Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 1/15 p. 15-20
  • Pagpapanumbalik-Lakas, Hindi Panghihina

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapanumbalik-Lakas, Hindi Panghihina
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Jehova​—Ang Bukal ng Dinamikong Kalakasan
  • Maaari Kang Bigyang-Lakas ni Jehova
  • Labanan ang Espirituwal na Pagod
  • Hinirang na Matatanda​—Kayo’y Maging “Nagpapalakas na Tulong”
  • Kung Paano Manunumbalik ang Lakas ng mga Payunir
  • Pinalalakas ni Jehova ang Pagod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Paghahanap sa Pinagmumulan ng Lahat ng Enerhiya
    Gumising!—2005
  • Si Jehova ay Nagbibigay ng Lakas sa Napapagod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Kapangyarihan ng Diyos—Makikita sa mga Bituin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 1/15 p. 15-20

Pagpapanumbalik-Lakas, Hindi Panghihina

“Siya’y nagbibigay ng lakas ha nanghihina; at sa walang dinamikong kalakasan ay pinasasagana niya ang lubos na kapangyarihan.”​—ISAIAS 40:29.

1, 2. Paano mo mapaghahambing ang mga Kristiyano at ang mga mananakbo sa marathon?

ISANG umaga ng Oktubre noong 1984, isang animo’y karagatan ng halos 16,000 katao na mga mananakbo ang dumagsa sa mga kalye para sa pagpapasimula ng New York City Marathon. Ang finish line o hantungang gol ay mga 26.2 milya (42.2 km) ang layo. Ang totoong maalinsangang araw na iyon ng taglagas ay may nakaririnding init at totoong maumido kaya nahapong totoo ang mga mananakbo at nasubok ang kanilang pagtitiis. Ang takbuhan ay naging isang nakahahapong pagpupunyagi para sa pinakamagagaling man na mananakbo. Maraming mananakbo ang nanghina at umurong na sa takbuhan; halos 2,000 ang umatras. Yaong mga hindi umurong ay nagtagumpay sa napakahihirap na mga kalagayan.

2 Ang mga Kristiyano, man naman, ay nasa isang takbuhan. Ang gantimpala? Buhay na walang hanggan. At kahalintulad ng mananakbo sa marathon, sila’y kailangang magpunyagi hanggang sa katapusan. Kailangan ang pagtitiis. Kailangang mapanatili ang lakas at iwasan ang pagkahapo. Ang ating takbuhan ukol sa buhay ay hindi katulad ng isang maikling pagtakbo kundi, bagkus, katulad ng isang pagtakbo sa mahabang distansiya. Sinabi ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa Corinto: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon.” (1 Corinto 9:24) Ang pagtakbo nila ay puspusan.​—Lucas 13:24.

3. Sa paano lamang makapagpapatuloy sa puspusang pagtakbo ang mga Kristiyano hanggang sa katapusan ng takbuhan?

3 Marahil ay itatanong mo: ‘Sino ang makapagpapatuloy sa ganiyang bilis hanggang sa katapusan ng takbuhan?’ Walang isa man sa atin kung sa sariling lakas lamang. Upang kamtin ang gantimpala, kailangang kumuha tayo ng lakas sa mismong Bukal ng dinamikong kalakasan, si Jehovang Diyos.​—Job 36:22; Awit 108:13.

Si Jehova​—Ang Bukal ng Dinamikong Kalakasan

4. Sang-ayon sa propetang si Isaias, bakit tayo makapagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na patuloy na palakasin ang mga lingkod niya?

4 Patuloy na mapalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, ang Makapangyarihan-sa-lahat ay nagsalita tungkol sa kaniyang walang hanggang mga kakayahan at walang katulad na makapangyarihang mga gawa. “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo,” ang sabi Niya. “Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila. . . . Hindi mo baga naalaman o hindi mo baga narinig? Si Jehova, na Maylikha ng mga kadulu-duluhan ng lupa, ay Diyos na walang hanggan. Siya’y hindi nanghihina o napapagod man. Walang makatarok ng kaniyang unawa.”​—Isaias 40:26-28.

5, 6. Magbigay ng mga halimbawa ng katibayan ng dinamikong kalakasan ni Jehova.

5 Buhat sa kaliit-liitan hanggang sa walang hanggang kalaki-lakihan, nakapanliliit ang nakikitang kapangyarihan ni Jehova sa paglikha! Halimbawa, isaalang-alang ang mga kayariang bloke ng lahat ng materya, kasali na tayo, na bumubuo nito​—ang mga atomo. Ang mga ito ay pagkaliit-liit na anupat ang isang patak ng tubig ay mayroong 100 bilyun-bilyong atomo. (Sistemang Amerikano ng pagbilang) Gayunman, nakapanggigilalas na doon sa loob ng nukleo ng mga atomo ay may sapat na lakas na kung aaryahan, lilikha ng pagsabog na gagawa ng hukay sa lupa na may 32 mga palapag (ang lalim at isang ikaapat na bahagi ng isang milya ang luwang.

6 Sa kabilang dulo naman ng sa kalaki-lakihan, isaalang-alang ang araw. Ang dambuhalang hurnong itong lakas nuklear, na may bigat na bilyung-bilyong tonilada, ang nagbibigay ng init sa ating sistema solar. Ang pinaka-gatong nito ay yaong lakas na nanggagaling sa pagkaliit-liit na mga atomo. Bagaman lahat ng buhay sa lupa​—mga halaman, mga hayop, at mga tao​—ay depende sa lakas na nanggagaling sa dambuhalang plantang iyan, kaunting-kaunti lamang ng lakas na nanggagaling sa araw ang aktuwal na nakararating sa lupa. Gayunman, iyan ay sapat na upang sumustine sa buhay. Sa kaniyang aklat na Astronomy, ganito ang isinulat ng astronomong si Fred Hoyle: “Ang pagkaliit-liit na bahagi ng lakas ng Araw na nahuhulog sa Mundo​—tinataya na humigit kumulang limang bahagi sa isang daang milyung-milyon​—ay mga 100,000 beses ang kahigitan kaysa lahat ng lakas na ginagamit sa mga industriya ng daigdig.”

7. Ano ang dapat nating madama tungkol kay Jehova pagkatapos pag-isipan ang lakas na makikita sa kaniyang paglalang?

7 Ang araw ay isa lamang sa bilyun-bilyong bituin sa ating Milky Way galaksi​—at ito’y katamtaman lamang ang laki. Tinataya ng mga astronomo na mayroong mga 100,000,000,000 galaksi sa kilalang sansinukob. Ito’y hindi natin maubos-maisip di ba? Hindi katakataka na si Job, pagkatapos na bulay-bulayin kung paano ‘iniunat ni Jehova ang kalangitan sa ganang sarili niya,’ ay nagsabi na ang Diyos ay “gumagawa ng dakilang mga bagay na di-malirip, at ng kamangha-manghang mga bagay na di-mabilang.”​—Job 9:8-10.

Maaari Kang Bigyang-Lakas ni Jehova

8. (a) Sino lamang ang lubusang makakakuha ng lakas sa kalakasan ni Jehova, at bakit? (b) Paanong ang pangako sa Isaias 40:29-31 ay nagpapatibay ng pananampalataya?

8 Ang mga tunay na sumasamba kay Jehova ay malaya na kumuha at lubusang magagawa nila na kumuha sa Bukal na ito ng dinamikong kalakasan na ginamit sa paglalang at sa patuloy na pagpapairal sa sansinukob. Ang mga lingkod ni Jehova ay ‘maaaring palakasin upang magkaroon ng lakas sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu,’ nang hindi nangangamba na kakapusin ng lakas. (Efeso 3:16; Awit 84:4, 5) Oo, ang ating pagtatagumpay sa takbuhan ukol sa buhay ay depende sa ating lubos na pagtitiwala na ang makapangyarihang kamay ng Diyos ay makakasustine sa atin hanggang sa makarating tayo sa finish line o hantungan. Kaniyang mabibigyang-lakas tayo. Gaya ng sinabi ni propeta Isaias tungkol kay Jehova: “Siya’y nagbibigay ng lakas sa nanghihina, at sa walang dinamikong kalakasan ay pinasasagana niya ang lubos na kapangyarihan. Ang mga kabataang lalaki ay manghihina at mapapagod, at ang mga binata ay tiyak na mangabubuwal, ngunit yaong mga nagsisiasa kay Jehova ay manunumbalik ang lakas. Sila’y paiilanlang na may mga pakpak na parang mga agila. Sila’y magsisitakbo at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad at hindi manghihina.” (Isaias 40:29-31) Kahit ang pagbabasa lamang ng mga salitang iyan ay maaaring magpaningas ng ating espiritu!

9. Paano ka matutulungan ni Jehova sa iyong ‘gagabundok’ na mga problema?

9 Pagka nakaharap sa waring gagabundok na mga problema na nagbabantang humadlang sa iyong sigasig sa tunay na pagsamba, marahil ay madarama mo na ikaw ay pagkaliit-liit at walang kabuluhan. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Lumapit ka sa iyong Ama sa langit. Kaniyang pinalalakas ‘ang lahat ng sa kaniya’y umaasa.’ Hindi ba magagawa ng Maylikha ng atomo na bigyan ang kaniyang mga lingkod ng dinamikong lakas na sapat mag-alis ng mga ‘bundok’ na iyon? Magagawa niya iyan!​—Marcos 11:23.

10. (a) Anu-anong mga bagay ang makapagpapahina sa mga mananakbong Kristiyano? (b) Ano ang ibig ni Satanas na gawin sa iyo?

10 Ang mga ibang Kristiyano ay hapung-hapo dahil sa araw-araw na pakikipagbaka sa mga panggigipit ng isang daigdig na ipinagmamalaki ang pagwawalang-bahala sa mga simulaing Kristiyano kayat sila’y nagiging mabagal o humihinto pa nga sa takbuhan sa buhay. Ang sakit, ang kapos na pananalapi, mga problema sa pamilya, kalungkutan, o iba pang mga kahirapan ay maaaring magpahina ng loob. At ang panghihina ng loob ay dagling humihigop ng lakas ng Kristiyano, gaya rin ng kung paano ang isang napakainit na araw ay uubos ng lakas ng mananakbo sa marathon. Ang mahigpit na Kaaway, si Satanas na Diyablo, ay gumagamit ng ganiyang mga bagay upang sirain ang iyong katapatan bilang lingkod ni Jehova. (1 Pedro 5:8) Huwag hayaang gawin iyan sa iyo ng Diyablo! Tumingin ka sa Maylikha ng laksa-laksang mga galaksi sa kalangitan upang panumbalikin ang iyong espirituwal na kalakasan. Aalalayan ka ni Jehova.​—Awit 37:17; 54:4.

11. Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa paraan ng pagharap ni David sa mga hadlang?

11 Sa pagharap sa mga hadlang, sa tuwina’y nasumpungan ni David na si Jehova ang bukal ng panibagong lakas. Nang muling palakasin ng banal na espiritu, ‘nalundagan’ si David ang anomang pananalansang. Sinabi niya: “Sa pamamagitan mo ay dadaluhong ako sa hukbo ng mga tulisan; at sa pamamagitan ng aking Diyos ay maaakyat ko ang isang kuta.” At: “Sa pamamagitan ng Diyos ay kakamtin namin ang nagpapasiglang kalakasan, at siya ang yuyurak sa aming mga kaaway.” (Awit 18:29; 60:12) Magagawa rin iyan ni Jehova para sa iyo.

Labanan ang Espirituwal na Pagod

12. (a) Bakit kailangang lunasan agad ang espirituwal na panghihina? (b) Ano ang mga sintomas ng espirituwal na pagod? (c) Anong mga paglalaan ang ginawa ni Jehova upang panumbalikin ang lakas niyaong mga napapagod sa espirituwal?

12 Kailangang agad mapansin natin ang mga tanda ng espirituwal na panghihina, at agad din nating lunasan ang mga iyan. Bakit? Sapagkat yaon lamang kakaunti na ‘puspusang nagsusumikap na pumasok sa pintuang makipot,’ o yaong mga mananakbo na nakalampas sa finish line, ang magtatamo ng premyo ng buhay na walang hanggan. (Lucas 13:24; Filipos 3:12, 13) Suriin ang kasamang kahon na pinamagatang “Mga Ilang Paraan ng Pagdaig sa Espirituwal na Pagod.” Iyo bang nakikilala ang ilan sa mga sintomas kung mayroon ka nga nito o ang isang miyembro ng iyong pamilya? Agad-agad gumawa ka ng mga hakbang para malunasan ito. Pasiglahin ang iyong espirituwalidad, kumuha ng lakas sa nakatalang mga paglalaan ni Jehova.

13, 14. (a) Anong mga halimbawa ang makatutulong upang mapanumbalik ang ating espirituwal na lakas? (b) Paanong ang payo buhat sa isang matagal nang lingkod ni Jehova ay makatutulong sa atin upang manatili sa pagtakbo?

13 Maaari mong malabanan ang hilig na manghina sa pamamagitan ng pagtulad sa mga halimbawa ng nagtagumpay na mga lingkod ng Diyos na nakaulat sa Bibliya. Maraming mga lingkod, mga lalaki at mga babae, mga bata at matatanda na nagtiis hanggang wakas. Basahin ang tungkol sa kanila sa mga talata na gaya ng Hebreo 11:4-40. Gayundin naman, sa modernong panahon ay marami tayong mahal na mga kapatid, mga lalaki at mga babae, na nagpapatuloy nang walang panghihimagod sa paglilingkod kay Jehova.

14 Si George, na nakatira sa gawing timog ng Estados Unidos, ay halimbawa ng isang Kristiyanong mananakbo na hindi nanghihina. Pagkatapos ng mahigit na 50 mga taon sa takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan, siya ay malakas pa rin. Ano ang payong ibinibigay niya sa atin?

“Ipakakadiin ko, manatili sa organisasyon. Tandaan na si Jesu-Kristo, bilang Hinirang ni Jehova, ang nagpapatakbo sa organisasyon. Kaya huwag masisiraan ng loob kung ang isang may pinakamatalik na kaugnayan sa iyo ay hindi naging tapat. Kung mayroong bagay na hindi mo lubusang nauunawaan o nahihirapan kang tanggapin, magtiwala ka na pagkalipas ng sandali ay magliliwanag iyon. Ang organisasyon ni Jehova ang nagdala sa atin hanggang sa layong ito. Magtiwala na aakayin tayo nito hanggang sa Bagong Sistema.”​—Juan 6:66-68.

15. Upang ang maiinam na halimbawa ay mapasigla tayo sa espirituwal, ano ang kailangang gawin natin?

15 Baka may ganitong mga kapatid sa inyong kongregasyon, o maaari ninyong makilala sila sa mga asambleang pansirkito. Kausapin sila. Matuto kayo sa kanila. May mga halimbawa ng mga tapat na kapatid na mababasa sa Yearbook, sa Ang Bantayan, at sa iba pa ring mga lathalain ng Watch Tower. Basahin ninyo ang mga pag-uulat na ito. Tingnan kung paano kayo makakakuha ng lakas buhat sa mga karanasang iyon.

Hinirang na Matatanda​—Kayo’y Maging “Nagpapalakas na Tulong”

16. (a) Paano ang hinirang na matatanda ay makatutulong sa mga kapuwa Kristiyano upang manumbalik ang lakas ng mga ito? (b) Anong pag-iingat ang kailangang gawin ng matatanda pagka sila’y nagbibigay ng pampatibay-loob at payo?

16 Ang hinirang na matatanda sa kongregasyon lalo na ang dapat na maging listo na tumulong sa mga miyembro na nagpapakita ng tanda ng panghihina. Ang Isaias 35:3 ay nagbibigay ng mainam na payo sa pagsasabing: “Palakasin, ninyong mga tao, ang mahihinang kamay, at patatagin ang nangangatog na mga tuhod.” Subalit paano kayong matatanda ay makagaganap ng inyong bahagi sa bagay na iyan? Una, magmasid kayo. Sikaping matuklasan ang talagang sanhi ng nakikitang pagbagal. Magbigay ng praktikal, maka-Kasulatang mungkahi na talagang ginawa para sa taong iyon. Subalit pakaingat. Ang ibig ninyo’y makapagpatibay-loob, hindi makapagpahina ng loob, sa inyong kapatid.a Kung gayon, huwag ninyong ipilit ang inyong budhi sa iba, o hilahin ang taong iyon upang sumunod sa inyong solusyon, o dili kaya’y uriin siya na isang walang-gulang na Kristiyano kung ayaw niyang sundin ang inyong personal na pangmalas. Sa Bibliya dapat isalig ng matatanda ang payo at pampatibay-loob. Hindi nila ibig na makapagpabagal sa kanilang mga kapuwa mananakbo dahil sa pagpapabigat sa kanila ng di-kinakailangang mga alituntunin ng kongregasyon.​—Ipakita ang pagkakaiba ng Mateo 11:28, 29 at ng Mateo 23:2-4.

17. Paanong masasalungat ng matatanda ang mga pamamaraan ni Satanas na nilayong magpabagal sa mga kapuwa Kristiyano?

17 Ang matatanda ay maaaring magpakita ng maiinam na halimbawa bilang mga tagasunod ni Kristo sa pamamagitan ng pagbibigay ng komendasyon sa mga miyembro ng kongregasyon. Ipadama sa kanila na sila’y taimtim na minamahal at kinakailangan ninyo! Ang sistema ni Satanas ay laging handa sa tuwina na ipadama sa Kristiyano na siya’y may pagkukulang. Sa puntong ito sa kanilang pagtakbo ukol sa buhay, ang ating mga kapatid ay nangangailangan, hindi ng mga kritiko, kundi ng mga kaibigan na magpapalakas-loob sa kanila tungo sa tagumpay. Halimbawa, nang ang isang nasa katanghaliang-edad na sister ay huminto ng pagpapayunir, pinakanasa ng kaniyang puso na bumalik sa buong-panahong paglilingkod. Subalit hindi niya magawa iyon dahilan sa kakapusan sa pera. Bagamat wala namang masamang motibo ang isang matanda, kaniyang tinanong ang sister sa paraan na parang namimintas: “Kailan ba kayo uli magpapayunir?” Nagtaka ang matanda nang siya’y tugunin nito: “Pagka ang kita ng asawa ko ay sapat nang maipangbayad sa upa.” Ang hindi natatalos noon ng matanda, pero natalos din niya nang malaunan, ay na ang pagpapayunir ng sister na ito’y ginagastusan ang malaking bahagi ng kita ng kaniyang asawa. Nang ang amo ng kaniyang asawa ay magtambak rito ng trabahong alanganing gawin ng isang Kristiyano, ang budhi ng asawang lalaki ay nag-udyok sa kaniya na humanap ng ibang mapapasukan. Sa edad niya, noon ay hindi siya kaagad makakakita ng trabaho. Kayat, nagkasiya siya na tumanggap ng trabaho na mas mababa ang kita; kaya kinailangan na ang kaniyang maybahay ay magtrabaho ng buong-panahon.

18. Sa papaanong paraan na ang matatanda ay magiging isang “nagpapalakas na tulong”?

18 Buhat sa inilahad na karanasan, dapat ba nating isipin na ang hinirang na matatanda ay dapat mag-atubili ng pagpapayo sa kanilang mga kapuwa Kristiyano? Hindi. Pagka kinakailangan ang payo o pampatibay-loob, dapat na unawain ng matatanda ang aktuwal na kalagayan ng kanilang mga kapatid at hindi lamang ang pang-ibabaw na nakikita ang tingnan. (Santiago 2:15-16) Sa gayon, ang matatanda ay maaaring maging isang “nagpapalakas na tulong” sa kanilang kongregasyon.​—Colosas 4:11.

19. Ano ang maaari mong gawin upang tulungan ang mga payunir na huwag manghina?

19 Parami nang paraming mga mamamahayag ng Kaharian ang sumulong na at ngayon ay mga regular payunir. Ang hugong na nagmumula sa pulutong ng mga tagapanood ay maaaring makapagpalakas-loob sa mga mananakbo sa marathon upang manumbalik sa kanila ang lakas. Kayat ano ang inyong ginagawa upang palakasin-loob tungo sa tagumpay ang mga payunir sa inyong kongregasyon? Ginawa ni Doug at ni Joanne na ang buong-panahong paglilingkod ang maging karera nila sa buhay. Nakapagpapahina ng loob pagka sila’y tinatanong ng mga iba, “Kailan ba kayo magkakaroon ng mga anak?” o, “Kailan ba sa wakas magpipirmihan na kayo ng pamumuhay?” Datapuwat, ano ang nangyayari pagka ang mga kapuwa Saksi ay nagpatibay-loob sa kanila na nagsasabing, “Magpatuloy kayo sa mabuting gawa. Kami’y nalulugod na kayo’y nagpapatuloy na mga payunir sa ating kongregasyon”? Hindi lamang nila naiiwasan ang espirituwal na panghihina kundi sila ay natutulungan din na pumailanlang ng gaya ng mga agila sa kanilang paglilingkurang payunir!​—Ihambing ang Isaias 40:31.

Kung Paano Manunumbalik ang Lakas ng mga Payunir

20, 21. Paanong ang mga iba na nasa buong-panahong paglilingkod ay nanumbalik ang lakas?

20 Makinig sa mag-asawang ito, sina Frederick at Marian. Batid nila kung paano panunumbalikin ang lakas. Kapuwa sila mga misyonero na naglilingkod sa isang bansa sa Central America, at kapuwa sila nasa kanilang mga taon ng 70 anyos. Ang lalaki ay nagsimula ng pagkamisyonero noong 1946, ang babae naman ay noong 1950. Ano’t nagpapatuloy sila ng paglilingkuran kay Jehova? Ganito ang sagot ni Frederick, “Bukod sa pag-ibig kay Jehova at sa hangaring makatulong sa mga ibang tao, iyon ay dahil sa laging nasa isip namin ang tunguhin na buhay na walang hanggan.” Ang tugon naman ng kaniyang maybahay ay na ‘ang mga pangako ng Diyos ang nagtutulak sa amin na magpatuloy.’ Paano nila naiiwasan ang panghihimagod? “Anoman ang inyong tinanggap na atas,” anang lalaki, “maging abala kayo roon.” Ang payo ng babae ay “huwag maglulubay sa gawaing teokratiko” at: “habang ikaw ay tumatanda, hindi mo magagawa ang lahat ng ibig mong gawin. Iyan ay maaaring makayamot sa akin, pero ipinakikipag-usap ko iyan kay Jehova sa panalangin.” Ganito ang pagwawakas ni Frederick: “Kami’y nananalangin gabi-gabi at hinihiling kay Jehova na tulungan kami.”​—1 Pedro 4:7.

21 Si Lavonia ay 67 anyos at isang regular payunir noong nakaraang 20 taon. Noong nakalipas na taon, siya’y gumugol ng 15 araw sa ospital at sa kasalukuyan ay nagpapagamot dahil sa sakit sa puso. Ang pagkamatay ng mga ilang miyembro ng kanilang pamilya, kasali na ang kaniyang asawang lalaki at ang kaniyang ama, ay nakaragdag pa sa kaniyang binabatang suliranin. Gayunman ay patuloy na nagsusumikap siya. Paanong nanumbalik ang kaniyang lakas? “Ang higit pang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay aktuwal na nakatulong,” aniya, “sapagkat pagka ako’y nakikipag-usap sa iba tungkol kay Jehova, ang aking pag-iisip ay inaalis niyaon sa aking mga problema at nagbibigay sa akin ng kapayapaan ng isip at ng kagalakan na nagpapaging karapatdapat na mabuhay pa ako.” Hindi siya nagbabalak huminto ng pagpapayunir kundi ang sabi niya: “Pagka nakikita ko ang iba na natututo tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin ako ay totoong nagagalak na anupat hindi ko man lamang naiisip na huminto ng pagpapayunir.”​—Gawa 20:35.

22. Upang magtagumpay sa takbuhan ukol sa buhay na walang hanggan, ano ang kailangang patuloy na gawin natin?

22 Tayo man ay nagsusumikap na gumawa bilang mga payunir sa yugtong ito ng ating buhay o dili kaya’y hindi tayo gumagawa ng gayon, lahat tayo ay makapananatiling may malapit na kaugnayan sa Bukal ng dinamikong kalakasan, si Jehova, at sa kaniyang organisasyon. Patuloy na manumbalik sana ang ating lakas sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa ating Diyos. Kung magkagayon, tulad ni Habacuc, masasabi natin: “Si Jehova na Soberanong Panginoon ay aking masiglang kalakasan; at gagawin niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa.” (Habacuc 3:19) Sa gayo’y hindi tayo manghihina o manghihimagod. Tandaan na ang takbuhan ay halos tapos na. Tayo’y malapit na sa gol!

[Talababa]

a Kapuna-puna ang salita para sa pampatibay-loob sa Filipos 2:1 at Hebreo 6:18 ay galing sa isang pandiwa sa Griego na ang ibig sabihin ay “gumamit ng bahagyang impluensiya sa pamamagitan ng mga salita” o “magsalita sa kaninuman, sa isang paraang positibo, may kabaitan.”

Mga Tanong sa Repaso

◻ Sino lamang ang may kalayaang kumuha ng dinamikong lakas buhat kay Jehova?

◻ Ano ang mga ilang tanda ng espirituwal na pagod?

◻ Anong mga paglalaan ni Jehova ang makatutulong sa atin na pagsaulian ng lakas?

◻ Paanong ang matatanda at ang mga iba pa sa kongregasyon ay makatutulong sa mga payunir upang makapanatili sa “takbuhan”?

[Kahon sa pahina 19]

Mga Ilang Paraan ng Pagdaig sa Espirituwal na Pagod

Mga Sintomas ng Pagkapagod

◻ Kawalan ng pagpipigil-sa sarili sa pagkain, pag-inum, at paglilibang

◻ Kawalan ng sigla sa katotohanan, kampante ang kaniyang kaisipan

◻ May malulubhang pag-aalinlangan na hindi maiwaksi

◻ Pinababayaan ang pakikisama sa kongregasyon sa mga pulong

◻ Kawalan ng sigasig at kagalakan sa ministeryo sa larangan

◻ Nagiging labis na mapamintas sa hinirang na matatanda at sa organisasyon

Mga Tulong Upang Tayo’y Makapagtiis

◻ Panalangin para kamtin ang tulong sa pamamagitan ng banal na espiritu​—Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23; 1 Pedro 4:7

◻ Personal na pag-aaral​—Awit 1:1, 2

◻ Pagbubulay-bulay sa mga bagay na nasa Kasulatan​—Awit 77:12

◻ Regular na pagdalo sa mga pulong at sa mga asamblea​—Nehemias 8:1-3, 8, 10; Hebreo 10:23-25

◻ Regular na paglilingkod sa larangan​—Gawa 20:18-21

◻ Espirituwal na tulong buhat sa mga matatanda sa kongregasyon, sa naglalakbay na mga tagapangasiwa​—Roma 1:11, 12; Hebreo 13:17

[Mga larawan sa pahina 17]

Si Jehova, na Maylikha ng sansinukob ang tumutulong sa kaniyang mga saksi na manumbalik ang lakas

[Credit Line]

NASA photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share