Magplano Na Ngayon Para sa Pantanging Gawain sa Tag-araw
1 Ating nababatid mula sa karanasan na ang mabubuting resulta ay nagmumula sa maingat na pagpaplano. (Kaw. 20:18; 21:5) Tinitiyak sa atin ni Jehova na tutulungan niya tayo upang maging matagumpay ang ating daan.—Kaw. 16:3.
2 Kadalasan ang mga buwang mula Enero hanggang Mayo bawat taon ay mabuti ang kalagayan ng panahon, at may ilang buwang bakasyon sa paaralan ang ating mga kabataan. Kaya ito’y isang mabuting panahon upang magplano ukol sa higit na gawaing teokratiko. Makabubuting magplano nang patiuna upang matiyak kung anong mga gawain ang karapatdapat unahin. (Luc. 14:28-30) Maliwanag, sa pagtiyak kung ano ang mahalaga, dapat na ilagay sa unahan ang mga kapakanan ng Kaharian.—Mat. 6:33; 1 Ped. 2:11.
3 Planuhing Mag-auxiliary Payunir: Ang mga buwan ng tag-araw ay naglalaan ng isang mainam na pagkakataon upang mag-auxiliary payunir. Ang mga kabataang nasa bakasyon ay pinasisiglang gamitin ang isa man lamang buwan ngayong tag-araw bilang mga auxiliary payunir. Bakit hindi pasiglahin ang iba pang mga kabataan na gumawang kasama niyaong mga nagpapatala? Ang panahong ginugugol dito ay tumutulong sa espirituwal na paglaki ng isa.
4 Noong nakaraang Abril tayo ay may 15,730 mga nasa gawaing auxiliary payunir at pagkatapos noong Mayo ay 11,494. Anong inam na pagtugon! Sa pagitan ng Enero at Hunyo, may kabuuang 45,306 ang nakibahagi sa gawaing ito. Papaano naman sa taóng ito? Inirerekomenda namin na magplano na ngayon ang lahat ng kanilang gawain. Ang ilan ay maaaring magpayunir sa loob ng ilang buwan, samantalang ang iba ay maaaring gawin iyon sa isa o dalawang buwan lamang. Nalalaman namin na mayamang pagpapalain ni Jehova ang anumang magagawa ninyo sa paglilingkod sa kaniya sa tag-araw na ito.
5 Sa Panahon ng Memoryal: Ang pagdiriwang ng Memoryal sa taóng ito ay gaganapin sa Biyernes, Abril 17, 1992, paglubog ng araw. Ingatan sa isipan na ang pagpapasa ng mga emblema ay hindi dapat magsimula hanggat hindi lumulubog ang araw, bagaman ang pahayag ay maaaring magsimula nang mas maaga. Ito’y isang mainam na pagkakataon para magsimula ang mga baguhan sa pakikisama sa organisasyon ni Jehova, anupat dapat na lalo tayong maging masigasig sa ating gawaing pangangaral sa panahong ito. Kayo’y tatanggap ng inimprentang mga paanyaya sa Memoryal upang magamit, at maaari ninyong gamitin ito sa pag-aanyaya sa mga hindi pa nakadadalo sa mga pulong.
6 Ang mabuting kalagayan ng panahon ay maaaring magpangyaring makubrehan ang malalayong teritoryo na mahirap marating kung tag-ulan. Bakit hindi gumawa ng pantanging pagsisikap upang makubrehan ang lahat ng malalayong teritoryo sa panahon ng Memoryal?
7 Habang pinaplano natin ang ating mga gawain sa tag-araw, gawin natin ito taglay ang may pananalanging pangmalas ng Awit 90:12. Sa pagtatapos ng tag-araw hindi tayo magsisisi kung tayo’y nagplanong may katalinuhan at gumamit ng ating panahon nang kapakipakinabang. Tayo’y magkakaroon ng maraming kasiyasiya at teokratikong alaala.