Patuloy na Sabihing, “Halika!” sa mga Nais Makinig
1 Idiniin ni Jesus ang pangangailangan na lubusang makinig ang mga tao sa pabalita ng katotohanan. (Mat. 11:15; 13:9, 43) Nababatid niyang napakahalaga nito upang maunawaan nila ang kaniyang turo, yamang siya’y nagbibigay ng kaalaman na maaaring umakay patungo sa buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
2 Ang gayong nagbibigay-buhay na kaalaman ay isang napakahalagang bahagi ng “tubig ng buhay” na makukuha ng mga nauuhaw. (Apoc. 22:17) Ang lahat ng nauuhaw ngayon sa katuwiran ay nangangailangang patibayin upang samantalahin ang kaloob na walang bayad ni Jehova. (Isa. 55:1) Kayo ba’y kabilang sa milyun-milyon ngayon na nagsasabi, “Halika!” sa mga nagnanais makinig?
PAPAANO NINYO SASABIHING, “HALIKA!”
3 Ang Mayo ay ikalawang buwan sa ating kampanya sa Bantayan. May bubuti pa kaya ritong instrumento para itawag-pansin ang kamangha-manghang paglalaan ukol sa buhay? Ang Bantayan ay makatutulong sa marami na magtamo ng kalayaan mula sa mga relihiyosong pamahiin at mga kasinungalingan. Anong mga pagkakataon ang nasusumpungan natin sa pag-aalok ng suskripsiyon ng Bantayan?
4 Ang isang mainam na paraan ng pag-aalok ng suskripsiyon ay sa bahay-bahay. Subali’t may iba’t ibang paraan din, tulad ng sa mga pagdalaw-muli o pagdadala ng kasalukuyang mga isyu sa inyong ruta ng magasin. Ang ilang mamamahayag ay nagiging matagumpay sa pagkuha ng mga suskripsiyon mula sa mga taong interesado na kanilang nasusumpungan sa paggawa sa lansangan. Mapasisigla natin ang mga suskritor na magpadala ng mga regalong suskripsiyon sa kanilang mga kaibigan o mga kamag-anak. Nanaisin din ninyong magpadala ng ilang mga regalong suskripsiyon. Ang mga suskripsiyon ay maaari ring ialok sa mga kakilala sa negosyo, mga kamanggagawa, o mga kamag-aral. Maaaring makaisip pa kayo ng iba pang posibilidad.
PATULOY NA SABIHING, “HALIKA!”
5 Patuloy na magpakita ng interes sa pagtulong sa mga sumuskribe noong Abril. Tiyaking balikan kaagad iyon. Marahil ay makapagsisimula kayo ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kanila at imungkahi sa kanilang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon kasama ninyo. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng taimtim na interes sa kanila, sila’y maaaring tumugon nang may pagsang-ayon at mapakilos upang gumawa ng espirituwal na pagsulong.
6 Ang paanyayang, “Halika!” ay ipinaaabot sa mga tao ng lahat ng mga bansa. Sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesus, si Jehova ay saganang nagbibigay ng kaloob na buhay sa lahat ng tutugon sa paanyayang, “Halika!” at “kukuha ng walang bayad na tubig ng buhay.” Magkakaroon ba kayo nang lubusang bahagi sa pagpapaabot ng paanyaya sa iba sa Mayo?