Hindi mga Tagapaglako ng Salita ng Diyos
“AMING ipinagbibili ang aming ministeryo para magkasalapi.” Iyan ang mga salita ng isang dating “ministro sa pagdarasal sa telepono” na kinapanayam sa isang imbistigasyong ulat ng mga Amerikanong ebanghelista sa telebisyon noong may dulo ng 1991.
Ang programang ito ay nakatutok sa tatlong telebanghelistikong mga ministeryo sa Estados Unidos. Ibinunyag na ang mga tao ay ninanakawan ng milyun-milyong dolyar taun-taon ng tatlong ito lamang. Isang “ministeryo” ang tinukoy na isang “nauusong paraan ng pangingilak ng donasyon.” Lahat ay kasangkot sa maraming pandaraya. Ito ba’y nakagigitla sa iyo?
Ang Relihiyon ay Nasa Ilalim ng Masusing Pagsisiyasat
Hindi lamang ang ebanghelismo sa telebisyon kundi pati na ang ortodokso, ang mga relihiyon na hindi konserbatibo ni liberal ay masusing pinagmamasdan ng mga pamahalaan, ng pribadong tagapagbantay na mga ahensiya, at ng mga tao sa pangkalahatan. Sa ilang mga kaso ang mga pag-aari ng simbahan na mga sertipiko ng mga aksiyon, pulitikal na mga intereses na mga relihiyoso ang namuhunan, at ang maluhong pamumuhay ng malalaki ang suweldong mga klerigo ay nagbangon ng mga katanungan kung ito nga ba’y nararapat.
Papaano ba nakaaabot sa sukatan ang ilang mga pinunong relihiyoso kung tungkol sa ministeryong Kristiyano na ibinigay ni apostol Pablo halos 2,000 taon na ngayon ang nakalipas? Siya’y sumulat: “Hindi kami mga tagapaglako ng salita ng Diyos gaya ng marami, kundi sa pagtatapat, oo, gaya ng mga nagmula sa Diyos, sa paningin ng Diyos, kami’y nagsasalita, kasama ni Kristo.” (2 Corinto 2:17) Sino ba ang bumabagay sa paglalarawang iyan sa ngayon?
Upang tulungan ka na pagtimbang-timbangin ang mga bagay, malapitang pagmasdan natin kung papaano tinustusan ang ministeryong Kristiyano ni Pablo at ng kaniyang mga kasama. Papaano ito naiiba noong kaniyang kaarawan?
Naglalakbay na mga Tagapangaral Noong Unang Siglo
Bilang isang naglalakbay na tagapangaral, si Pablo ay hindi natatangi. Noong panahong iyon marami ang naglalakbay upang itaguyod ang kanilang mga paniniwala tungkol sa relihiyon at sa pilosopya. Ang manunulat ng Bibliya na si Lucas ay bumanggit ng tungkol sa “ilang naglalakbay na mga Judio na nagpapalabas ng mga demonyo.” (Gawa 19:13) Nang kondenahin ni Jesu-Kristo ang mga Fariseo, kaniyang isinusog: “Inyong nililibot ang dagat at ang lupa upang gumawa ng isang proselita.” (Mateo 23:15) Si Jesus mismo ay isang naglalakbay na ministro. Kaniyang sinanay ang kaniyang mga apostol at mga alagad upang tumulad sa kaniya sa pamamagitan ng pangangaral hindi lamang sa Judea at Samaria kundi “sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Samantalang sila’y naglalakbay, ang mga tagasunod ni Jesus ay nakakilala ng mga mángangarál na di-Judio. Sa Atenas, si Pablo ay napaharap sa mga pilosopong Epicureo at Stoico. (Gawa 17:18) Sa buong Imperyong Romano, ang mga Cynico ay nanghihikayat sa pamamagitan ng bombastikong pagtatalumpati. Ang mga deboto ni Isis at ni Serapis ay nagpalawak ng kanilang impluwensiya sa mga babae at mga alipin taglay ang mga pangakong makapantay ng malalayang lalaki kung tungkol sa relihiyon at sa lipunan. Ang mga kultong Silangan sa pag-aanak ang pasimula ng maraming mahihiwagang relihiyon ng daigdig ng Greco-Romano. Ang pangako na mababayaran ang kasalanan at ang pagnanasang makabahagi sa banal na mga lihim ang nakaakit sa mga tagasunod sa mga diyus-diyusan na sina Demeter, Dionysus, at Cybele.
Papaano Tinustusan ang mga Gastusin?
Subalit, ang paglalakbay ay magastos. Bukod sa bayad sa bagahe, at gastos sa paglalakbay sa barko, ang mga naglalakbay ay nangangailangan ng pagkain, tirahan, panggatong, pananamit, at pangangalaga sa kanilang kalusugan. Ang mga mángangarál, guro, pilosopo, at mga mistiko ay tumustos sa mga pangangailangang ito sa limang pangunahing paraan. Sila’y (1) nagturo nang may bayad; (2) tumanggap ng mababang uri ng mga trabaho at mga gawain; (3) tumanggap ng kawanggawa at kusang-loob na mga donasyon; (4) umugnay sa mayayamang tagatangkilik, kalimitan bilang mga tagapagturo; at (5) nagpalimos. Upang ihanda ang kaniyang sarili kung siya’y tanggihan, ang tanyag na mamamalimos na Cynico na si Diogenes ay nagpalimos pa nga sa mga istatwang bato.
May nakilala si Pablo na ilang mángangarál na nag-aangking mga ministrong Kristiyano ngunit, tulad ng ilang pilosopong Griego, nakipagkaibigan sa mayayaman at nagnakaw sa mga dukha. Kaniyang pinagwikaan ang kongregasyon sa Corinto, na ang sabi: “Inyong pinagtitiisan . . . ang sinumang nananakmal ng anumang taglay ninyo, ang sinumang umaagaw sa inyong pag-aari.” (2 Corinto 11:20) Si Jesu-Kristo ay hindi kailanman nangagaw ng anuman, ni si Pablo man at ang kaniyang mga kamanggagawa. Subalit ang sakim na mga ebanghelista ng Corinto ay “bulaang mga apostol, magdarayang mga manggagawa,” at mga ministro ni Satanas.—2 Corinto 11:13-15.
Sa mga tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay ibinawal niya ang pagtuturo nang may bayad. “Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad,” ang payo niya. (Mateo 10:8) Bagaman karaniwan noon ang pagpapalimos, iyon ay inaaglahi nang mga kaarawang iyon. Sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, may inilarawan si Jesus na isang katiwala na nagsasabi, “Nahihiya akong magpalimos.” (Lucas 16:3) Kaya naman, saanman sa paglalahad sa Bibliya ay wala tayong makikitang ang tapat na mga tagasunod ni Jesus ay nangingilak ng salapi o ng mga kalakal. Kanilang sinunod ang simulaing: “Kung sinuman ay ayaw gumawa, huwag din naman siyang pakanin.”—2 Tesalonica 3:10.
Ang kaniyang mga alagad ay hinimok ni Jesus na asikasuhin ang kanilang mga pangangailangan sa dalawang paraan. Una, sila’y maaari, gaya ng pagkasabi ni Pablo, na “mabuhay sa pamamagitan ng mabuting balita.” Papaano? Sa pamamagitan ng pagtanggap sa ipinagmamagandang-loob na kusang ibinibigay. (1 Corinto 9:14; Lucas 10:7) Ikalawa, maaaring tustusan nila ang kanilang sarili sa kanilang pangangailangang materyal.—Lucas 22:36.
Mga Simulaing Ikinapit ni Pablo
Papaano ikinapit ni Pablo ang naunang mga simulain? Buweno, tungkol sa ikalawang paglalakbay ng apostol bilang misyonero, sumulat si Lucas: “Kami’y naglayag buhat sa Troas at dumeretso kami sa Samothrace, ngunit nang sumunod na araw ay tumungo sa Neapolis, at mula roon ay nagtungo sa Filipos, isang kolonya, na siyang pangunahing siyudad ng distrito ng Macedonia. Kami’y nagpatuloy ng paglagi sa siyudad na ito, gumugol ng ilang mga araw.” Lahat ng paglalakbay, pagkain, at tuluyan ay sila ang personal na nag-asikaso.—Gawa 16:11, 12.
Sa wakas, isang babaing nagngangalang Lydia ang tumanggap sa “mga bagay na sinalita ni Pablo. Ngayon nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabaustimuhan, siya’y namanhik: ‘Kung inyong inaakalang ako’y tapat kay Jehova, magsipasok kayo sa aking bahay at dumito muna kayo.’ At kami’y talagang pinilit niya.” (Gawa 16:13-15) Marahil dahil nga sa pagmamagandang-loob ni Lydia, si Pablo ay sumulat sa mga kapananampalataya sa Filipos: “Ako’y nagpapasalamat sa aking Diyos sa tuwing kayo’y aking naaalaala na parating sa bawat daing ko alang-alang sa inyong lahat, habang nagsusumamo ako nang may kagalakan, dahilan sa inyong pag-aabuloy ukol sa pagpapalaganap ng mabuting balita mula ng unang araw hanggang ngayon.”—Filipos 1:3-5.
Binabanggit ni Lucas ang maraming halimbawa ng mga taong tumatanggap sa naglalakbay na mga manggagawang Kristiyanong ito. (Gawa 16:33, 34; 17:7; 21:7, 8, 16; 28:2, 7, 10, 14) Sa kaniyang kinasihang mga liham, kinilala at pinasalamatan ni Pablo ang pagmamagandang-loob na iyon pati ang mga regalo na kaniyang tinanggap. (Roma 16:23; 2 Corinto 11:9; Galacia 4:13, 14; Filipos 4:15-18) Gayumpaman, siya ni ang kaniyang mga kasamahan ay hindi nagpahiwatig na sila’y dapat regaluhan o sustentuhan ng salapi. Masasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang ganitong mainam na saloobin ay makikita pa rin sa kanilang naglalakbay na mga tagapangasiwa.
Hindi Umaasa na Lamang sa Pagmamagandang-Loob ng Iba
Si Pablo ay hindi umasa na lamang sa kagandahang-loob ng iba. Siya’y natuto ng isang hanapbuhay na nangangailangan ng puspusang pagtatrabaho at mahahabang oras ngunit ang resulta ay mababang kita. Nang dumating sa Corinto ang apostol bilang isang misyonero, “kaniyang nakilala ang isang Judiong nagngangalang Aquila . . . at Priscilla naman ang kaniyang maybahay. . . . Kaya siya’y pumaroon sa kanila at dahilan sa mayroon siyang katulad na hanapbuhay ay doon na siya nanuluyan sa kanilang tahanan, at sila’y nagtrabaho, sapagkat sila ay mga manggagawa ng tolda.”—Gawa 18:1-3.
Nang malaunan, sa Efeso, si Pablo ay puspusan pa ring nagtatrabaho. (Ihambing ang Gawa 20:34; 1 Corinto 4:11, 12.) Marahil siya’y nag-espesyalista sa paggamit ng cilicium, ang magaspang, yari sa balahibo ng kambing na materyales sa paggawa ng tolda na ginagamit doon sa kaniyang sariling bayan. Ating maguguniguni si Pablo na nakaupo sa isang bangko, nakayuko sa kaniyang ginagawaang mesa, tumatabas at nananahi hanggang sa kalaliman ng gabi. Yamang malamang na hindi gaanong maingay sa kaniyang talyer, kaya maaaring makipag-usap samantalang nagtatrabaho, si Pablo ay nagkaroon marahil ng pagkakataong magpatotoo sa may-ari ng talyer, sa kaniyang mga manggagawa, alipin, parukyano, at mga kaibigan.—Ihambing ang 1 Tesalonica 2:9.
Ang misyonerong si Pablo ay tumangging kalakalin ang kaniyang ministeryo o sa anumang paraan ay magbigay ng impresyon na kaniyang kinakalakal ang Salita ng Diyos. Sinabi niya sa mga taga-Tesalonica: “Kayo rin ang nakaaalam kung papaano dapat ninyong tularan kami, yamang kami ay hindi gumawi nang may kaguluhan sa gitna ninyo ni kumain man kami nang di-nagbabayad. Bagkus, nagtatrabaho kami at nagpapagal gabi at araw upang huwag kaming maging pasanin sa kaninuman sa inyo. Hindi dahil sa wala kaming karapatan, kundi upang kami’y magsilbing uliran sa inyo na tutularan.”—2 Tesalonica 3:7-9.
Mga Tagatulad sa Ikadalawampung Siglo
Hanggang sa araw na ito ang mga Saksi ni Jehova ay sumusunod sa magandang halimbawa ni Pablo. Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay hindi tumatanggap ng suweldo o kahit na alawans buhat sa mga kongregasyong kanilang pinaglilingkuran. Sa halip kanilang tinutustusan ang kani-kanilang pamilya tulad ng sinuman, at karamihan sa kanila ay naghahanapbuhay. Ang buong-panahong mga ministrong payunir ay tumutustos din sa kanilang sarili, marami ang nagtatrabaho upang kumita ng sapat lamang na magtatakip sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Bawat taon may mga Saksing naglalakbay sa kanilang sariling gastos upang mangaral sa malalayong lugar na bihirang marating ng mabuting balita. Kung sila’y inaanyayahan ng lokal na mga pamilya upang makisalo sa pagkain o makituloy sa mga bahay nito, kanilang pinauunlakan ito ngunit hindi nila inaabuso ang gayong pagmamagandang-loob.
Lahat ng pangangaral at pagtuturo na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ay kusang-loob, at hindi sila nagpapabayad sa kanilang ministeryo. Gayunman, ang katamtamang mga abuloy sa ikatutustos ng kanilang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ay tinatanggap at ipinadadala sa Watch Tower Society para sa layuning iyan. (Mateo 24:14) Ang ministeryo ng mga Saksi ay walang halong komersiyo sa anumang paraan. Tulad ni Pablo bawat isa sa kanila ay tunay na makapagsasabi: “May kagalakang ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang mabuting balita ng Diyos.” (2 Corinto 11:7) Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi “tagapaglako ng salita ng Diyos.”
[Kahon sa pahina 27]
KUNG PAPAANONG ANG IBA’Y NAG-AABULOY SA GAWAING PANGKAHARIAN
◻ PAG-AABULOY SA GAWAING PANDAIGDIG: Marami ang nagtatabi o nagbabadyet ng halaga na kanilang inilalagay sa mga kahong abuluyan na may markang: “Abuloy Para sa Gawaing Pandaigdig ng Samahan—Mateo 24:14.” Bawat buwan ang mga kongregasyon ay nagpapadala ng mga halagang ito sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa pinakamalapit na tanggapang sangay.
◻ KALOOB: Kusang-loob na mga donasyon ng salapi ang maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa. Mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang donasyon ang dapat kasama ng mga abuloy na ito.
◻ KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON: Maaaring magkaloob ng salapi sa Watch Tower Society upang ito ang maghawak niyaon hanggang sa kamatayan ng nagkaloob, kasama ng probisyon na sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito’y ibabalik sa nagkaloob.
◻ SEGURO: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyari ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano tungkol sa pagreretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
◻ DEPOSITO SA BANGKO: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ilagay sa pangangalaga o bayaran sa Watch Tower Society pagkamatay ng may deposito, ayon sa lokal na mga kahilingan sa bangko. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
◻ MGA AKSIYON AT BONO: Ang mga aksiyon o bono ay maaari ring ibigay na donasyon sa Watch Tower Society bilang isang tuwirang kaloob o sa ilalim ng isang kaayusan na sa pamamagitan niyaon ang kita ay patuloy na ibinabayad sa nagkaloob ng donasyon.
◻ LUPA’T BAHAY: Maipagbibiling mga lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba ng isang bahagi niyaon para sa panghabang-buhay na tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy na manirahan doon nang habang-buhay. Dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang ari-arian.
◻ TESTAMENTO AT IPINAGKATIWALA: Ang pag-aari o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ay maaaring gawing benepisyari ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring bigyan ng ilang bentaha sa pagbubuwis. Isang kopya ng testamento o kasunduan sa ipinagkatiwala ay dapat ipadala sa Samahan.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga bagay na ito, sumulat sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa pinakamalapit na tanggapang sangay ng Samahan.
[Kahon sa pahina 29]
IBIG NIYANG MAKATULONG
ANG labing-isang-taóng-gulang na si Tiffany ay isang batang babaing nag-aaral sa Baton Rouge, Louisiana, E.U.A. Kamakailan, ang kabataang Saksing ito ni Jehova ay naghanda ng isang sanaysay sa temang “Ang Edukasyon sa Amerika.” Bilang resulta, ang kaniyang mga magulang na mga Saksi ay tumanggap ng ganitong liham buhat sa prinsipal ng paaralan:
“Noong linggo ng Edukasyon sa Amerika, isang natatanging sanaysay para sa bawat grado ang binabasa sa intercom. Nagkaroon ako ng kagalakan na gamitin ang sanaysay ni Tiffany sa umagang ito. Tunay na siya’y isang kahanga-hangang dalagita. Siya’y may tindig, may pagtitiwala-sa-sarili, may talento, at magiliw. Bihira akong makakita ng isang nasa ikaanim na grado na may napakaraming katangiang ito. Si Tiffany ay isang ipagkakapuri ng ating paaralan.”
Napanalunan ni Tiffany ang unang premyo sa timpalak ng sanaysay. Pagkatapos siya ay sumulat sa Watch Tower Society at nagsabi: “Marahil kaya lamang ako nanalo sa timpalak ay dahilan sa publikasyon na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. . . . Ginamit ko ang mga kabanata tungkol sa edukasyon. . . . Marami pong salamat sa paglalathala ng kapaki-pakinabang at nakapagbibigay-inspirasyon na aklat na ito. Para sa aking nanalong sanaysay, ang napanalunan ko ay pitong dolyar. Akin pong iniaabuloy itong 7 dolyar at 13 pa, na ang kabuuan ay 20 dolyar na iniaabuloy ko sa pandaigdig na gawaing pangangaral. . . . Paglaki ko, ako’y umaasa ring makapagboboluntaryo sa paglilingkuran sa Bethel.”
[Larawan sa pahina 26]
Kung minsan, si Pablo ay naghahanapbuhay sa pamamagitan ng paggawa ng mga tolda