nang siya’y babalaan ng kaniyang kalihim na inuubos niya ang kaniyang personal na kapital, maligaya siyang tumugon, “Natutuwa akong malaman iyan iho, ipagpatuloy mo.” Nakita rin ng panahong iyon si John D. Rockefeller, isa sa pinakamayaman na tao sa daigdig, na namigay ng $750 milyon sa buong buhay niya. Naisulat na ang mang-aawit na si Elvis Presley ay “namimigay ng dose-dosenang Cadillac” at lubusang nasiyahan sa paggawa ng gayon.
Hindi Isang Bagong Kaugalian
Ang pagbibigay ng mga regalo ay isang kaugalian na kasintanda na halos ng tao mismo. Mula sa pinakamaagang panahon ito ay gumanap ng mahalagang bahagi sa mga buhay ng mga tao. Ang may edad nang alipin ni Abrahan ay nagbigay kay Rebeca ng mga kaloob na alahas pagkakita sa katibayan na ito nga ang inatasan ni Jehova bilang asawa ni Isaac. Nagbigay rin siya ng “mahahalagang bagay sa kaniyang kapatid na lalaki at sa kaniyang ina.” (Genesis 24:13-22, 50-53) Nang matapos ang paghihirap na dinanas ni Job, siya ay binigyan ng mga regalo ng kaniyang mga kapatid na lalaki at babae at dating mga kakilala—bawat isa’y nagbigay ng “isang putol ng salapi at bawat isa’y ng isang singsing na ginto.”—Job 42:10, 11.
Nang ang di-pinanganlang reyna ng Sheba ay maglakbay sa Jerusalem upang dalawin si Haring Solomon, siya ay napasigla ng bigay-Diyos na karunungan ni Solomon at sinabi niya na maligaya ang mga alipin ni Solomon sapagkat naririnig nila at nakikinabang sila mula sa pinakamatalinong tao na ito. Gayon na lamang ang epekto nito sa kaniya anupa’t binigyan niya si Solomon ng mga kaloob na 120 talentong ginto (nagkakahalaga halos ng $50,000,000) gayundin ng mamahaling hiyas at pagkamahal-mahal na langis ng balsamo. Maaaring naubos niya ang pananalapi ng kaniyang munting kaharian dahil sa napakalaking halaga, subalit tiyak na naranasan niya ang kagalakan sa pagbibigay. Si Solomon man ay dumanas din ng kagalakan sa pagbibigay, sapagkat sinuklian din niya ang reyna ng mga regalo na maliwanag na nakahihigit sa halaga ng mga kayamanan na ibinigay sa kaniya ng reyna.—2 Cronica 9:12; American Translation, Moffatt.
Ang mga sinaunang Kristiyano ay nagbigay ng mga kaloob o mga kontribusyon alang-alang sa kanilang nangangailangang mga kapatid. Si apostol Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Macedonia at Acaya, na, bagaman mahihirap, ay ibinigay ang kanilang mga sarili na higit kaysa kanilang aktuwal na kakayahan sa pagbibigay para sa kanilang mga kapatid na nangangailangan sa Judea. “Ito’y kalugud-lugod sa kanila,” sabi ni Pablo.—Roma 15:26, 27.
Mga Regalong “Nangungusap”
Ngayon, maliwanag na ang pagbibigay ng regalo ay patuloy na nagiging isang mahalagang paraan ng tao sa pagtatatag at pagpapatibay sa buklod ng pag-ibig at pagkakaibigan, upang ipaalam sa iba na tayo ay nagmamalasakit.
May mga regalo mula sa isang kabiyak para sa kabiyak, upang magsabi lamang ng, “Mahal kita”—isang simpleng kahon ng kendi o isang pumpón ng mga bulaklak. May mga regalo mula sa mga bata para sa mga magulang. At sinong mapagmahal na mga magulang ang hindi laging nagbibigay sa kanilang mga anak? May mga regalo upang paginhawahin ang bagbag na puso, upang aliwin ang kaluluwang nanlulumo, upang magsabi ng “gumaling ka sana agad,” upang magpahayag ng pasasalamat sa mga kabaitang ipinakita at sa pagiging mapagpatuloy, o basta magsabi, “Ako’y nagkaroon ng kahanga-hangang panahon.”
May mga regalo sa mga nangangailangan, sa mga biktima ng kasakunaan na maaaring hindi natin nakita at maaaring hindi tayo tumanggap ng pasasalamat. Isang basket ng mga prutas para sa maysakit, mga halaman sa isa na hindi makalabas ng bahay dahil sa karamdaman, isang alahas para sa isang mahal na kaibigan—mumunting mga bagay na nangangahulugan ng malaki. Ito’y pagbibigay na may kagalakan na nagmumula sa puso. Ito ang mga regalo na kadalasa’y lubhang itinatangi.
Sa lahat ng mga okasyon sa pagbibigay, wala nang hihigit pa sa pambuong-daigdig na pagtatanghal kung Pasko. Ito’y isang walang-habas na pagbibigay ng regalo na nag-uugat din sa nakaraan. Ito’y isang pagdiriwang na kinatatakutan ng marami at buong pananabik na hinihintay naman ng iba pa. Ito’y maaaring mangahulugan ng pinansiyal na kapahamakan o kasaganaan. Bagaman ang nagpapalitan ng mga regalo ay mga magkakaibigan, ang ritwal ay maaaring magpalapit sa kanila o magpalayo sa kanila. Ang kabalintunaang ito ng pagbibigay kung Pasko ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 2]
Ang mga laruan ay nagdudulot ng katuwaan, SUBALIT KAYO ANG PINAKAMAGALING NA REGALO NG INYONG ANAK!