Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Gumagawa ng Pagkakataon ang mga Kabataan sa Italya Upang Magpatotoo
YAONG mga nagpapahalaga sa kahanga-hangang mga layunin ng Diyos ay nalulugod na tumulong sa iba na matutuhan ang kahanga-hangang pag-asa sa Kaharian. Kalimitan ito ay nangangailangan ng pagsasamantala sa mga pagkakataon na bumabangon, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na ulat buhat sa Sardinia.
◻ “Isang 12-anyos na mamamahayag ang pauwi na sakay ng bus galing sa paglilingkod sa larangan. Kasakay niya sa bus ang dalawang binatilyo at isang dalagita, pawang mga 18-anyos ang edad. Ang batang mamamahayag na ito ay naupo malapit sa dalagita at nagsimula ng pagbabasa ng magasing Gumising!, sa pag-asa na mapupukaw ang pansin ng dalagita. Kaniyang napansin ang magasin at itinanong niya kung ano ang binabasa ng mamamahayag. Ipinaliwanag ng mamamahayag na ang binabasa niya’y isang artikulo tungkol sa kalutasan ng mga problema na napapaharap sa kabataan. Sinabi ng mamamahayag na siya’y lubhang nakinabang sa materyal na ito at na ito’y makatutulong din naman sa dalagita. Ang mga magasin ay malugod niyang tinanggap.
“Palibhasa’y nakikinig sa usapang iyon ang kasama niyang dalawa pang kabataan, sila’y humingi ng mga magasin. Samantalang kinukuha nila ang perang iaabuloy, sinabi ng tsuper na huwag nilang aksayahin sa gayong walang kabuluhang mga bagay ang kanilang pera. Sinabi ng mga kabataan na sila’y intelihente naman, at ang mga magasin ay kawili-wili. Ang ginawa ng tsuper ng bus ay itinabi niya ang kaniyang sasakayan, inihinto ang bus, at ang ibig niya’y makita kung ano nga ang totoong kawili-wili sa mga magasing ito. Siya’y tumanggap din ng mga sipi nito.
“Ang batang Saksi na nagbida ng karanasang ito ay nagsabi: ‘Talagang natutuwa ako at ako’y nagsimulang nagpatotoo sa bus.’”
◻ Isa pang kabataang Saksi ang gumamit ng isang pagkakataon sa paaralan. Ganito ang bida ng kabataang iyon: “Ang aming guro sa paaralan ay nagturo sa amin ng isang pamamaraan ng pag-aaral na malaki ang kaibhan sa dati nang pamamaraan. Pagkatapos na talakayin ang materyal, kami’y gagawa ng isang balangkas na mayroong mga pangunahing punto at mga pangalawahing punto at pagkatapos ay magbibigay kami ng isang ekstemporanyong pahayag tungkol sa paksa.
“‘Kabisadung-kabisado ko ang ganitong pamamaraan,’ ang sabi ng Saksi. ‘Ito ang iminumungkahi ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro.’ Hindi nagtagal at napansin ng guro na ako lamang ang matagumpay sa paggamit ng paraang ito. Nagtanong siya kung bakit malaki ang pagkakaiba ng aking trabaho at ng trabaho ng iba. Ipinaliwanag ko na natutuhan ko ang paraang ito sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ganiyan na lang ang kaniyang pagkalugod at ako’y inimbitahan niya na talakayin iyon sa klase, na ang ginagamit ay ang Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ito nga ang ginawa ko.
“Nang ako’y nasa bahay na, ikinuwento ko sa amin ang nangyari. Ang tatay ko, na hindi naman isang Saksi, ay laging nagsasabi na ang pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova ay isang kapintasan sa paaralan, subalit pagkatapos na mapakinggan ang aking karanasan, siya’y napilitan na baguhin ang kaniyang kaisipan.”
Anong dakilang pribilehiyo mayroon kayong mga kabataan, gayundin kayong mga nakatatanda, na itaguyod at ipakilala ang pangalan ni Jehova!—Awit 148:12, 13.