Paghaharap ng Mabuting Balita—Pag-aalok ng Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
1 Habang tayo ay nangangaral sa bahay-bahay, sa mga lansangan, at sa impormal na paraan, kung minsan ay nakakasumpong tayo ng mga tao na di-Kristiyano ang relihiyon. Kung tayo’y may kakatiting lamang na kaalaman sa kanilang relihiyon, maaaring maging mahirap para sa atin na makapagbigay ng mabisang patotoo sa kanila hinggil sa Kaharian. Ngayon, taglay ang bagong publikasyong Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, higit nating mauunawaan ang mga pangunahing relihiyon at mga paniniwala ng mga taong ito. Tayo ay maaaring masangkapan upang makatulong sa marami hangga’t maaari na “makawala sa silo ng Diyablo.”—2 Tim. 2:24-26; Tito 3:2.
2 Kapag nakasumpong tayo ng mga Muslim, Judio, Hindu, Sikh, Budhista, o iba pa, may kabaitan nating kilalanin ang kanilang paniniwala at marahil ay magsabing: “Kapanapanabik makasumpong ng mga tao na may iba’t ibang relihiyon. Ang paghahanap ng tao sa Diyos ay umakay sa maraming iba’t ibang direksiyon. Subali’t di ba’t sasang-ayon kayo na ang mga tao ay karaniwang nagtataglay ng relihiyon ng kanilang mga magulang, sa halip na sila mismo ang maghanap sa Diyos? Sa ibang salita, sila’y ipinanganak sa isang relihiyon. Ito ang punto sa unang kabanata ng aklat na ito Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos. [Ipakita ang pahina 8, parapo 12.] Ang higit na pagkatuto hinggil sa ibang relihiyon ay maaaring maging kapanapanabik. Ipinaliliwanag ng aklat na ito ang pinagmulan, gawain, at mga turo ng mga pangunahing relihiyon sa daigdig.” Pagkatapos ay dagling buksan ang mga pahina na nagpapakita ng mga ilustrasyon hinggil sa relihiyon ng maybahay. Ipaliwanag na kayo ay isang boluntaryong manggagawa bilang bahagi ng isang pambuong daigdig na pagsisikap na matulungan ang mga tao sa kanilang paghahanap sa Diyos. Pasiglahin ang tao na basahin ang aklat.
3 Ang isa pang paglapit ay maaaring ang pagtungo nang tuwiran sa kabanata na tumatalakay sa sariling relihiyon ng maybahay. Tiyak na maaakit ang isang Hindu sa mapa ng Indiya sa pahina 123 at sa mga larawan sa pahina 96 at 117. Maaari tayong makasumpong ng isang Sikh na may turban. Ang mga pahina 100-101 ay naghaharap ng isang maikling buod ng gayong pananampalataya.
4 Ang isang Muslim ay maaaring mamangha kapag nakita ang mga larawan ng Mecca at ng Kaʽbah sa pahina 289 at ang mga pagsipi sa Qurʼan sa pahina 288 at sa iba pang mga pahina. Ang mga Budhista ay maaaring kakitaan ng interes sa kabanata 6 at sa mga ilustrasyon sa mga pahina 141 at 157. Ang mga taong may lahing Intsik ay dapat na magpahalaga sa kabanata 7, hinggil sa Taoism at Confucianism, at sa ilustrasyon sa mga pahina 171 at 173. Ang karamihan sa mga Hapones ay magpapahalaga sa mga ilustrasyon sa mga pahina 190 at 195 sa kabanata hinggil sa “Shinto—Ang Paghahanap ng Hapon sa Diyos.”
5 Kapag tayo ay nakasumpong ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos at mga nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos, ang kabanata 14, na may pamagat na “Makabagong Pag-aalinlangan—Dapat Bang Ituloy ang Paghahanap?” ay makakaakit sa taimtim na mga tao sa gitna nila. Ang mga pangangatuwiran sa panig ng paniniwala sa Diyos ay masusumpungan mula sa pahina 334 patuloy.
6 Para sa sinumang may relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ang kabanata 10 ay maaaring makaakit. Ang pahina 236 ay nagbabangon ng tanong, “Si Jesus—Ano ang mga Kredensiyal Niya?” Ang pahina 243 at 251 ay naglalarawan ng dalawang himala na ginawa ni Kristo. Papaano natin nalalaman na si Jesus ay may pagsang-ayon ng Diyos? Ang ilustrasyon sa pahina 253 ay sumasagot sa katanungang ito.
7 Maliwanag, upang maiangkop natin ang ating presentasyon sa bawa’t indibiduwal, kailangan nating malaman ang nilalaman ng aklat at maging pamilyar sa pagkakasunod-sunod ng mga kabanata at mga ilustrasyon. (Ukol sa higit na mga mungkahi bumaling sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 21-4.) Kung gayon ay maaari tayong makapagtanim ng binhi ng katotohanan sa pamamagitan ng isang mataktikang presentasyon ng bagong aklat na ito. (1 Cor. 9:19-23; Col. 4:5, 6) Yamang ang Bibliya ay malimit na sinisipi upang gumawa ng paghahambing sa buong aklat, may mabuting saligan upang makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Isang artikulo sa susunod na buwan sa Ating Ministeryo sa Kaharian ang magbibigay ng mungkahi kung papaano tayo makapagsasagawa ng mga pagdalaw-muli upang makapagpasimula ng mga pag-aaral sa mga tao na may iba’t ibang pananampalataya.