Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Katapatan sa Ilalim ng Pagbabawal
MAY 11 taon na ang gawaing pangangaral sa isang bansa sa Timog-silangang Asia ay napasa-ilalim ng opisyal na pagbabawal ng gobyerno. Gayunman, noong nakaraang mga taon ang mga kapatid ay nagkaroon ng dahilang maniwala na may responsableng mga tao sa gobyerno na ibig makatulong upang mapagaang ang kalagayan. Waring ang pagbabawal ay udyok ng malakas na impluwensiya ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa mga tanggapan ng gobyerno.
Kung minsan ang mga kapatid ay mahigpit na minamatyagan, inaaresto, at sumasa-ilalim ng matinding pagtatanong. Yaong mga nagtatrabaho sa mga institusyon ng gobyerno ay pinagbantaan na ibababa ng ranggo o pupuwersahing rumetiro kung hindi sila aanib sa partido pulitika ng Estado. Isang grupo ng mga mamamahayag ang ginulpi nang husto.
Ang mga Saksi ay inalisan din ng mga legal na karapatan, tulad baga ng serbisyo ng mga hukumang sibil at ng karapatan na magpahayag sa mga libing. (Ang awtoridad ay humirang ng isang klerigo upang gumawa nito.) Sa mga ibang lugar, kahit na lamang ang pagpaparehistro ng kasal ay ipinagkakait sa mga Saksi!
Subalit, yaong mga nangangasiwa sa gawain doon ay nag-ulat: “Walang ipinagbabago, pagka hinarap ng mga kapatid nang may tibay-loob ang isyu, nagbibigay ng isang magalang na pagpapatotoo buhat sa Bibliya, sa wakas ay inihinto ang pagtatanong at nababawasan ang pagmamatyag sa kanila, kaya ang mga kapatid ay nakapagpapatuloy sa epektibong pangangaral at paggawa ng mga alagad.”—Mateo 28:19, 20.
Halimbawa, isang sister na isinailalim ng pagtatanong ang tinanong kung saan natin kinuha ang pangalang Jehova. May tibay-loob na binuklat niya ang kaniyang Bibliya sa Exodo 15:3, na kung saan naroroon ang pangalan. Ang tagapagtanong, isang kumander ng militar, ay sumubaybay sa pagbabasang iyon sa Bibliya, at ang sabi: “Oo, oo nga. Ito ay nasa Bibliya.” Pagkatapos, siya’y bumaling sa isang klerigo na nakikibahagi rin sa pagtatanong, at nag-usisa: “Bakit hindi ninyo ipaalam sa mga tao ang tungkol sa pangalan?” Walang katuturang tumugon ang klerigo: “Ah, oo, ang pangalan ay nasa Matandang Tipan. Subalit dahilan sa ang bansang ito’y walang diplomatikong relasyon sa Israel, hindi namin ginagamit ang pangalan.” Ang sister ay agad na pinalaya!
Dahil sa pakikialam ng isang taong “interesado,” kinansela ng pulisya ang una sa tatlong pandistritong mga kombensiyon nang gabi bago iyon nakatakdang magsimula! Gayunman, sa pulisya ay mayroong mga taong pabor sa gawain at sila’y nakatulong sa pagpigil sa sana’y gaganapin na mga pagtatanong. Walang-takot, ang dalawang natitirang kombensiyon ay idinaos ng mga kapatid.
Sa kabila ng mahigpit na relihiyosong pananalansang sa bansang ito, mayroon pa ring mga taong umiibig sa katuwiran. Isang maypatrabaho, halimbawa, pagkatapos makita ang katapatan ng mga kapatid sa kanilang mga prinsipyo at paniniwala, ay nagkaroon ng higit na pagtitiwala sa mga kapatid. Sila’y binigyan ng karagdagan pang pananagutan sa kanilang trabaho.
Nahahawig namang bagay ang nangyayari sa ating mga batang mag-aaral. Tapat-pusong mga guro ang humahanga sa kanila dahilan sa kanilang matatag na paninindigan ukol sa kanilang paniniwala.
Bagaman ang situwasyon sa larangan ay nagluluwag para sa mga kapatid, ang mga igle-iglesya ay nagpapatuloy pa rin ng kanilang panliligalig at ginagamit nila ang bawat posibleng paraan upang pahintuin ang gawaing pagpapatotoo. Kung minsan ay sinusubok nila na saktan yaong mga inaaralan ng Bibliya ng mga Saksi. Gayunman, ang mga interesado ay humuhugos pa rin sa organisasyon ni Jehova. Isang karanasan ang tungkol sa isang lola na nasa kaniyang ika-70 taon pataas. Pagkatapos na ang isa sa kaniyang mga mata ay operahin, sinabi niyang ibig niyang mag-auxiliary payunir. Dahilan sa kaniyang edad, inakala niya sa pasimula na ang kahilingang 60-oras ay totoong malaki para sa kaniya, subalit pagkatapos na subukin niya ito, natuklasan niya na subukin niya ito, natuklasan niya na magagawa naman pala niya. Ang totoo, sa unang sampung araw, siya’y nakagugol ng 38 oras sa paglilingkod sa larangan; nakapaglagay ng dalawang aklat, tatlong pulyeto, at dalawang magasin sa isang mahirap na teritoryo; at nakapagpasimula ng dalawang pag-aaral sa Bibliya. Siya’y maligaya!
Sa pangkalahatan, ang kalagayan ng paglilingkod sa larangan sa bansa ay napakainam. Lalo na pagkatapos ng pangkalahatang halalan, ang mga kapatid ay nakapagpapatuloy sa iba’t ibang bahagi ng pagpapatotoo. Ito’y tunay na nakapagpabilis sa gawain. Isang regular na mamamahayag ang may pito hanggang sampung pag-aaral sa Bibliya. Dati-rati, ang mga maybahay ay lubhang mausisa tungkol sa kung sino tayo, kung saan tayo nanggaling, at iba pa. Ngayon ang mga kapatid ay halos hindi na kailangang magpakilala pa ng kanilang sarili. Ang mga tao ay nagugutom sa nakasisiyang espirituwal na pagkain. Ang larangan ay talagang handa na para sa pag-aani.—Mateo 9:37, 38.
Oo, ang mga kapatid sa bansang ito ay nanatili sa katapatan sa ilalim ng pagsubok at kamakailan ay tinamo nila ang 7-porsiyentong pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag! Ang paninindigan nila ay kagaya ng sa salmistang si David nang kaniyang sabihin: “Sa ganang akin, ako’y lalakad sa aking pagtatapat.”—Awit 26:11.