Pasulungin ang Ating Pagkamabisa Bilang mga Ministro
1 Yamang ang kapakanan ng Kaharian ang siyang may pangunahing dako sa ating mga buhay, nanaisin nating maging mahusay sa ministeryo. (Mar. 13:10) Gaano mang katagal na tayong nangangaral, nanaisin nating patuloy na pasulungin ang ating pagkamabisa bilang mga ministro. Papaano natin magagawa ito?
2 Ang karamihang nasa mga larangang propesyonal ay patuloy na nagpapasulong sa kanilang kaalaman at mga kakayahan. Bilang mga ministro, tayo ay nangangailangan ding maging masikap sa pagpapasulong sa ating kakayahan na gumawa ng mga alagad. Dapat nating hanapin ang mga bagong pamamaraan ng paglapit na nakatatawag-pansin sa lahat ng uri ng mga tao.—Mat. 28:19, 20.
HARAPIN ANG HAMON
3 Ngayong pinabibilis ni Jehova ang gawaing pagtitipon, tayo ay dumadalaw sa ating kapuwa nang mas malimit. Dahilan sa lumalaking gawain natin, ang mga presentasyon na noong una’y mabisa ay maaaring hindi na ngayon nakatatawag-pansin sa mga tao. Ang uri ng ating ministeryo ay kakailanganing mapasulong.
4 Mahalagang magkaroon ng isang positibong pangmalas upang tunay na maging bihasa sa ating gawain. Ang paggamit sa mga praktikal na mungkahi sa Hulyo 15, 1988 na Bantayan ay makatutulong sa atin sa bagay na ito. Halimbawa, sa pahina 16, parapo 6, tinatalakay kung papaanong ipakikilala ang sarili sa isang kasiyasiya at positibong paraan sa teritoryo na dinadalaw ninyo halos linggu-linggo at kayo’y kilala na doon.
5 Nagawa na ba ninyo ang inyong teritoryo sa pamamagitan ng tuwirang pag-aalok ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya? Ginagawa ba ninyo ang mga teritoryo ng negosyo? Maaari bang gumawa ng pagpapatotoo sa lansangan sa angkop na mga panahon? Kailangang repasuhin ang mga mungkahing ibinigay sa Hulyo 15, 1988 ng Bantayan. Ang pagkakapit sa gayong mga mungkahi ay tutulong sa atin na mapasulong ang pagkamabisa natin bilang mga ministro.
6 Kasangkot sa pagkamabisa ay ang pagiging puspusan. (Efe. 6:13) Maging alisto na alamin kung mahigit pa sa isang pamilya ang tumitira sa isang bahay. May mga tao na tumitira sa silong ng apartment, o sa iba pang lugar na malayo sa bukana. Hanapin ang iba’t ibang miyembro ng pamilya—isang matandang tao na hindi karaniwang nagbubukas ng pinto o kaya’y isa na nasa trabaho kapag karaniwang ginagawa ng mga pagdalaw sa tahanang iyon. Maaaring kung dadalaw sa ibang oras, kaypala’y masusumpungan ninyo ang iba pang miyembro ng pamilya.
GAWIN ITONG ATING TUNGUHIN
7 Ang pagpapasulong sa ating pagkamabisa ay isang karapatdapat na tunguhing maaaring tamuhin ng karamihan sa atin. Kailangan ang taus-pusong panalangin at patiunang paghahanda. Habang sumusulong ang ating pagkamabisa, matutulungan natin ang iba pa na gumawa ng gayunding pagsulong.—Gal. 6:6.
8 Tandaan, ang ating gawaing pagtuturo ay hindi magtatapos sa “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21) Inaasahan natin ang maraming taon ng pagtulong sa mga bubuhaying-muli upang matuto ng mga daan ni Jehova. Sa pamamagitan ng ating pagkamabisa ngayon, malaki ang ating magagawa sa ministeryo—sa ikaluluwalhati at ikapupuri ni Jehova.