“Patuloy Ninyong Gawin Ito Bilang Pag-alaala sa Akin”
1 Nalilimutan ng mga tao ang kahulugan ng mahahalagang bagay sa paglipas ng panahon. Ito ang dahilan kung bakit, nang itatag ang “hapunan ng Panginoon,” ipinag-utos ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Mula noon, sa anibersaryo ng kamatayan ni Jesus, may pagkamasunuring patuloy na “inihahayag [ng mga Kristiyano] ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa siya ay dumating.”—1 Cor. 11:20, 23-26.
2 Di na matatagalan ngayon, tatanggapin na ni Jesus sa makalangit na tirahan ang huli sa paliit nang paliit na bilang ng “munting kawan.” (Luc. 12:32; Juan 14:2, 3) Sa taóng ito ang nalabi sa mga pinahiran kasama ng lumalaking bilang ng malaking pulutong ng “ibang tupa” ay magkakapribilehiyong muli na ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon sa Abril 11. (Juan 10:16; Apoc. 7:9, 10) Mapalalaki nito ang pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig ni Jehova sa pagsusugo ng kaniyang bugtong na Anak sa kapakanan ng sangkatauhan. Itatampok ang halimbawa ni Jesus, ang kaniyang pag-ibig, ang kaniyang katapatan sa paglalaan ng pantuboshanggang sa kamatayan, at ang kaniyang pamamahala ngayon bilang Hari ng nakatatag nang Kaharian ng Diyos, at gayundin ang idudulot na mga pagpapala ng Kaharian sa sangkatauhan. Tunay na isang okasyon upang alalahanin!
3 Maghanda na Ngayon: Paghahandaan nating lahat na gawing isang malaking kagalakan at pasasalamat ang panahon ng Memoryal para sa atin at sa lahat ng makikisama sa atin. Mapalalaki natin ang ating pagpapahalaga sa kamatayan ni Jesus sa pamamagitan ng muling pagbabasa sa mga ulat ng Bibliya hinggil sa huling ilang araw ng ministeryo ni Jesus at ang mga pangyayaring humantong sa kaniyang kamatayan. Ang ilang linggo ng ating pampamilyang pag-aaral bago ang Memoryal ay maaaring ilaan sa pagrerepaso sa mga kabanata 112-16 ng aklat na Pinakadakilang Tao.
4 Ilan ang alam ninyong makadadalo sa Memoryal kung kayo ang unang kikilos upang mapalaki ang kanilang pagpapahalaga sa okasyong ito, maanyayahan sila, at maipadama sa kanilang sila’y tinatanggap? Ngayon pa ma’y gumawa na ng isang listahan, at gawin ang makakaya upang tulungan silang makadalo. Pagkatapos, tulungan silang patuloy na sumulong sa espirituwal sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kanilang dumalo nang palagian sa mga pulong.
5 Sa panahon ng Memoryal, magsasagawa ng pantanging mga kaayusan upang mapalaki ng lahat ang mga pagkakataong mangaral. Sa pamamagitan ng mabuting iskedyul, maaari ba kayong mag-auxiliary pioneer sa Abril? sa Mayo? Ang isa sa pinakamabuting paraan upang maipakitang naaalaala natin nang may pagpapahalaga ang lahat ng ginawang sakripisyo ni Jesus para sa atin ay ang makipag-usap tungkol sa ating Diyos, si Jehova, at sa mga pagpapalang idudulot ng pamamahala ng Kaharian sa pamamagitan ng kaniyang Anak.—Awit 79:13; 147:1.