Nakinabang Tayo sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon
1 Ilang buwan pa lamang ang nakalipas, gumagawa tayo ng mga plano para daluhan ang 1998-99 “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong mga Kombensiyon. Ngayon, ang mga ito ay naging mahahalagang pangyayari sa teokratikong kasaysayan ng organisasyon. Lubusan tayong nasiyahan sa masustansiyang espirituwal na pagkain na ating natanggap sa pambihirang mga pagtitipong iyon.
2 Ang pambuong-daigdig na aspekto ng mga kombensiyon ay totoong nakapananabik. Naroroon man o wala sa ating dinaluhang kombensiyon ang mga misyonero at iba pang delegado mula sa ibang bansa, tayong lahat ay nakarinig ng maiinam na karanasan sa bahagi noong Biyernes ng hapon na pinamagatang “Paglilingkod sa Larangang Pangmisyonero.” Ang araw-araw na “Mga Ulat sa Pagsulong ng Gawaing Pag-aani” mula sa palibot ng daigdig ay totoong nakapagpapatibay.
3 Magagandang Bagong Labas: Sinagot ng huling pahayag noong Biyernes ang tanong ng napakaraming tao na hindi nakaaalam ng katotohanan: “May Buhay ba Pagkatapos ng Kamatayan?” Ang lubhang nakawiwiling pahayag na iyon ay nagtapos sa pamamagitan ng paglalabas ng isang bagong brosyur, Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay? Habang pinag-aaralan natin ito sa mga Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat sa buwang ito at sa Marso, makikita natin kung gaano kahalaga ang brosyur na ito sa pagtulong sa mga tao na makita ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay. Aaliwin din nito ang mga napipighati sa pamamagitan ng pag-asa ng pagkabuhay-muli.
4 Nagtapos ang programa sa Sabado ng hapon sa pahayag na “Ang Maylalang—Ang Kaniyang Personalidad at ang Kaniyang mga Daan.” Inakay tayo nito sa isang lohikong konklusyon na kailangang may isa na Lumalang. Upang tulungan tayo sa pagtulong sa iba na maunawaan ang bagay na ito, ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? ay inilabas. Bagaman pinatitibay nito ang ating sariling pananampalataya kay Jehova at ang ating pagkaunawa sa kaniyang personalidad at mga daan, ang aklat ay pantanging dinisenyo para sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos bagaman edukado sa sekular na mga bagay.
5 Isang Taimtim na Resolusyon: Idiniin ng huling pahayag ng kombensiyon ang pangangailangan na tayong lahat ay “Patuloy na Lumakad sa Daan ni Jehova.” Angkop na angkop nga na maipabatid sa madla ang resolusyon ng bawat isa sa atin na maging laging determinadong panghawakan, irekomenda, at itaguyod ang nakahihigit na daan ng Diyos ukol sa buhay! (Isa. 30:21) Tayo ngayon ay kailangang maging determinado na mamuhay ayon sa mga kapasiyahang ito. Anong inam na espirituwal na pampatibay-loob ang natanggap natin sa pagdalo sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Kombensiyon!