Ang Katotohanan Tungkol sa Pagsisinungaling
“SINUNGALING!” Napagsabihan ka na ba ng ganitong kasakit na salita? Kung oo, walang-alinlangang nauunawaan mo ang dagok na taglay nito.
Kung paanong maaaring mabasag ang isang pinakaiingatang plorera kapag ito’y ibinagsak sa sahig, gayundin maaaring mawasak ang isang pinakamamahal na ugnayan sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Totoo, sa paglipas ng panahon, maaari mo pa ring maayos ang pinsala, subalit ang ugnayan ay hindi na kailanman magiging tulad ng dati.
“Yaong mga nakatuklas na sila’y pinagsinungalingan,” sabi ng aklat na Lying—Moral Choice in Public and Private Life, “ay nag-iingat na sa mga panibagong alok. At muli nilang binubulay-bulay ang kanilang mga dating paniniwala at kilos na isinasaalang-alang ang natuklasang pagsisinungaling.” Matapos mahayag ang pandaraya, ang isang ugnayang minsan ay naging sagana sa malayang pag-uusap at pagtitiwala ay nasugpo ng paghihinala at pag-aalinlangan.
Dahil sa lahat ng negatibong damdaming kaakibat ng pagsisinungaling, dapat nating itanong, ‘Paano nagsimula ang madayang gawaing ito?’
Ang Unang Pagsisinungaling
Nang lalangin ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, inilagay niya sila sa magandang halamanang tahanan. Ang kanilang tahanan ay ligtas sa anumang uri ng panlilinlang o pandaraya. Iyon ay tunay na isang paraiso!
Gayunman, di pa natatagalan matapos lalangin si Eva, nilapitan siya ni Satanas na Diyablo taglay ang isang nakatutuksong alok. Sinabi kay Eva na kung kakanin niya “ang bunga ng punungkahoy,” na ipinagbawal ng Diyos, hindi siya mamamatay na di-gaya ng sinabi ng Diyos na mangyayari sa kaniya. Sa halip, siya’y magiging “tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:17; 3:1-5) Naniwala si Eva kay Satanas. Pumitas siya ng bunga, kinain iyon, at saka binigyan ang kaniyang asawa. Ngunit sa halip na maging Diyos na gaya ng ipinangako ni Satanas, sina Adan at Eva ay naging masuwaying makasalanan, mga alipin ng kasiraan. (2 Pedro 2:19) At nang sabihin ang unang pagsisinungaling na iyan, si Satanas ay naging “ang ama ng lahat ng kasinungalingan.” (Juan 8:44, Today’s English Version) Dumating ang panahon, nabatid ng tatlong makasalanang ito na walang panalo kapag ang isa’y nagsisinungaling o nagtitiwala sa kasinungalingan.
Nakamamatay na mga Epekto
Nais ni Jehova na lahat ng kaniyang nilalang—sa langit at sa lupa—ay makaalam na ang kusang pagsuway ay pinarurusahan. Mabilis siyang kumilos sa pamamagitan ng paghatol sa rebelyosong espiritung nilalang na gugulin ang natitira pa niyang buhay sa labas ng banal na organisasyon ng Diyos. Bukod doon, sa wakas ay titiyakin ng Diyos na Jehova ang lubusang pagkapuksa ni Satanas. Mangyayari ito kapag inilapat na ng “binhi” na ipinangako ng Diyos ang nakamamatay na sugat sa ulo.—Genesis 3:14, 15; Galacia 3:16.
Para sa kanilang bahagi sina Adan at Eva ay pinalayas sa halamanan ng Eden. Sinentensiyahan ng Diyos si Adan, na sinasabi: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula roon ikaw ay kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Dumating ang panahon, siya at si Eva ay kapuwa namatay, na gaya nga ng inihula ng Diyos.—Genesis 3:19.
Bilang mga inapo ni Adan, ang buong pamilya ng sangkatauhan ay “ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.” Lahat ng tao ay nakamana ng di-kasakdalan na umaakay sa kamatayan. (Roma 5:12; 6:23; 7:14) Tunay na nakapangingilabot ang naging bunga ng unang pagsisinungaling na iyan!—Roma 8:22.
Nag-ugat na Gawain
Yamang si Satanas at ang mga anghel na sumama sa kaniya sa pagrerebelde laban sa Diyos ay hindi pa napupuksa, hindi na tayo nagugulat kapag inuudyukan nila ang mga tao na ‘magsalita ng mga kasinungalingan.’ (1 Timoteo 4:1-3) Bilang resulta, ang pagsisinungaling ay nag-ugat na sa lipunan ng mga tao. “Ang pagsisinungaling ay naging talamak na,” sabi ng Los Angeles Times, “anupat ang lipunan ay talagang nawalan na nang pakiramdam dito.” Ang pulitika at mga pulitiko ay malapit na iniuugnay ng marami ngayon sa pagsisinungaling, ngunit alam mo ba na ang mga relihiyosong lider ay kabilang sa mga bantog na sinungaling?
Ang mga relihiyosong salansang kay Jesus ay nagkalat ng kasinungalingan tungkol sa kaniya noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Juan 8:48, 54, 55) Tinuligsa niya sila sa harap ng madla, na sinasabi: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga nasa ng inyong ama. . . . Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling disposisyon, sapagkat siya ay isang sinungaling at ang ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
Natatandaan mo ba ang kasinungalingang ikinalat nang matuklasang walang laman ang libingan ni Jesus matapos na siya’y buhaying-muli? Sinasabi ng Bibliya na ang mga punong saserdote “ay nagbigay ng sapat na dami ng mga pirasong pilak sa mga kawal at nagsabi: ‘Sabihin ninyo, “Ang kaniyang mga alagad ay dumating noong gabi at ninakaw siya habang kami ay natutulog.” ’ ” Ang kasinungalingang ito ay malawakang ikinalat, at marami ang nalinlang nito. Anong sama ng mga relihiyosong lider na ito!—Mateo 28:11-15.
Mga Relihiyosong Kasinungalingan sa Ngayon
Ano ang pangunahing kasinungalingang sinasabi ng mga relihiyosong lider sa ngayon? Katulad ito ng sinabi ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” (Genesis 3:4) Ngunit si Eva ay namatay, at siya’y bumalik sa lupa, sa alabok na mula roo’y ginawa siya.
Gayunman, siya ba’y pinagtinging namatay lamang ngunit ang totoo’y patuloy namang nabubuhay sa ibang anyo? Ang kamatayan ba’y isang pintuan lamang tungo sa panibagong buhay? Walang ipinahihiwatig ang Bibliya na may isang bahagi sa kamalayan ni Eva na patuloy na nabubuhay. Hindi nananatiling buhay ang kaniyang kaluluwa. Siya’y nagkasala sa pagsuway sa Diyos, at ang sabi ng Bibliya: “Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Si Eva, gaya ng kaniyang asawa, ay nilalang na isang nabubuhay na kaluluwa, at ang kaniyang buhay bilang isang nabubuhay na kaluluwa ay huminto. (Genesis 2:7) Hinggil sa kalagayan ng patay, ganito ang sabi ng Bibliya: “Kung tungkol sa mga patay, hindi nila nalalaman ang anuman.” (Eclesiastes 9:5) Kung gayon, ano ang karaniwang itinuturo ng mga simbahan?
Karaniwang itinuturo ng mga simbahan na ang mga tao’y may kaluluwang di-namamatay at na ang kamatayan ay nagpapalaya rito upang maranasan ang panibagong buhay—ito man ay sa lubos na kaligayahan o sa pagpapahirap. Halimbawa, ang The Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Maliwanag na itinuturo ng Simbahan ang kawalang-hanggan ng paghihirap sa impiyerno bilang isang sinasampalatayanang katotohanan anupat ang pagtutol o pag-aalinlangan dito ng sinuman ay pagpapamalas ng erehiya.”—Tomo 7, pahina 209, 1913 edisyon.
Ibang-iba naman ang turong iyon sa maliwanag na sinasabi ng Bibliya! Itinuturo ng Bibliya na kapag ang isang tao’y namatay, “bumabalik siya sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay napaparam ang kaniyang mga kaisipan.” (Awit 146:4) Kaya nga, ayon sa Bibliya, ang patay ay hindi na makararanas ng anumang sakit, sapagkat wala na silang kamalayan sa anupamang bagay. Samakatuwid, ang Bibliya ay humihimok: “Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo nang buong lakas, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [karaniwang libingan ng sangkatauhan], na iyong pinaroroonan.”—Eclesiastes 9:10.
Kailangang Maging Maingat
Kung paanong marami ang nailigaw ng mga kasinungalingan ng mga saserdote noong panahon ni Jesus, may panganib din na malinlang ng mga maling turo ng mga relihiyosong lider sa ngayon. Ang mga taong ito’y “nagpalit ng katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan,” at itinataguyod nila ang mga maling turo na gaya ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao at ang ideya na ang mga kaluluwa ng tao ay pahihirapan sa apoy ng impiyerno.—Roma 1:25.
Karagdagan pa, ipinapantay ng mga relihiyon sa ngayon ang tradisyon at pilosopiya ng tao sa katotohanan ng Bibliya. (Colosas 2:8) Kaya nga, ang mga batas ng Diyos tungkol sa moralidad—lakip na ang mga batas sa katapatan at seksuwal na paggawi—ay minamalas bilang relatibo, hindi absoluto. Ang resulta ay gaya ng inilarawan sa magasing Time: “Ang kasinungalingan ay lumalaganap kapag walang katiyakan sa lipunan, anupat ang mga tao’y hindi na nagkakaunawaan, o nagkakasunduan, sa mga patakarang umuugit sa kanilang paggawi sa isa’t isa.”—Ihambing ang Isaias 59:14, 15; Jeremias 9:5.
Nagiging mahirap ang pagsunod sa paalaala ng Diyos na huwag magsisinungaling kapag namumuhay sa isang kapaligiran na doo’y ipinagwawalang-bahala ang katotohanan. Ano ang makatutulong sa atin upang maging tapat sa lahat ng panahon?
Pumanig sa Katotohanan
Ang ating pagnanais na luwalhatiin ang ating Maylalang ay naglalaan sa atin ng pinakamainam na pangganyak upang linangin ang tapat na pananalita. Kapansin-pansin, tinatawag siya ng Bibliya na “ang Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Kaya nga, kung ang hangarin nati’y paluguran ang ating Maylalang, na namumuhi sa “sinungaling na dila,” tayo’y mauudyukang tumulad sa kaniya. (Kawikaan 6:17) Paano natin ito magagawa?
Ang masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay magbibigay sa atin ng kinakailangan upang ‘magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa kaniyang kapuwa.’ (Efeso 4:25) Gayunman, hindi sapat ang basta pagkaalam lamang ng kung ano ang hinihiling sa atin ng Diyos. Kung, gaya ng marami sa sanlibutan ngayon, hindi tayo nasanay na magsalita ng katotohanan, mangangailangan tayo na talagang magsikap na magawa iyon. Baka kailangang sundin natin ang halimbawa ni apostol Pablo at maging mahigpit sa ating sarili. “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin,” isinulat ni Pablo.—1 Corinto 9:27.
Ang isa pang tulong sa pakikipagbaka sa pagsasabi ng katotohanan sa lahat ng pagkakataon ay ang panalangin. Sa pamamagitan ng paghingi ng tulong, maaari tayong magkaroon ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Tunay, ang pagpapanatili ng “labi ng katotohanan” at pag-aalis ng “dila ng kabulaanan” ay maaaring maging isang tunay na pakikipagpunyagi. (Kawikaan 12:19) Ngunit sa tulong ni Jehova ito’y maaaring magawa.—Filipos 4:13.
Laging tandaan na si Satanas na Diyablo ang siyang gumagawang waring normal lamang ang pagsisinungaling. Nilinlang niya ang unang babae, si Eva, anupat nagsinungaling sa kaniya taglay ang masamang hangarin. Gayunman, alam na alam natin ang kapahamakang idinulot ng sinungaling na pamamaraan ni Satanas. Di-masayod na pagdurusa ang pinadagsa sa pamilya ng sangkatauhan dahil sa isang sakim na pagsisinungaling at tatlong sakim na indibiduwal—sina Adan, Eva, at Satanas.
Oo, ang katotohanan tungkol sa pagsisinungaling ay na ito’y kahalintulad ng isang nakamamatay na lason. Salamat na lamang, may magagawa pa tayo tungkol dito. Mapahihinto natin ang pagsisinungaling at walang-hanggang matatamasa ang pabor ni Jehova, isang Diyos na “sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.”—Exodo 34:6.
[Blurb sa pahina 19]
Ang pagsisinungaling ay kahalintulad ng nakamamatay na lason
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga epekto ng pagsisinungaling ay gaya ng pagkabasag ng isang plorera