Mga Kabataan—Kayo ba’y Makapapasa sa Pagsubok sa Katapatan ng Kristiyano?
“HINDI mo iniisip na ang imoralidad ay gawang paglihis sa katapatan. Ikaw ay naglilibang lamang. Totoo, batid mo na kung ang iyong mga magulang o ang matatanda ang makadidiskubre niyan, magiging sanhi iyan ng dalamhati at ng maraming suliranin. Ngunit kung ikaw ay naglilibang, basta hindi mo na pinag-iisipan ang lahat ng iyan.”
Ang lalaking kasisipi lamang ang sinabi ay nawili sa lihim na pakikiapid. Siya’y may dobleng pamumuhay, dinaraya ang kaniyang mga magulang at ang kongregasyong Kristiyano. Bahagya man ay hindi niya natatanto nang panahong iyon na siya’y hindi pasado sa pagsubok sa katapatan niya bilang Kristiyano.
Libu-libong mga kabataang Kristiyano ang hindi nakapasa sa nakakatulad na mga pagsubok sa katapatan. At hindi naman katakataka! Aba, si Satanas na Diyablo ay ‘nakikipagbaka’ sa bayan ng Diyos, ginagawa ang lahat ng kaniyang magagawa upang sirain ang kanilang katapatan. (Apocalipsis 12:17) At ang mga kabataan ang lalo nang kaniyang pinupuntirya sa kaniyang “mga gawang katusuhan.” (Efeso 6:11, Kingdom Interlinear) Nangangailangan ng tunay na pagsisikap at determinasyon na manatiling tapat.
Ano nga ba ang katapatan? Sa Kasulatang Hebreo, ang orihinal na salita para sa “katapatan” ay nagpapakita ng isang mapagmahal na kaugnayan sa isang tao na may layunin. (Awit 18:25) Hindi ito tumutukoy sa isang mahinang ugnayan na madaling masira kundi sa isang ugnayan na nananatiling matibay hanggang sa ang layunin niyaon may kinalaman sa taong iyan ay matupad. Sa Kasulatang Griego, ang orihinal na salita para sa “katapatan” ay may dalang diwa ng kabanalan, katuwiran, o pagpapakundangan.
Ang katapatan kung gayon ay may kasangkot na tamang kaugnayan sa Diyos. Sinasabi sa atin ng Efeso 4:24 na “magbihis ng bagong pagkatao na nilalang . . . sa tunay na katuwiran at katapatan.” Ibig mo bang maging tapat kay Jehova? Kung gayon ay kailangang pagyamanin mo ang isang tapat na kaugnayan sa kaniya, isang di-masisirang buklod, isang determinasyon na magbigay-lugod sa kaniya sa lahat ng iyong lakad. Kailangang kumapit ka nang mahigpit sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova—gaano mang kalaki ang tukso na gawin mo ang kabaligtaran!
Ang mga Panggigipit Upang Lumihis sa Katapatan
Nakatutuwa naman, karamihan ng mga kabataan sa mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na manatiling tapat, at sila’y nagtatamasa ng malinis na budhi bilang resulta nito. Si apostol Pablo gayunman ay humula na sa panahon ng “mga huling araw,” ang pagkadi-tapat ang makikita sa mga tao sa pangkalahatan. (2 Timoteo 3:1, 2) Nakalulungkot nga, may mga kabataang Kristiyano na pumayag na ang di-tapat na sanlibutang ito ang ‘humubog sa kanila sa sariling molde nito.’ (Roma 12:2, Phillips) Papaano ito nagawa ni Satanas?
Ang panggigipit ng mga kasama ay isang epektibong kasangkapan ni Satanas. Karamihan ng tao ay nagnanais na sila’y magkaroon ng mabuting impresyon buhat sa iba, at batid ni Satanas kung papaano sasamantalahin ang likas na hangaring ito. Sa pagnanais na sila’y ituring na normal, may mga kabataang Kristiyano na sumali sa malalaswang usapan, sa imoralidad, paninigarilyo, paglalasing—kahit na rin sa pag-aabuso sa mga bawal na gamot—dahil lamang sa ibig nilang sila’y tanggapin ng kanilang mga kasamahan.
Ibig ni Satanas na tayo’y ‘mamuhay ayon sa mga pita ng ating laman, ginagawa ang mga bagay na gusto ng laman.’ (Efeso 2:3) Alam na alam niya kung gaano kalakas humila ang pita sa sekso kung ang isa’y nasa “kasariwaan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) At ibig niyang ikaw ay magbigay-daan sa mga pitang iyon. May mga kabataang Kristiyano na walang kamalay-malay na sila’y nahuhulog na sa kaniyang mga patibong dahil sa panonood ng mahahalay na babasahin, mga palabas sa sine, at mga video o pamimihasa sa masturbasyon. Ang mga bagay na ito, sa kabilang panig, ang malimit na umaakay sa malulubhang mga gawaing lihis sa katapatan. Ikaw ba ay ‘hinubog na sa kaniyang molde’ ng sanlibutan ni Satanas sa ilang mga pitak na ito?
Sa Pamumuhay ng Doble-Kara
Samantalang gumagawa ng malaking pagkakasala tulad ng pakikiapid na sa ganang sarili ay isang napakalubhang kasalanan, pinalalala pa ng ilang kabataan ang kanilang mga pagkakamali. Sila’y katulad ng “mga taong sinungaling,” na tinutukoy sa Awit 26:4, “na ikinukubli kung ano sila.” Ang gayong mga kabataan ay namumuhay nang doble-kara, nagkukunwaring ganoon sila pagka kasa-kasama nila ang kanilang mga magulang o ibang maygulang na mga Kristiyano at iba naman ang kanilang ikinikilos pagka kasa-kasama nila ang kanilang mga kabarkada.
Gayunman, ang pamumuhay nang doble-kara ay hahantong sa iyong pagkabigo at mapanganib. Kung ang mga maling gawain ay hindi masusupil sa tuwina’y halos aakay iyan tungo sa iba pang mga maling gawain. At samantalang ang budhi ng isang tao’y marahil gagambala sa kaniya sa simula, mientras nagpapatuloy ang isa sa paggawa ng masama, ang budhi ng isang tao ay unti-unting nagiging manhid. Ang isa’y baka literal na ‘hindi na makaramdam ng kasalanan’ kung siya’y gumagawa ng pagkakasala.—Efeso 4:19, Kingdom Interlinear.
Sa puntong ito ay lubhang mahirap na ipagtapat sa iba ang nagawang pagkakasala ng isa at magtamo ng tulong. Ito’y lalo nang totoo kung may iba pang Kristiyanong kabataan na kasangkot sa pagkakasala. Malimit na ang umiiral ay isang maling pagkadama ng katapatan. Ang kabataan na sinipi sa bandang unahan ay ganito ang paliwanag: “Batid mo naman ang iyong ginagawa, at alam mo na iyon ay mali. Upang ang ibang kasangkot ay huwag nang maparamay pa, sasang-ayon ka na huwag sabihin iyon kaninuman.”
Bagaman magawa ng isang tao na ‘ikubli kung ano siya’ sa kaniyang mga magulang o sa kongregasyon, hindi siya makapagkukubli kay Jehova. “Walang anumang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” (Hebreo 4:13) Ang Bibliya’y nagbibigay sa atin ng katiyakan na: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay.” (Kawikaan 28:13) Pagdating ng panahon ang masama ay mabubunyag. Talagang hindi mo malilinlang si Jehova. Ang Kawikaan 3:7 ay nagsasabi: “Huwag kang magpakadunong sa iyong sariling mga mata. Matakot ka kay Jehova at humiwalay ka sa kasamaan.” Alalahanin din, na “ang mga mata ni Jehova ay nasa bawat dako, binabantayan ang masasama at ang mabubuti.”—Kawikaan 15:3.
Ang binanggit na kabataan, kasama ang mga iba na kasangkot sa lihim na gawang masama, ay natuklasan, at siya at ang mga kasama niya ay kinailangang itiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Nang bandang huli sila ay nakapanumbalik din sa dating espirituwalidad at napabalik. Gayunman, kayhirap na paraan ng pagkatuto ng ibig sabihin ng katapatan!
‘Pagtutuwid ng mga Bagay-Bagay’ May Kaugnayan sa Diyos
Ano kung ang isa’y napatunayang di-tapat sa anumang paraan, marahil sa pamamagitan ng paggawa ng masama? Madaling dayain ang sarili at itatuwa na kailangang ituwid ang mga bagay-bagay. Isang kabataan na lihim na nahulog sa pakikiapid ang nagsabi: “Aking pinarami ang aking paglilingkod sa larangan, sa pag-aakala ko na sa papaano man ay matatakpan nito ang kamalian.” Ang suwail na bansang Israel ay nagsikap din ng paghahandog kay Jehova ng mga hain na pampalubag-loob. Ngunit tinanggihan ni Jehova ang gayong mapagpaimbabaw na debosyon. Kaniyang ipinayo sa kanila: “Maghugas kayo; maglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; huminto kayo ng paggawa ng masama.” Tatanggapin ni Jehova ang kanilang mga hain tangi lamang kung kanilang ‘itutuwid ang mga bagay-bagay may kaugnayan sa kaniya.’ Iyan ay totoo rin sa ngayon para sa kaninuman na maaaring napasangkot sa gawang masama.—Isaias 1:11, 15-18.
Hindi maitutuwid ng isa ang mga bagay-bagay may kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan lamang ng pagtatapat niyaon sa isang kasama. Unang-una, ang mga kasama ay hindi laging makapagbibigay ng pinakamagaling na tulong, yamang malimit na sila’y may limitado ring karanasan sa buhay. Lalong mahalaga, hindi nila mapatatawad ang iyong kasalanan. Tanging ang Diyos lamang ang makagagawa niyaon. Kaya “buksan ang iyong puso” at ipagtapat sa kaniya ang naroroon. (Awit 62:8) Bagaman lubhang ikinahihiya mo ang iyong nagawa, matitiyak mo na si Jehova ay ‘magpapatawad nang sagana.’—Isaias 55:7.
Kailangan mo ang karagdagang tulong. “Ipaalam mo sa iyong mga magulang, agad-agad na ipaalam mo sa matatanda—sa mismong pasimula pa lamang,” ang payo ng isang kabataang Kristiyano na nakinabang sa gayong tulong. Oo, ang iyong mga magulang ang marahil nasa magandang kalagayan na tumulong sa iyo. “Ibigay [sa kanila] ang iyong puso,” na ipaalam sa kanila ang kabuuan ng iyong mga problema. (Kawikaan 23:26) Kanilang maisasaayos para sa iyo na tumanggap ng higit pang tulong buhat sa matatanda sa kongregasyon kung iyon ay kailangan.—Santiago 5:14, 15.
Pagpapakita ng Tunay na Katapatan—Papaano?
Mangyari pa, ang pinakamagaling ay ang huwag mahulog sa di-katapatan unang-una na. Sinasabi sa atin ng Awit 18:25: “Sa sinumang tapat ikaw [Jehova] ay magpapatunay na tapat; sa sakdal, na taong malakas ay makikitungo ka nang may kasakdalan.” Saganang pinagpapala ni Jehova ang mga may katapatang nananatili sa matataas na pamantayan ng pamumuhay.
Gayunman, may mga ibang paraan na maaaring doo’y masusubok ang iyong katapatan. Halimbawa, ipagpalagay na isang kaibigan mo ang nagsimulang lumakad sa di-tamang landas. Papayagan mo bang ang maling katapatan sa kaibigan mo ang manaig sa iyong katapatan kay Jehova? Ang maibiging bagay na magagawa mo ay lapitan ang kaibigang iyon at himukin siya na ipaalam ang bagay na iyon sa kaniyang mga magulang o sa mga matatanda. Sabihin sa iyong kaibigan na kung hindi niya gagawin iyon sa loob ng isang makatuwirang haba ng panahon, ikaw na mismo ang gagawa niyaon. Ang Kawikaan 27:5 ay nagsasabi: “Maigi ang saway na hayag kaysa pag-ibig na nakukubli.” Sa pamamagitan ng pagtulong sa iyong kaibigan sa ganitong paraan, ipinakikita mo hindi lamang ang pagiging tunay ng iyong pakikipagkaibigan kundi pati ang lalim ng iyong katapatan kay Jehova.
Anuman ang pagsubok, ang tindi ng pagnanais na magpakita ng katapatan ay nanggagaling sa pagkakaroon ng isang matibay na personal na kaugnayan kay Jehova. Makabuluhang panalangin at masigasig na pag-aaral nang personal ang kailangan kung nais nating tamasahin ang gayong kaugnayan. Kapuna-puna, lahat ng nagkamaling mga kabataan na binanggit na ay umamin na ang kanilang mga panalangin at mga personal na pag-aaral ay naging kinaugalian na lamang—at dumating ang panahon na tuluyang napahinto na. Si Jehova ay hindi na naging tunay sa kanila, at hindi nagtagal at ang sinunod nila ay ang marungis na pamumuhay. Sa pamamagitan ng panalangin at personal na pag-aaral, iyo bang pinatitibay ang iyong kaugnayan kay Jehova upang ikaw ay makapanatiling tapat?
Totoo naman, kung minsan ay marahil iisipin mo kung nakakaligtaan mo nang maglibang man lamang. “Kung minsan ang makasanlibutang mga tao ay wari bang nagkakatuwaan,” ang sabi ng isang dalaga. “Ngunit pagka ikaw ay napalagay na sa alanganin, makikita mo na iyon ay hindi isang paglilibang lamang.” Siya’y nagsalita buhat sa kaniyang karanasan, palibhasa’y nahulog siya sa seksuwal na imoralidad, na ang ibinunga’y pagdadalantao at aborsiyon. “Isang proteksiyon ang pagiging nasa katotohanan,” ang sinasabi niya ngayon—na kaniyang natutuhan sa mahirap na paraan. Ang Awit 119:165 ay nagpapagunita sa atin na “may saganang kapayapaan ang mga nagsisiibig sa kautusan [ng Diyos].”
Kung gayon, gawin ang pinakamagaling na magagawa upang makapanatili kang tapat. Magpagal ka sa pagtatayo ng isang mananatiling kaugnayan kay Jehova. Kapootan mo ang masama at kumapit ka nang mahigpit sa mabuti. (Roma 12:9) Ang Awit 97:10 ay nagsasabi sa atin: “Oh kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng mga tapat sa kaniya; kaniyang inililigtas sila sa kamay ng mga balakyot.” Oo, bilang isang kabataang Kristiyano, ikaw ay makikinabang sa proteksiyon ni Jehova at magtatamasa ng buhay na walang-hanggan kung ikaw ay makapapasa sa pagsubok sa katapatan bilang Kristiyano.