Ang Ating Kapasiyahan—Itaguyod ang Daan ni Jehova Ukol sa Buhay
1 Tampok sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon ang resolusyon na pinagtibay sa panghuling pahayag. Nagsimula ito sa ganitong deklarasyon: “Tayo . . . ay buong-pusong sumasang-ayon na ang daan ng Diyos ang pinakamabuting daan ukol sa buhay.” Alalahanin ang mahahalagang punto sa resolusyong iyon na hinggil doo’y sinabi nating, “OO!”
2 Kapasiyahan natin na manatiling malinis sa harap ni Jehova, nang walang bahid mula sa sanlibutan. Patuloy nating uunahin sa ating buhay ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng paggamit sa kaniyang Salita, ang Bibliya, bilang ating patnubay, hindi tayo lilihis sa kanan o sa kaliwa, sa gayon ay pinatutunayan na ang daan ng Diyos ay lalong nakahihigit sa daan ng sanlibutan.
3 Ipinagwawalang-bahala ng sanlibutan sa pangkalahatan ang daan ng Diyos ukol sa buhay at inaani nito ang masasamang bunga. (Jer. 10:23) Kung gayon, dapat na patuloy tayong maturuan ng ating Dakilang Tagapagturo, si Jehova, na nagsasabi: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.” (Isa. 30:21) Ang daan ni Jehova ukol sa buhay, na nakasaad sa Kasulatan, ay nakahihigit sa lahat ng paraan. Upang maitaguyod ang daang iyon, kailangan nating samantalahin ang lahat ng itinuturo sa atin ni Jehova.
4 Ang Nakahihigit na Programa ni Jehova sa Pagtuturo: Itinuturo sa atin ni Jehova ang tunay na layunin ng buhay at kung paano gagamitin ang ating buhay sa pinakamabuting paraan. Itinuturo niya sa atin kung paano mapauunlad ang kalidad ng ating buhay sa mental, moral, at espirituwal na paraan. Itinuturo niya sa atin kung paano mamumuhay nang mapayapa kasama ng ating mga kapatid, ng ating pamilya, at ng ating kapuwa tao. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang aklat-aralin, ang Bibliya, at sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.
5 Ang mga pulong natin sa kongregasyon ay napakahalaga sa bagay na ito. Habang tayo’y regular na dumadalo at nakikibahagi sa lahat ng limang pagpupulong, nakatatanggap tayo ng malawak na pagsasanay bilang mga ministro ng mabuting balita at ng isang mahusay-ang-pagkakatimbang na edukasyon sa Kristiyanong pamumuhay. (2 Tim. 3:16, 17) Ang ating Dakilang Tagapagturo ay naglalaan pa sa atin ng teokratikong edukasyon sa pamamagitan ng mga asamblea at mga kombensiyon. Dapat na maging tunguhin natin na huwag kailanman lumiban sa pulong o sa isang sesyon kung ipinahihintulot naman ng ating kalusugan at kalagayan na dumalo.
6 Masikap nawa nating ipagpatuloy ang pagtataguyod sa daan ng Diyos ukol sa buhay sa hinaharap, pawang sa kapurihan ni Jehova at sa ating walang-hanggang kapakinabangan!—Isa. 48:17.