Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Mabuting Paggawi
1 Sa maluwag na lipunan sa ngayon, walang-ingat na sinasayang ng maraming kabataan ang kanilang buhay sa droga, imoralidad, paghihimagsik, at karahasan. Sa kabaligtaran, ang huwarang paggawi ng mabubuting kabataan sa Kristiyanong kongregasyon ay nakagiginhawang pagmasdan at tiyak na ito’y isang magandang bagay kay Jehova. Ito’y nagsisilbing mabisang patotoo na makaaakit sa iba sa katotohanan.—1 Ped. 2:12.
2 Ipinakikita ng maraming karanasan na ang mabuting paggawi ng mga Kristiyanong kabataan ay may positibong epekto sa mga nagmamasid. Hinggil sa kaniyang estudyante na isang kabataang Saksi, sinabi ng isang guro sa buong klase na ang Diyos ng batang babaing ito, si Jehova, ang siyang tunay na Diyos. Sinabi niya ito dahil sa laging magalang ang asal ng batang babae. Isa pang guro ang sumulat sa Samahan, na nagsabi: “Nais ko kayong papurihan sa pagkakaroon ninyo ng maiinam na kabataan sa inyong relihiyon. . . . Tunay na huwaran ang inyong mga kabataan. Sila ay magalang sa mga nakatatanda sa kanila, mapitagan, at mahinhing manamit. At kabisado nila ang kanilang Bibliya! Iyan ang relihiyon!”
3 Isa pang guro ang humanga sa mabuting paggawi ng isang pitong-taong-gulang na Saksi sa kaniyang klase. Naakit siya sa mahinahon at kaayaayang personalidad ng batang lalaki, na gumawa sa kaniya na lubhang natatangi sa iba pang mga batang lalaki. Siya’y humanga sa seryosong saloobin nito sa kaniyang mga relihiyosong paniniwala—siya’y hindi nahihiyang maging kakaiba dahil sa kaniyang pinaniniwalaan. Napapansin niya na ang budhi nito ay nasanay at na kaya nitong “makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14) Nang dakong huli, ang guro ay dinalaw ng ina ng bata, at napasimulan ang isang pag-aaral ng Bibliya. Nang maglaon, nabautismuhan ang guro at di-nagtagal ay naging isang regular pioneer!
4 Isang kabataang lalaki ang naimpluwensiyahan ng mabuting paggawi ng isang Saksi sa kanilang paaralan. Siya ay totoong kakaiba—napakagalang, palaaral, at lagi siyang mahinhing manamit; gayundin, di-tulad ng ibang kabataang babae, hindi siya umalembong sa kaninumang kabataang lalaki. Nakikita niya na namumuhay ito ayon sa mga simulain ng Bibliya. Tinanong siya ng kabataang lalaki tungkol sa kaniyang mga relihiyosong paniniwala at humanga ito sa kaniyang natutuhan. Nagsimula siyang mag-aral, di-nagtagal ay nabautismuhan, at sa wakas ay nakibahagi sa ministeryo ng pagpapayunir at sa paglilingkod sa Bethel.
5 Kung ikaw ay isang kabataang Kristiyano na nagnanais na magbigay ng mainam na patotoo sa iba, magbigay-pansin sa iyong paggawi sa lahat ng pagkakataon. Huwag mong hayaang lumuwag ang iyong pagbabantay sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa maluwag na mga saloobin, pangmalas, at mga istilo ng pamumuhay ng sanlibutan. Magpakita ng napakainam na halimbawa sa iyong pananalita, pananamit, at pag-aayos, hindi lamang habang nakikibahagi sa ministeryo sa larangan at sa mga pulong ng kongregasyon kundi rin naman habang nasa paaralan at kapag naglilibang. (1 Tim. 4:12) Magkakaroon ka ng tunay na kagalakan kapag ang isang tao ay nagkaroon ng interes sa katotohanan dahil sa ‘pinasisikat mo ang iyong liwanag’ sa pamamagitan ng iyong mabuting paggawi.—Mat. 5:16.