Ang mga Ito’y Makatutulong sa Iyo na Mangaral
NANG sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na humayo at mangaral, marahil ay wala silang ideya ng lubos na kahulugan ng kaniyang iniutos sa kanila na gawin. (Mateo 10:7) Buong pagkamasunurin, na tinularan nila ang kaniyang halimbawa at sila’y naparoon sa “mga bayan at sa mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Iyon ang maliit na pasimula ng isang pagsisikap sa pangangaral na lumaganap nang lumaganap hanggang sa ang mabuting balita ng Kaharian ay maitawag-pansin sa mga tao sa buong lupa.
Noong mga sinaunang araw ng kongregasyong Kristiyano, ang pangangaral ay, una sa lahat, ginagawa sa pamamagitan ng bibigang paraan. Ang mga alagad ni Kristo ay nakipag-usap sa kaninuman na makikinig. “Sa araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:42.
Mahahalata na sila’y may pagtangkilik ng Diyos sapagkat sila’y nakagawa ng mga tanda. (Gawa 14:3) Maraming tao ang napagaling sa kanilang pisikal na mga sakit at pagkatapos ay nakinig naman sila sa mga salita na nagpagaling sa espirituwal. Kaya naman, “ang mga mananampalataya sa Panginoon ay patuloy na nangaragdagan.”—Gawa 5:14-16.
Pagpapalaganap sa Ngayon ng Mabuting Balita
Nang mamatay na ang mga apostol, ang mga kaloob na pagpapagaling at pagsasalita ng mga wika ay huminto. Subalit ito ba sa anumang paraan ay bumago sa pag-uutos na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad? Hindi! Kaniyang sinabi sa kanila na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa,” at samantalang ginagawa nila iyon, siya’y sasa-kanila “lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Sa ngayon, malinaw ang patotoo ng Kasulatan na tayo’y nabubuhay sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Tinupad ba ni Jesus ang kaniyang pangako na siya’y sasa-kaniyang mga alagad sa gawaing paggawa ng mga alagad? Ang ebidensiya ay nagpapatunay na oo!
Imposibleng magawa ng tao na sa pamamagitan lamang ng salita ng bibig ay marating ang bilyun-bilyong mga tao sa lupa. Kaya naman, naglaan ng tulong sa pamamagitan ng literatura sa Bibliya na maaaring mabasa ng mga tao sa kanilang sariling tahanan. Halimbawa, noong 1879 nang isang grupo ng masigasig na mga estudyante ng Bibliya ay nagnais na maparating sa iba ang mensahe ng Kaharian ng Diyos, sila’y nagsimulang lumimbag ng literatura, tulad baga ng magasin sa Bibliya na ngayo’y kilala sa tawag na Ang Bantayan, at gayundin ang mga tract o papelito na may mga paksa sa Bibliya. Sa pasimula ay mga komersiyal na tagalimbag ang ginamit nila upang lumimbag ng literatura. Nang sumapit ang 1920 sila’y mayroon na ng kanilang sariling palimbagan sa isang upaháng gusali, at noong 1927 ay nakapagtayo na sila ng kanilang sariling pabrika upang lumimbag ng mga Bibliya, aklat, pulyeto, magasin, at tract para gamitin ng sinumang may hangarin na tumulong sa pagganap sa ibinigay ni Jesus na utos sa kaniyang mga alagad.
Palibhasa’y hindi nasiraan ng loob dahil sa mga mananalansang na nagsabing mabibigo raw ang proyektong ito na pagpapalimbag, naisasakatuparan ng Watch Tower Society ang pagpapatayo ng mga palimbagan sa mga bansa sa buong globo. Kahit na lamang noong nakaraang taon, sila’y nakapaglimbag ng mahigit na 63,000,000 mga Bibliya, aklat, at pulyeto at mahigit na 582,000,000 magasin sa mahigit na 200 wika.
Ang literatura na kanilang inilalathala ay totoong mahalaga bilang panustos sa espirituwal na pangangailangan ng mga tao. Lumimbag ng mga aklat na nilayong makarating sa mga taong may kanilang sariling punto-de-vista at mga paniwala. Angaw-angaw na mga kabataan ang nagpahalaga sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at sa Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito. Ang Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya ay naging malaking tulong sa pagpapatibay sa ugnayan ng pamilya at sa pagtuturo sa mga mag-asawa na magpakita ng lalong malaking pag-ibig sa isa’t isa. Ang isang tulong para sa mga baguhan na nagnanais gawing sarili nila ang katotohanan ay ang Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos. Napatunayan ng mga taong bumabasa ng aklat na ito na sila’y pinapag-isip at pinapangatuwiran nang lalong malalim tungkol sa kanilang relasyon sa Diyos.
Ang aklat na kadalasa’y tinutukoy na “bombang asul,” Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan, ay nagkaroon ng pambihirang epekto sa buhay ng angaw-angaw na mga tao. Kung ilan pa ang marahil kikilos upang maglingkod sa Diyos bilang resulta ng mga katotohanan sa Bibliya na kanilang natutuhan sa aklat na ito, iyan ay nakatakdang makita pa natin.
Sa kasalukuyan, yaong mga taong gumagawa ng pangangaral ng mabuting balita sa ilalim ng patnubay ni Jesus ay tinutulungan ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Angaw-angaw na mga tao ang inaaralan sa Bibliya, at marami sa kanila ang nagbabago ng kanilang pamumuhay upang makasuwato ng mga pamantayan sa Bibliya.
Halimbawa, isang 68-taóng-gulang na lalaki sa Estado ng New York ang pinadalhan ng kaniyang kapatid na nasa Colorado ng literatura ng Watch Tower upang basahin niya. Agad namang binasa ng taong iyon ang lahat ng aklat na ipinadala sa kaniya at nalugod siya na magsimula ng pag-aaral sa aklat na Mabuhay Magpakailanman nang isang Saksi ang dumalaw sa kaniyang tahanan. Sa buong buhay niya, ang taong ito ay nakatipon ng mahalagang makasaysayang mga armas, subalit nang kaniyang mabasa na yaong mga naglilingkod kay Jehova ay hindi na mag-aaral ng pakikidigma, ang kaniyang mga armas ay agad niyang ipinagbili sa halagang luging-lugi siya. (Isaias 2:4) Isa pa, pagkatapos na maging isang pusakal na maninigarilyo nang may 53 taon, siya’y agad huminto nang kaniyang mabasa na ito’y di-nakalulugod kay Jehova. (2 Corinto 7:1) Nang kaniyang mapag-aralan na siya’y dapat mamahagi sa iba ng mabuting balita, siya’y ninenerbiyos na naghandang dalawin ang kaniyang anak na lalaki at manugang na babae upang kausapin sila at ang kaniyang mga apo. Nang pumasok siya sa silid-tulugan ng bisita, siya’y natuwa nang makita niya ang aklat na Mabuhay Magpakailanman sa ibabaw ng lamesa. Pinag-aaralan pala iyon ng kaniyang manugang ngunit hindi nito matiyak kung paano ibabalita sa kaniya ang paksang iyon. Kapuwa sila sumulong nang mabilis sa pag-aaral.
Sa Espanya, isang dakong pinagpupulungan ng mga Saksi ni Jehova ang itinayong karatig ng isang simbahang Katoliko. Galit na galit ang pari. Sinabi niya na kung alam niyang magtatayo roon ng isang dakong pulungan ang mga Saksi, kaniya sanang nabili ang lupa upang mahadlangan sila ng paggamit nito. Ang Kingdom Hall na ito ay may bintana na kung saan nakadispley ang aklat na Mabuhay Magpakailanman. Bawat araw isang miyembro ng kongregasyon ang nagbubuklat ng isang pahina. Ang mga tagaroon ay humihinto at kanilang binabasa ang bagong buklat na pahina. Kaya naman, maraming tao ang nagpapakita ng interes, at may mga pag-aaral sa Bibliya na nasimulan. Oo, ang aklat ay napatunayang isang tahimik ngunit epektibong saksi.
Ang Bahagi ng mga Magasin sa Pagpapalaganap ng Mabuting Balita
Nang ilathala noong Hulyo 1879 ang unang labas ng The Watchtower, 6,000 sipi lamang ang nilimbag. Sa kabila nito, ang munting grupo na bumasa nito nang buong pananabik ay nagbalita sa iba ng kanilang nabasa. Sa ngayon, mahigit na 3,500,000 mga Saksi ni Jehova ang gumagamit sa 13,000,000 sipi na nililimbag bawat labas upang ihayag ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
Ang magasin ay malaking tulong sa pagpapaliwanag ng iba’t ibang paksa sa Kasulatan. Isang patuloy na serye sa Ang Bantayan ang tumatalakay sa buhay at ministeryo ni Jesus. Ito’y tumulong sa angaw-angaw upang maguni-guni at lalong higit na maunawaan ang mahahalagang paglalahad sa Ebanghelyo.
Mga pantanging serye sa kapuwa Ang Bantayan at Gumising! ang dinisenyo upang marating ang puso ng mga kabataan. Ang seryeng “Ang Salita ng Diyos ay Buháy” ang nagturo ng maraming simulain at nagbigay-linaw sa maraming isyu na nasa isip ng mga tao. Ang seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” ay tumalakay sa mga katanungan sa tunay na buhay, pagkatapos ay nagbigay ng praktikal na mga sagot na sinusuhayan ng mga teksto sa Kasulatan upang umakay sa kaisipan at kilos ng kabataan sa mga araw na ito ng kabagabagan. Pagka itinatampok ng mga Saksi ni Jehova ang mga artikulong ito sa pag-aalok ng mga magasin, napakahusay ang naging pagtugon.
Subalit bukod sa mga artikulo tungkol sa mga pantanging paksa, ang tunay na pagkaing dulot ng Ang Bantayan ay ang mga pangunahing artikulo, na nagpapatibay ng pananampalataya at kumbiksiyon ng lahat na mga tunay na Kristiyano. Ang salig-Kasulatang mga artikulong ito ay nagbibigay ng kapani-paniwalang katibayan na malapit na malapit na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay, tinatalakay nito ang katuparan ng mga hula sa Bibliya, at nagbibigay ng sumasaliksik-pusong payo tungkol sa kung paano dapat mamuhay ang mga Kristiyano dahil sa kaselangan ng panahon. Taglay ang kaalamang ito, disidido ang mga Kristiyano na gamitin sa kanilang pangangaral ang mga bagay na kanilang natutuhan.
Kung gaano pa tatagal ang gawaing pangangaral na ito bago dumating ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay, iyan ay hindi natin alam. Gayunman, matitiyak natin na ang mga lathalaing nilimbag at ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova ay magpapatuloy na makatulong nang malaki sa mga Kristiyano samantalang sila’y tumatalima sa utos ng kanilang Pinuno, si Jesus.