Bagong Kasangkapan na Tutulong sa mga Tao na Matutuhan ang mga Kahilingan ng Diyos
“ANG simple, tuwiran, at mahusay na paghaharap nito ay magbubunga nang higit pa kaysa sa inaasahan. Ang mga paksa ay iniharap sa paraang napakadaling unawain at kawili-wili anupat mapakikilos ang sinumang taimtim, nagsasaliksik na tao na sabihing, ‘Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.’ ” (1 Corinto 14:25) Ganiyan ang sinabi ng isang Saksi ni Jehova na taga-Thailand nang inilalarawan ang bagong brosyur, Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Iyon ay inilabas ng Samahang Watch Tower sa “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na mga Pandistritong Kombensiyon noong 1996/97.
Ang makulay na brosyur na ito na may 32 pahina ay dinisenyo bilang isang aralin sa pag-aaral ng Bibliya. Tinatalakay nito ang mga saligang turo ng Bibliya. Ang ginamit na mga salita ay simple at maikli ngunit malaman, anupat malinaw na ipinaliliwanag ang hinihiling ng Diyos sa atin. Hindi ito mahirap unawain ng mga mambabasa. Paano ka makapagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa bagong brosyur na ito?
Gamitin ang mga tanong. May mga tanong sa pasimula ng bawat aralin. Sa mga panaklong pagkatapos ng bawat tanong, makikita mo ang mga bilang ng mga parapo na kasusumpungan ng mga sagot. Magagamit ang mga tanong na ito bilang pantulong sa pagtuturo kapuwa sa panimulang pahapyaw na pagtalakay at sa repaso. Halimbawa, sa pasimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, maaari mong ibangon ang mga tanong sa estudyante upang malaman ang kaniyang mga komento. Sa halip na ituwid agad ang anumang maling sagot, maaari mong simulan ang pag-aaral. Sa katapusan ng aralin, maaari mong balikan ang mga tanong upang alamin kung kaya na ngayon ng estudyante na sagutin ang mga ito kasuwato ng Bibliya.
Tingnan ang mga kasulatan. Sa bawat aralin, ang maiikling pangungusap tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya ay may kasamang umaalalay na mga kasulatan. Yamang karamihan sa mga kasulatan ay binanggit, hindi sinipi, mahalaga na pasiglahin ang estudyante na tingnan ang mga tekstong ito sa kaniyang sariling Bibliya. Kailangan niyang basahin at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos bago niya maikapit ito sa kaniyang buhay.—Josue 1:8
Itampok ang mga larawan. Ang brosyur ay may maraming litrato at ipinintang larawan—lahat-lahat ay mahigit sa 50 gawang-sining. Inilaan ang mga ito hindi lamang para maging kaakit-akit sa paningin kundi bilang karagdagang pantulong din sa pagtuturo. Halimbawa, ang huling dalawang aralin (bawat isa ay isang pahina, anupat magkaharap ang mga pahina) ay pinamagatang “Tinutulungan ang Iba na Gawin ang Kalooban ng Diyos” at “Ang Iyong Pasiya na Maglingkod sa Diyos.” Ang mga larawan na sumasaklaw sa dalawang pahina ay tumatalunton sa espirituwal na pagsulong ng iisang tao, anupat ipinakikita siyang nagpapatotoo nang impormal, nakikibahagi sa pagbabahay-bahay, nag-aalay ng sarili, at sa wakas ay nagpapabautismo. Sa pag-akay sa estudyante na bigyang-pansin ang mga larawang ito, tinutulungan mo siyang maintindihan ang kinakailangang mga hakbang upang mapaglingkuran ang Diyos.
Paano kung ang taong interesado ay hindi gaanong marunong magbasa o hindi pa nga marunong bumasa? Ang Samahan ay nagsasaayos para makuha ang bagong brosyur na ito sa audiocassette sa maraming wika. Nilalaman ng cassette ang mga pangungusap sa brosyur gayundin ang marami sa mga binanggit na kasulatan. Iyon ay inirekord nang ganito: Binabasa ang unang tanong, isinusunod ang parapo (o mga parapo) na sumasagot doon, lakip na ang ilang binanggit na kasulatan. Pagkatapos ay binabasa ang kasunod na tanong, saka ang mga pangungusap at mga kasulatan na sumasagot doon, at patuloy. Maaaring makinig sa rekording ang estudyante habang naghahanda para sa pag-aaral. Magagamit din ang cassette kapag idinaraos ang pag-aaral.
Ang bagong brosyur na ito ay sabik na gamitin sa ministeryo sa larangan niyaong mga dumalo sa kombensiyon. Halimbawa, mga ilang araw makaraang tanggapin ang brosyur, dalawang payunir (buong-panahong mga ebanghelisador) buhat sa Estados Unidos ang nagpasakamay nito sa kabataang mag-asawa na kanilang binabalikan. Nang tingnan ng mag-asawa ang talaan ng mga nilalaman, nakatawag ng kanilang pansin ang araling “Mga Gawaing Kinamumuhian ng Diyos.” “Laging itinuturo sa akin na ang Diyos ay hindi maaaring mapoot kailanman—siya ay pawang pag-ibig,” ang sabi ng kabataang babae. “Ito ang una kong babasahin.” Nang magbalik ang dalawang payunir nang sumunod na sanlinggo, sinabi ng kabataang babae: “Binabasa ko ang bagong brosyur. Mahirap gawin ang lahat ng bagay na nararapat naming gawin. Hindi nalulugod si Jehova sa amin—kami’y hindi kasal. Ngunit nagpasiya na kami. Isinaayos na namin na magpakasal sa susunod na Biyernes.” Habang niyayakap ang mag-asawang payunir, idinagdag nila: “Pasensiya na sa aming di-regular na pag-aaral, subalit ito ay malaking pasan na nawala sa amin.”
Huwag mag-atubiling gamitin ang bagong Hinihiling na brosyur. Ito ay mabisang kasangkapan upang matulungan ang iba na malaman ang mga kahilingan ng Diyos.
[Mga larawan sa pahina 17]
Paano mo gagamitin ang bagong brosyur?