Mga Anak—Kayo ang Aming Kagalakan!
1 Mga kabataang lalaki at babae, kayo ba’y pamilyar sa utos ni Jehova na kayo’y isali sa mga gawain ng kongregasyon? (Deut. 31:12; Awit 127:3) Isang kagalakan na kayo’y makapiling namin habang tayo’y sama-samang sumasamba kay Jehova! Isang kasiyahan sa aming mga puso kapag kayo’y umuupong tahimik sa mga pulong at matamang nakikinig. Lalo na kaming nagiging maligaya kapag kayo’y nagsisikap na magkomento sa inyong sariling pananalita. Ang buong kongregasyon ay natutuwa kapag inihaharap ninyo ang inyong mga atas na bahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, kapag kayo ay may pananabik na sumasama sa paglilingkod sa larangan, at kapag aming naririnig na kayo’y may katapangang nagpapatotoo sa inyong mga kamag-aral at mga guro.—Awit 148:12, 13.
2 Nais naming malaman ninyo na ipinagmamalaki namin kayo kapag aming nakikita ang inyong mabubuting ugali, ang inyong masinop na anyo, ang inyong malinis na paggawi, at ang inyong paggalang sa matatanda. Lalo nang lumalaki ang aming kagalakan kapag inyong ipinamamalas na inyong ‘naaalaala ang inyong Dakilang Maylikha’ sa pamamagitan ng pagkakaroon ninyo ng mga teokratikong tunguhin.—Ecles. 12:1; Awit 110:3.
3 Sabihin sa Amin ang Inyong mga Tunguhin: Ang isang walong taóng gulang na batang lalaki ay nagsabi sa isang tagapangasiwa ng distrito: ‘Gusto ko po munang magpabautismo, pagkatapos ay gusto kong tumulong sa kongregasyon sa sound system at sa pag-aabot ng mga mikropono, pagiging attendant, pagtulong sa literatura, pagbasa sa mga pag-aaral sa aklat at mga Pag-aaral sa Bantayan. Pagkatapos ay gusto ko pong maging ministeryal na lingkod, at pagkatapos ay isang matanda. Gusto ko rin pong maging isang payunir at makapag-aral sa pioneer school. Pagkatapos ay gusto ko pong pumasok sa Bethel, maging isang tagapangasiwa ng sirkito o distrito.’ Kay inam ng pagpapahalaga na kaniyang ipinakita para sa pribilehiyo ng paglilingkod sa Diyos!
4 Habang kayo ay lumalaki sa pisikal at espirituwal, kami ay nagagalak na makitang naaabot ninyo ang inyong mga tunguhin. (Ihambing ang Lucas 2:52.) Bawat taon, libu-libo sa inyo ang nagiging di-bautisadong mamamahayag at pagkatapos ay nagiging kuwalipikado sa bautismo bilang mga nakaalay na lingkod ni Jehova. Lumalaki ang aming kagalakan kapag pagkatapos nito’y nakikita namin kayong nagsisikap na maging auxiliary pioneer at pumapasok maging sa buong-panahong paglilingkuran. Tunay, mga anak, kayo ang aming kagalakan at isang kamangha-manghang pinanggagalingan ng papuri para sa ating makalangit na Ama. Kayo nawa’y mayamang pagpalain ni Jehova!—Kaw. 23:24, 25.