Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 9/15 p. 20-23
  • Sila’y Maawaing Nagpapastol sa Maliliit na Tupa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sila’y Maawaing Nagpapastol sa Maliliit na Tupa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapastol sa Kawan ng Diyos
  • Mga Pastol na Talagang Nagmamalasakit
  • Pagpapastol na Nakapagpapatibay
  • Mga Pastol​—Tupdin ang Inyong mga Pananagutan
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
  • Ang Malumanay na Pagpapastol sa Mahalagang mga Tupa ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Tulungang Bumalik sa Kawan ang Naliligaw na mga Tupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 9/15 p. 20-23

Sila’y Maawaing Nagpapastol sa Maliliit na Tupa

SA LAHAT ng hayop na maamo sa tao, walang lubhang kagaya ng maamong tupa. Karamihan ng hayop ay may lakas at katutubong gawi na kailangan upang makahanap ng pagkain at makaiwas sa mga kinapal na bumibiktima sa kanila, ngunit ang isang tupa ay naiiba. Ito’y mahina sa mga sumasalakay sa kaniya, walang gaanong kakayahan na ipagtanggol ang sarili. Kung walang pastol, ang isang tupa ay matatakutin at hindi makapagtatanggol sa sarili. Pagka napahiwalay sa kawan, ito’y madaling maligaw. Kaya naman ang maamong mga tupa ay may matitinding dahilan na makadama na sila’y malapít sa kanilang pastol. Kung wala siya ay wala silang gaanong pagkakataon na makaligtas. Dahilan sa ganitong mga katangian, ginagamit sa Bibliya ang mga tupa upang sumagisag sa mga taong walang malay, pinagmamalupitan, o walang-kayang magtanggol sa sarili.

Tiyak, ang mga kagantihan sa isang pastol ay sulit. Ang kaniyang buhay ay hindi madali. Siya’y nakahantad kapuwa sa init at sa ginaw, at dumaranas siya ng mga gabing walang-tulog. Kailangang ipagsanggalang niya ang kawan buhat sa mga sumasalakay, kalimitan kahit manganib ang kaniyang sarili. Yamang kailangan na ang kawan ay laging tipunin ng pastol, karamihan sa kaniyang panahon ay ginugugol sa paghahanap sa naligaw o nawalang mga tupa. Kailangang gamutin niya ang maysakit at ang nasaktan. Ang mahina o napapagod na kordero ay kailangang pasanin. Palaging aasikasuhin na magkaroon ng sapat na pagkain at tubig. Karaniwan na para sa isang pastol na matulog nang magdamag sa bukid upang mabantayan ang kawan. Samakatuwid, ang pagpapastol ay isang napakahigpit na pamumuhay na nangangailangan ng paglilingkod ng isang taong matapang, masipag, at maparaan. Higit sa lahat, kailangang makita sa kaniya ang tunay na pagkabahala para sa kawan na ipinagkatiwala sa kaniya.

Pagpapastol sa Kawan ng Diyos

Sa Bibliya ang bayan ng Diyos ay inilalarawan bilang maaamong tupa at yaong nangangalaga sa kanila bilang mga pastol. Si Jehova mismo ang ‘pastol at katiwala ng ating kaluluwa.’ (1 Pedro 2:25) Nagpahayag si Jesu-Kristo, “ang mabuting pastol,” ng kaniyang hangarin na mabigyan ng maawaing pangangalaga ang mga tupa nang sabihin niya kay apostol Pedro: ‘Pakanin mo ang aking mga kordero, alagaan mo ang aking maliliit na tupa, pakanin mo ang aking maliliit na tupa.’ (Juan 10:11; 21:15-17) Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ang may mahalagang pananagutan na ‘mangalaga sa kongregasyon ng Diyos.’ (Gawa 20:28) At ang kanilang gawain bilang espirituwal na mga pastol ay nangangailangan ng mga katangian ng isang literal na mabuting pastol​—katapangan, kasipagan, pagkamaparaan, at, pangunahin na, taos-pusong pagkabahala sa ikabubuti ng kawan.

Noong kaarawan ng propeta ng Diyos na si Ezekiel, karamihan ng mga pastol na inatasang mangalaga sa mga pangangailangan ng bayan ni Jehova sa Israel ay hindi tumupad ng kanilang mga tungkulin. Ang kawan ng Diyos ay dumanas ng malaking hirap, anupat iniwan ng karamihan ang tunay na pagsamba. (Ezekiel 34:1-10) Sa ngayon, inilalarawan ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang sarili bilang mga pastol ng sinasabi nilang kongregasyong Kristiyano, subalit ang pagkakasakit nito sa espirituwal ay nagpapatunay na ang klero’y katulad ng balakyot na mga mapagpanggap na nagpabaya at nang-abuso sa mga tao nang si Jesus ay naririto sa lupa. Ang mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay gaya ng “taong upahan” na “walang malasakit sa mga tupa.” (Juan 10:12, 13) Sa anumang paraan ay wala silang pagkukusa, kakayahan, o kuwalipikasyon na magpastol sa kawan ng Diyos.

Mga Pastol na Talagang Nagmamalasakit

Si Jesus ang nagpakita ng sakdal na halimbawa para sa lahat ng magpapastol sa kawan ni Jehova. Sa lahat ng paraan siya ay mapagmahal, mabait, maawain, at matulungin sa kaniyang mga alagad. Siya ang nagkusang humanap sa mga nangangailangan. Bagaman si Jesus ay magawain at kalimitang napapagod, lagi siyang may panahon na makinig sa kanilang mga suliranin at patibayin ang kanilang loob. Ang kaniyang pagkukusa na ihandog ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kanila ang sukdulang kapahayagan ng pag-ibig.​—Juan 15:13.

Sa ngayon, lahat ng hinirang na matatanda sa kongregasyon, pati ang ministeryal na mga lingkod, ay mayroon ng ganitong pananagutan sa kawan. Sa gayon, kahit na ang materyal na mga bentahang posibleng makamit nila sa ibang bansa ay hindi humihila sa lubhang karamihan ng responsableng mga lalaking ito na lumipat at sa gayo’y iwanan ang mga kongregasyon nang walang sapat na tulong at pangangasiwa. Yamang nabubuhay sa “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan,” ang kawan ay nangangailangan ng pampatibay-loob at patnubay. (2 Timoteo 3:1-5) Nariyan lagi ang panganib na ang ilan ay mabiktima ni Satanas, na “kagaya ng isang leong umuungal na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Ngayon higit kailanman, kailangan ng mga pastol na Kristiyano na “paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mahihina ang loob, alalayan ang mahihina.” (1 Tesalonica 5:14) Kailangan ang pagiging laging mapagbantay upang ang mga mabuway ay huwag mapahiwalay sa kawan.​—1 Timoteo 4:1.

Papaano matitiyak ng pastol na ang isang tupa ay nangangailangan ng tulong? Ang ilan sa madaling mahalatang mga tanda ay ang hindi pagdalo sa mga pulong Kristiyano, di-regular na pakikibahagi sa ministeryo sa larangan, at ang hilig na umiwas ng pakikisalamuha sa iba. Mapapansin din ang mga kahinaan sa pamamagitan ng maingat na pagbibigay-pansin sa saloobin ng mga tupa at sa kinahihiligan nila na mga pag-uusap. Baka sila’y mahilig na mamintas sa iba, na marahil nagpapakitang sila’y may kinikimkim na samâ ng loob. Ang kanilang mga usapan ay maaaring labis na nakahilig sa materyalistikong mga tunguhin imbes na sa espirituwal. Ang pangkalahatang kakulangan ng sigla, ng positibong saloobin, at kagalakan ay maaaring mangahulugan na humina ang kanilang pananampalataya. Ang namamanglaw na mukha ay maaaring tanda na sila’y ginigipit ng sumasalansang na mga kamag-anak o makasanlibutang mga kaibigan. Pagka napansin ang ganitong palatandaan, titiyakin ng pastol kung anong uri ng tulong ang kinakailangan.

Pagka dumadalaw upang tulungan ang isang kapananampalataya, kailangang isaisip ng mga pastol na Kristiyano ang kanilang pangunahing layunin. Iyon ay hindi lamang isang sosyal na pagdalaw na ang pinag-uusapan ay walang gaanong kabuluhan. Ang tunguhin ni apostol Pablo sa pagdalaw sa kaniyang mga kapatid ay upang ‘makapamahagi sa kanila ng kaloob na ukol sa espiritu upang sila’y tumibay at magpatibay-loob sa isa’t isa.’ (Roma 1:11, 12) Upang maisagawa ito, kailangan ang patiunang paghahanda.

Una, suriin ang indibiduwal, at alamin kung ano ang kaniyang espirituwal na kalagayan. Pagka iyon ay naisagawa na, pag-isipan kung anong uri ng patnubay, pampatibay-loob, o payo ang lubhang kapaki-pakinabang. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang dapat na pangunahing pagkunan ng impormasyon sapagkat ito’y “mabisa.” (Hebreo 4:12) Maaaring magsaliksik sa mga magasing Bantayan at Gumising! upang alamin kung may mga artikulo roon tungkol sa espesipikong pangangailangan ng tupa na may natatanging mga suliranin. Nakapagpapasigla at nakagiginhawang mga karanasan ang masusumpungan sa Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Ang tunguhin ay upang magbigay ng mga bagay na espirituwal ‘ukol sa ikatitibay ng taong iyon.’​—Roma 15:2.

Pagpapastol na Nakapagpapatibay

Batid ng isang pastol ng isang kawan ng literal na mga tupa na sila’y umaasa sa kaniya para sa proteksiyon at pangangalaga. Ang pinakakaraniwang mga panganib ay ang pagkaligaw, sakit, pagkahapo, pinsala, at lumulusob na mga kaaway. Sa katulad na paraan ay kailangang makilala at pakitunguhan ng espirituwal na pastol ang nakakatulad na mga panganib na nagbabantang sumira sa kapakanan ng kawan. Ang sumusunod ay ilan sa karaniwang mga suliranin at ilang mungkahi kung ano ang masasabi upang magdulot ng impormasyong nagpapatibay sa espirituwalidad.

(1) Tulad ng walang malay na mga tupa, ang ilang Kristiyano ay humihiwalay sa kawan ng Diyos dahil sa sila’y nabibighani ng waring mabuti at nakalulugod na mga pang-akit. Baka sila’y nagambala at natatangay na palayo dahilan sa pagtataguyod ng mga tunguhin na kaugnay ng materyalismo, paglilibang, o mga panoorin. (Hebreo 2:1) Ang gayong mga tao ay maaaring paalalahanan na kailangan ang madaliang pagkilos, ang patuloy na pagiging malapít sa organisasyon ni Jehova, at ang pangangailangan na unahin sa kanilang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:25-33; Lucas 21:34-36; 1 Timoteo 6:8-10) Nakatutulong ang payo na masusumpungan sa artikulong “Keep Your Balance​—How?” sa The Watchtower ng Mayo 15, 1984, pahina 8-11.

(2) Kailangang tumulong ang isang pastol upang mapagaling ang mga tupa na may sakit. Sa katulad na paraan, ang espirituwal na mga pastol ay kailangang tumulong sa mga Kristiyano na nagkakasakit sa espirituwal dahilan sa nakasisira-ng-loob na mga pangyayari sa kanilang buhay. (Santiago 5:14, 15) Baka sila’y walang trabaho, may malubhang sakit, o dumaranas ng mga suliranin sa kanilang buhay pampamilya. Ang gayong mga tao ay baka walang gaanong interes sa espirituwal na pagkain o sa pakikisama sa bayan ng Diyos. Ang resulta nito ay pagbubukod at panghihina ng loob. Kailangang bigyan sila ng katiyakan na sila’y mahal ni Jehova at tutulungan sa panahon ng kahirapan. (Awit 55:22; Mateo 18:12-14; 2 Corinto 4:16-18; 1 Pedro 1:6, 7; 5:6, 7) Makatutulong din na repasuhin ang artikulong “Tumingin Nang Diretso Bilang Isang Kristiyano,” na matatagpuan sa Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1980, pahina 21-25.

(3) Ang pastol ay kailangang nakabantay para sa mga tupa na nahahapo. Ang ilan ay nakapagtiis nang buong katapatan sa paglilingkod kay Jehova sa loob ng maraming taon. Sila’y nakipagpunyagi sa maraming pagsubok at mga tukso. Ngayon sila ay nakikitaan ng mga tanda ng pagkahapo sa paggawa ng mabuti at baka magpahayag pa ng mga pag-aalinlangan tungkol sa pangangailangan ng puspusang pangangaral. Kailangan na muling buhayin ang kanilang loob, ibalik ang kanilang pagpapahalaga sa mga kagalakan at pagpapala na nanggagaling sa buong-pusong paglilingkod sa Diyos bilang pagtulad kay Jesu-Kristo. (Galacia 6:9, 10; Hebreo 12:1-3) Baka matutulungan sila na makita na pinahahalagahan ni Jehova ang kanilang tapat na paglilingkuran at sila’y mapalalakas para sa hinaharap na mga gawain sa kaniyang ikapupuri. (Isaias 40:29, 30; Hebreo 6:10-12) Marahil ay makabubuti na ibahagi ang mga kaisipan buhat sa artikulong “Huwag Magsawa sa Paggawa ng Mabuti,” nasa Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1988, pahina 9-14.

(4) Tulad ng mga tupa na nasaktan, ang ilang Kristiyano ay nagdamdam sa inaakala nilang nakayayamot na paggawi. Subalit, kung tayo ay mapagpatawad sa iba, ipagkakaloob sa atin ng ating makalangit na Ama ang kinakailangang kapatawaran. (Colosas 3:12-14; 1 Pedro 4:8) Ang ilang kapatid ay nakatanggap marahil ng payo o disiplina na inaakala nilang di-makatuwiran. Gayunman, lahat tayo ay maaaring makinabang sa espirituwal na payo at disiplina, at nakaaaliw na malaman na dinidisiplina ni Jehova yaong kaniyang iniibig. (Hebreo 12:4-11) Dahilan sa sila’y hindi binigyan ng mga pribilehiyo sa paglilingkuran na inaakala nilang sila’y kuwalipikado, ang iba’y may hinanakit na naging sanhi ng hidwaan sa pagitan nila at ng kongregasyon. Ngunit kung tayo’y lalayo sa organisasyon ni Jehova, wala nang lugar na mapupuntahan pa ukol sa kaligtasan at sa tunay na kagalakan. (Ihambing ang Juan 6:66-69.) Ang makatutulong na impormasyon na may kinalaman sa bagay na ito ay masusumpungan sa artikulong “Pagpapanatili ng Ating Kristiyanong Pagkakaisa,” na nasa Ang Bantayan ng Agosto 15, 1988, pahina 28-30.

(5) Ang mga tupa ay kailangang ipagsanggalang sa kanilang mga kaaway. Sa isang nahahawig na paraan, ang ilan ay baka sinasalansang at tinatakot ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak o mga kasamahan sa trabaho. Ang kanilang katapatan ay baka dumaraan sa pagsubok pagka sila’y ginigipit upang bawasan nila ang kanilang paglilingkuran sa Diyos o ihinto ang kanilang pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Gayunman, sila’y napalalakas pagka tinutulungan sila na asahang may sasalansang at iyon ay aktuwal na isa sa mga patotoo na tayo’y tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 5:11, 12; 10:32-39; 24:9; 2 Timoteo 3:12) Marahil ay kapaki-pakinabang na banggitin na kung sila’y tapat, sila’y hindi iiwanan kailanman ni Jehova at kaniyang gagantimpalaan ang kanilang pagtitiis. (2 Corinto 4:7-9; Santiago 1:2-4, 12; 1 Pedro 5:8-10) Ang artikulong pinamagatang “Pagtitiis Nang May Kagalakan sa Kabila ng Pag-uusig” sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1982, pahina 19-27, ay nagbibigay ng karagdagang pampatibay-loob.

Mga Pastol​—Tupdin ang Inyong mga Pananagutan

Ang mga pangangailangan ng kawan ng Diyos ay marami, at ang wastong pagbabantay at pangangalaga ay isang gawaing nangangailangan ng tiyaga. Ang mga pastol na Kristiyano kung gayon ay kailangang maging maawain, may tunay na pagkabahala, at interesado na makatulong. Mahalaga ang pagtitiis at pang-unawa. Samantalang ang ilan ay nangangailangan ng payo at paalaala, ang iba naman ay nakikinabang nang malaki buhat sa pampatibay-loob. Ang ilang personal na mga pagdalaw ay maaaring sapat na sa ilang pagkakataon, samantalang sa iba naman ay baka kailanganin ang regular na pag-aaral sa Bibliya. Sa bawat kaso ang pangunahing tunguhin ay ang ituro ang nagpapatibay na patnubay sa espirituwalidad o maibiging payo na magpapakilos sa isa upang magsimulang sumunod sa mabubuting kaugalian sa pag-aaral, maging regular o magpatuloy sa pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon, at aktibong makibahagi sa ministeryong Kristiyano. Ang mga ito ay pangunahing mga paraan upang makatulong sa mga kapananampalataya at mabuksan ang daan para sa malayang pagdaloy ng banal na espiritu ni Jehova.

Ang mga pastol na naglalaan ng ganiyang uri ng pagtangkilik ay gumaganap ng napakahalagang paglilingkuran alang-alang sa kawan ng Diyos. (Tingnan ang The Watchtower ng Nobyembre 15, 1985, pahina 23-7.) Lubhang pinahahalagahan ng kawan ang ginagawa ng espirituwal na mga pastol. Pagkatapos tumanggap ng gayong tulong, isang ulo ng pamilya ang nagsabi: ‘Pagkatapos na kami’y mapasa-katotohanan sa loob ng 22 taon, kami’y nahila ng materyalismo na bumalik sa sanlibutan. Malimit na ibig naming dumalo sa mga pulong, ngunit waring hindi namin magawa iyon. Talagang hindi kami angkop sa sistema ni Satanas, kaya kami ay lubusang napahiwalay, napabukod. Kami’y nakadama ng pagkabigo at ng panlulumo. Kailangan namin ng mga salitang pampatibay-loob. Nang dalawin kami ng isang matanda, malugod na tinanggap namin ang paglalaan ng isang pag-aaral ng Bibliya sa aming tahanan. Ngayon lahat kami ay napabalik na sa matatag na organisasyon ni Jehova. Hindi ko kayang maipahayag ang kaligayahan na aking nadarama!’

May dahilan na labis na magalak pagka ang ating naligaw o nasiraan-ng-loob na mga kapatid ay muling napasigla sa espirituwal at muling napakilos. (Lucas 15:4-7) Ang layunin ni Jehova sa kaniyang bayan ay natutupad pagka sila’y nagkakaisa “tulad ng isang kawan sa kulungan.” (Mikas 2:12) Sa panatag na kanlungang ito, sila’y ‘nakasusumpong ng kaginhawahan para sa kanilang mga kaluluwa’ sa tulong ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Mateo 11:28-30) Ang nagkakaisang kawan sa buong daigdig ay tumatanggap ng patnubay, kaaliwan, at proteksiyon na may kasamang saganang espirituwal na pagkain.

Sa ngayon, sa pamamagitan ng pagpapastol na ito, pinapangyayari ni Jehova ang isang maibiging gawain na kasuwato ng kaniyang sinaunang pangako: “Ako ang hahanap sa aking mga tupa at mangangalaga sa kanila. . . . Ililigtas ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan . . . Aking pakakanin sila sa mabuting pastulan . . . Aking hahanapin ang nawala, . . . at tatalian ang nabalian at palalakasin ang may sakit.” (Ezekiel 34:11-16) Anong laking kaaliwan na malaman na si Jehova ang ating Pastol!​—Awit 23:1-4.

Dahilan sa banal na mga paglalaan para sa pagpapastol sa kawan ng Diyos, bilang mga lingkod ni Jehova ay maaari nating madama ang gaya ng nadama ni David, na nagsabi: “Mapayapa akong hihiga at matutulog, sapagkat ikaw lamang, Oh Jehova, pinatatahan mo ako sa katiwasayan.” (Awit 4:8) Oo, ang bayan ni Jehova ay nakadarama ng kapanatagan sa kaniyang mapagmahal na pangangalaga at sila’y napasasalamat na ang matatanda sa kongregasyong Kristiyano ay maawaing nagpapastol sa maliliit na tupa.

[Picture Credit Line sa pahina 20, 21]

Potter’s Complete Bible Encyclopedia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share