Purihin si Jah sa Pamamagitan ng Pagkuha ng mga Suskripsiyon
1 Anong kagalakan na tanggapin ang bawa’t bagong isyu ng Ang Bantayan! Ito’y naglalaan ng kanais-nais na espirituwal na pagkain at payo, at nagbabantay sa mga pangyayari sa daigdig habang tinutupad nito ang hula ng Bibliya. Dahilan dito ating higit na mapapahalagahan ang ating mga pagkakataon na purihin si Jehova.—Amos 3:7; Heb. 13:15.
2 Sa taóng ito ng paglilingkod, Ang Bantayan ay nagtampok ng mga paksang gaya ng “Ang Ginintuang Tuntunin—Lipas Na Ba?” at “Kapayapaan—Mangyayari Kaya sa Pamamagitan ng Disarmamento?” Sa mahigit na isang daang taon, ang magasing ito ay nagtaguyod sa Kaharian ng Diyos bilang tunay na lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Kasama ang Gumising!, tinulungan ng magasing ito ang mga mambabasa na kanilang makitang ang mga nangyayari sa panahong ito ay tanda ng “mga huling araw.”—2 Tim. 3:1-5.
ANG MGA SUSKRIPSIYON AY NAGLALAAN NG ESPIRITUWAL NA PAGKAIN
3 Sa Abril at Mayo itatampok natin ang suskripsiyon maging sa Ang Bantayan o Gumising! Mayroon na bang personal na suskripsiyon ang bawa’t miyembro ng inyong pamilya? Kung gayon, mairerekomenda kaagad ninyo na sumuskribe din ang iba. Maging masigla kapag nag-aalok ng suskripsiyon tulad ng pag-aalok ng indibiduwal na kopya sa araw ng magasin.
4 Huwag kaagad hatulan kung baga sususkribe o hindi ang indibiduwal, kundi hayaang tumugon ang tao sa inyong taimtim at masiglang presentasyon. Nagkaroon ng mas positibong saloobin ang isang kapatid na babae dahilan sa kasabihang: “Hindi mo mahahatulan ang isang aklat sa pabalat lamang nito.” Natutuhan niyang lalong gayahin si Jehova, na hindi nagtatangi. (Gawa 10:34) Nakapag-alok na ba kayo ng suskripsiyon sa inyong mga estudiyante sa Bibliya, ruta ng magasin, kamanggagawa, kapitbahay, at mga kamag-anak?
5 Kadalasang sinasabi ng maybahay na wala silang pera sa panahong iyon. Kapag ito’y nangyari at may pagnanais naman ang tao, punan ang subscription slip sa pagkakataong iyon at pagkatapos ay balikan na lamang ang kontribusyon. Tiyaking bumalik sa pinagkasunduang panahon.
IMPORMAL NA PAGPAPATOTOO
6 Ang impormal na pagpapatotoo ay lalo nang binibigyan ng pagdiriin sa mga panahong ito. Ito ay isang napakainam na paraan ng pakikipag-usap sa mga hindi natatagpuan sa tahanan kapag tayo ay nagbabahay-bahay. Ano naman ang tungkol sa inyong mga kamanggagawa? Sa buwan ng kampanya ng suskripsiyon, nagpasiya ang isang kapatid na mataktikang magpatotoo sa kaniyang mga kamanggagawa. Siya’y naglagay ng tunguhing sampung suskripsiyon. Gayumpaman, siya’y namangha nang makapag-ulat ng 68 suskripsiyon sa buwang iyon!
7 Sa mga tahanang doo’y tumanggi sa suskripsiyon, maaari nating sabihin ang gaya nito: “Bagaman hindi ninyo nais sumuskribe sa pagkakataong ito, ako’y naniniwala na masisiyahan kayo sa isyung ito na ating tinalakay. Inyo na ito kasama ang isa pang magasin sa ₱5.00.”
8 Hinihimok tayo ng mang-aawit: “Purihin si Jah, kayong mga bayan.” (Awit 147:1) Gawin natin ito sa pamamagitan ng masigasig na pag-aalok ng mga suskripsiyon sa Abril at Mayo.